CHAPTER 43

679 33 0
                                    

Tatlong araw lang na ibinurol si Lee at pagkatapos ay inilibing na rin ito agad. Nakipaglibing si Diwata at kasama niya si Hale. Hindi siya nito hinayaang mag-isa. Ayaw nito na pumunta siyang mag-isa doon. Umiiyak ang ina ni Lee nang tuluyan ng ibinaon sa lupa ang kabaong ni Lee ganoon din ang mga kapatid nito. Siya man ay hindi maiwasang pumatak ang luha sa mga mata. Kahit papaano ay may pinagsamahan pa rin sila ni Lee. Hindi rin niya alam na hahantong sa ganito si Lee, na bigla na lang itong magkakasakit ng malubha at mamamatay.

Naramdaman niyang hinawakan ni Hale ang balikat niya nang pasimple niyang pinunasan ng panyo ang mga mata niya. Naka-shades ito ng itim at puting long-sleeve. Siya naman ay nakasimpleng bestida na kulay puti at lagpas tuhod.

“You okay?” tanong sa kaniya ni Hale. Tumango lang siya dito kahit ang totoo ay may lungkot siyang nararamdaman. Pagkatapos ng mga nangyari at mga nalaman niya tungkol sa magulang niya ay puro lungkot na lang yata ang nararamdaman niya, dagdag pa itong pagkamatay ni Lee. Kahit masakit ang loob niya dito, ni minsan ay hindi naman niya ginustong mangyari ito kay Lee at humantong sa ganito. Minahal din niya ito.

Walang tigil sa pag-iyak ang ina ni Lee. Paborito kasi nitong anak si Lee at alam niya kung gaano nito kamahal ang anak.

Nang mailibing si Lee ay siya namang dating ng mga pulis na aaresto kay Mrs. Amielles. Napalunok siya nang makita ang mga pulis na lumapit sa ginang at pinosasan ito. Kusang sumuko ang ina ni Lee. Walang pagtutol sa mga mata nito. Masakit sa mata ang nakikita niya pero iyon ang tama para mabigyan niya ng hustisya ang pagkamatay ng mga magulang niya. Tumingin sa kaniya ang ina ni Lee at pagkatapos ay yumuko ito. May bahid pa rin ng luha sa mga mata ang ginang. Tumupad naman siya sa usapan nila na bigyan ito ng kaunting panahon hanggang sa huling araw ni Lee. Ngayon ay panahon na para akuin nito ang lahat ng kasalanang ginawa nito sa mga magulang niya.

Umiiyak ang dalawang kapatid ni Lee pero hindi na lumapit ang mga ito sa kaniya.

Sumama na sa pulis ang ina ni Lee at naramdaman niyang hinawakan ni Hale ang braso niya at hinimas iyon.

“Let's go home,” bulong ni Hale sa kaniya. Tumango na lamang siya dito. Kahit papaano ay gumaan na ang kalooban niya dahil alam niya na mabibigyan na niya ng hustisya ang pagkamatay ng mga magulang niya. Masakit man sa kaniya ang mga nangyari ay alam niyang unti-unti rin na maghihilom ang sugat sa sa puso niya.

Umalis na sila ni Hale pero hindi sila sa bahay nito tumuloy. Nakiusap siya kay Hale na dumaan muna sila sa mansyon nila at doon nga siya dinala ni Hale. Huminto ang sasakyan nito sa tapat ng gate ng malaking bahay nila.

Pumasok sila sa loob dahil nasa kaniya naman na ang susi niyon.

“Ang laki ng bahay ng mga magulang mo. Sino na ang titira dito ngayon?” tanong sa kaniya ni Lee.

“Ako,” mahina niyang tugon. Tumingin naman si Hale sa kaniya at parang sinusuri nito kung seryoso siya.

Nang nasa loob na sila ay nagsindi siya ng kandila at pinuntahan ang malaking larawan ng kaniyang ama at ina na nasa altar.
Masakit ang puso niya pero ngayong makukulong na ang ina ni Lee ay may kapanatagan siyang naramdaman sa kalooban niya.

“Mommy and Daddy, patawarin niyo ako kung ngayon ko lang kayo nabigyan ng hustiya. Hindi ko kasi alam. Wala akong alam...” umiiyak na sabi niya. Nilapitan naman siya ni Hale at hinagod ang likod niya.

