Halos kalahating oras na yatang nakaupo si Hale sa kama niya.
"Ibang-iba na siya ngayon," sambit niya sa sarili at sinabunutan ang sariling buhok.
Malalim ang iniisip niya at dahil iyon sa muling pagkikita nila ng dati niyang kasintahan na si Diosah.
Ang daming tanong sa isipan niya. Aaminin niyang matagal siyang nangulila rito noon lalo na nang mapilitan siyang iwanan ito para ipagpatuloy ang pag-aaral niya sa ibang bansa. Nalaman niya na umalis rin pala ng Pilipinas si Diosah. Sa pagbalik niya sa Pilipinas ay hinanap niya ito pero wala na si Diosah, sa tagal ng panahon na umaasa siyang makikita niya ulit ito ay hindi niya inaasahang mangyayari pa pala iyon.
Bumalik na ito.
Bumalik na ulit ang babaeng minahal niya noon ng sobra.
Napalunok siya at ibinagsak ang sarili sa kama habang nakatitig sa kisame.
Tiningnan niya ang cellphone niya. Hinanap niya roon ang natitirang larawan nila ni Diosah na hindi pa niya nabubura. Pinagmasdan niya ang larawan.
Parehas silang masaya at nakangiti sa larawang iyon.
Napapikit siya at inilapag ang cellphone sa kama.
Naglalaro sa isipan niya ang mukha ni Diosah.
Bakit ganito ang nararamdaman niya? Mahal pa rin ba niya ito hanggang ngayon? Naguguluhan siya. Hindi mapanatag ang kalooban niya dahil lang sa nakita niya ulit ito.
Hinubad niya ang suot na damit at nagtungo siya sa banyo. Kalangan niyang maligo para mahimasmasan ang isipan niya.
Ibinagsak niya lahat sa sahig ang mga saplot niya sa katawan at nagtungo siya sa loob ng cr.
Lumagaslas ang tubig sa buo niyang katawan.
Hinayaan niya ang sarili na mag-isip habang abot pa rin ang bagsak ng tubig mula sa shower.
Halos isang dekada na ang lumipas tapos ngayon ay muling magtatagpo ang landas nila ni Diosah. Bakit ito nandito ngayon? Ang sabi nito ay hinanap siya nito sa pinsan niyang si Santiara, bakit pa siya nito kailangang hanapin?
Napabuntong-hininga siya at kinuskos ang sariling buhok. Napakagulo ng isipan niya.
Hindi niya namalayan na kanina pa pala siya hinahanap ni Diwata. Nang lumabas siya ng banyo ay nagulat pa siya dahil naroon ito sa silid niya at nakaupo sa kama.
Natigilan siya lalo na nang makita na hawak-hawak nito ang cellphone niya.
Hindi niya nai-back iyon kanina at malinaw na tinitingnan ni Diwata ang larawan nila ni Diosah.
"Diwata..." sambit niya sa pangalan nito. Nag-angat naman ito ng tingin sa kaniya. Tila may bakas ng panggigilid ng luha sa mga mata nito pero pinilit nitong ngumiti sa kaniya.
"M-may picture ka pa rin niya. A-ang ganda niya 'no? B-bagay na bagay kayo," utal-utal at garalgal nitong sabi. Nag-aalala siya dahil parang iiyak na ito.
Natigagal siya sa kinatatayuan niya at agad na lumapit sa puwesto nito kahit na nakabalot lang ng tuwalya ang ibabang bahagi ng katawan niya.
"W-wala iyan," sabi niya at agad na kinuha ang cellphone.
Nakangiti pa rin si Diwata sa kaniya pero naroon pa rin ang nagbabadyang luha sa mga mata nito.
"Pumunta lang ako dito para sana yayain ka ng kumain. Nag-prepare ako ng dinner sa ibaba," sabi ni Diwata sa kaniya. Parang hinaplos ang puso niya dahil sa sinabi nito.
"Sumunod ka na lang sa ibaba," dagdag pa nito at tumayo na sa kama niya.
Lumabas na ito ng silid niya. Gusto niya itong habulin pero hindi niya nagawa. Bakit hindi siya makapagsalita ng maayos?
BINABASA MO ANG
GRACE UNDER FIRE (Completed)
Storie d'amoreSi Diwata, may pagkaisip-bata at nag-aasam ng mala-fairy-tale na love story. Akala niya ay matatagpuan niya iyon kay Lee Amielles-sa kaniyang kababata na pinili niyang pakasalan ngunit nagkamali siya. Isang malaking pagkakamali lang pala iyon dahil...