“Ngayong nakakulong na ang nanay ni Lee, alam kong naibigay ko na ang hustisya para sa inyo. Miss na miss ko na kayo,” basag ang tinig na sabi niya. Tuluyan na siyang napahagulgol. Niyakap naman siya ni Hale at umiyak siya sa mga bisig nito. Sunod-sunod ang paghikbi niya at tanging balikat ni Hale ang naging sandalan niya.

Ang daming nangyari sa buhay niya. Pinatay ang mga magulang niya ng mga taong nasa paligid lang din niya. Niloko siya ng dating asawa niya. Ngayon ay patay na ito. Hindi niya alam kung ano na ang mangyayari sa kaniya ngayon pero nagpapasalamat siya na hindi siya iniwanan ni Hale sa mga panahong kailangan niya ng masasandalan. Simula una pa lang ay ito na ang naging sandalan niya. Dumating man sa puntong hindi naging maganda ang unang pagkikita nila pero kung hindi naman dahil dito ay hindi niya malalaman ang lahat ng tungkol sa ginawang panloloko ni Lee sa kaniya. Nagpapasalamat siya na nakilala niya si Hale.

“Iiyak mo lang hanggang sa gumaan ang pakiramdam mo,” bulong ni Hale sa kaniya at sinandig nito ang ulo niya sa balikat nito. Nakatingin sila pareho sa altar. Kung nakikita man siya ng Mommy at Daddy niya ngayon na kasama niya si Hale, ano kaya ang reaksyon ng mga ito? Tiyak niyang pasasalamatan ng mga ito ang binata dahil sa pagprotektang ginawa nito sa kaniya. Si Hale din ang nagbiay sa kaniya ng masisilungan noong mga panahong masakit na masakit ang loob niya at hindi niya alam kung saan siya dadalhin ng mga paa niya. Si Hale ang naging sandigan niya sa lahat ng bagay. Malaki ang utang na loob niya sa taong ito.

“Hindi pa ako nakakapagpasalamat sayo sa lahat ng nagawa mo sa akin.”

Humarap siya kay Hale. Hinawakan naman nito ang magkabilang kamay niya.

“You don't need to thank me. Wala naman akong ginawa—”

Pinutol niya ang pagsasalita nito nang bigla siyang tumingkyad at hinalikan ang labi nito. Mga ilang segundo din iyon bago siya bumitaw. Nanlaki ang mga mata ni Hale dahil sa ginawa niya at napatingin pa ito sa larawan ng Mommy at Daddy niya.

“Y-you kissed me in front of them?” tila gulat na sabi nito.

Napangiti siya.

“Bakit parang natatakot ka?” nagtatakatang tanong niya kay Hale. Para kasi itong kinakabahan.

“B-baka biglang mabuhay ang Daddy mo at suntukin niya ako.”

Kahit may bahid pa ng luha ang mga mata niya ay bigla siyang natawa dahil sa sinabi nito.

“Niloloko mo naman ako eh!” sabi niya sa binata.

Humarap ito sa larawan ng Mommy at Daddy niya.

“Ahm, Mr. and Mrs. Roa. Gusto ko hong hingin ang kamay ni Diwata sa inyo ngunit kung pagtutol sa langit lamang mula sa inyo ang matatanggap ko ay hindi iyon magiging sapat na dahilan para iwanan ko siya. Mahal na mahal ko po ang anak ninyo at hindi ko na kayang mawala pa siya sa buhay ko," mahabang litanya ni Hale. Parang hinahaplos ang puso niya habang pinapakinggan ang mga salitang sinasabi nito. Tila ba may buhay na kinakausap nito ang larawan ng Mommy at Daddy niya. Napapangiti tuloy siya dito kasi seryosong-seryoso ang mukha nito habang sinasabi iyon.

“Ano ka ba, Hale? Magugustuhan ka ni Mommy at Daddy,” sabi niya kay Hale.

“Just in case ayaw nila sa akin, gusto ko pa ring malaman nila na wala akong balak sumuko para sayo. Mahal na mahal kita, Diwata.”

Hinalikan ni Hale ang noo niya at napayuko na lang siya habang nakapikit.

Mahal din niya si Hale at sa lahat ng magulong nangyari sa buhay niya ay ang bagay lang na iyon ang naging malinaw sa puso niya, na mahal niya rin ito.

GRACE UNDER FIRE (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon