CHAPTER 31

891 58 11
                                    

“Patong-patong ang kaso na ipinataw sa akin ng asawa ko, mukhang mahihirapan akong makalabas dito Inay. Isa pa ay makapangyarihan ang gagong Frommette na iyon!" nanlulumo at inis sa galit na sambit ni Lee sa kaniyang ina.

Alalang-alala ang ina niya nang sumugod ito sa kulungan para dalawin siya. Nabalitaan na nito ang nangyari dahil dalawang araw na siya dito at simula noon ay hindi naman sila nagkaroon ng contact na mag-ina. Nalaman lang daw nito dahil nagtungo ito sa bahay nila ni Diwata at naabutan nito doon ang asawa niya na inaayos ang mga gamit niya at balak itapon lahat. Ganoon katindi ang galit sa kaniya ni Diwata. Hindi niya akalain na magiging matigas na ito ngayon. Labis ang hinanakit nito at nababasa niya iyon sa mga mata ni Diwata. Mukhang wala na talaga siyang magagawa para paamuin ulit ito. Iba na ito ngayon. Natuto na itong mag-isip.

“Napaka-walanghiya talaga ng asawa mo!” nanginginig sa galit na sabi ng ina niya.

“Magbabayad din sila Inay. Sa oras na makawala ako dito ay hindi ako papayag na maging maligaya sila ng Frommette na iyon. Alam ko naman na nagugustuhan na niya ang lalaking iyon,” sabi niya sa ina.

“Eh bakit ba naman kasi hinayaan mong mapunta sa ibang lalaki ang asawa mo? Tingnan mo ang nangyari, nabilog na tuloy ang ulo niya at natuto ng lumaban!” paninisi sa kaniya ng ina. Umiling-iling lang siya. Wala siyang panahon para patulan pa ang paninisi nito. Iniisip niya kung paano siya makakalayas sa lintek na kulungang ito. Hindi na niya kayang magtiis pa ng matagal.

“Nakahanap na ba kayo ng abogado? Gusto ko ng makaalis dito sa mas lalong madaling panahon! Bumayad ka kahit gaano pa kalaki iyan!” sabi niya sa ina at sinabunutan ang sariling buhok dala ng matinding frustration.

“Oo may nakausap na ako at tutulungan niya tayo diyan sa kaso mo. Huwag kang mag-alala makakaalis ka rin diyan anak,” anang ina niya at pinagmasdan siya nito sa mukha. Hindi niya alam kung bakit bigla na lang itong tumitig sa kaniya habang nakakunot ang noo. Nagtaka tuloy siya.

“Inay, bakit ganiyan ka kung makatingin? Anong problema?” nagtatakhang tanong niya rito.

“Bakit puro rashes yata ang mukha mo? Saka tingnan mo iyang balat mo...” anang ina niya kaya tiningnan niya ang braso niya. May mga rashes nga siya. Hindi niya iyon alintana.

“Baka tigdas lang ito Inay,” sagot niya naman. Kahapon nga ay iba ang pakiramdam niya at para siyang lalagnatin saka masasakit ang mga muscles niya. Para bang lambot na lambot siya.

“Ganoon ba? Hindi ba't nagkaroon ka na ng tigdas noong bata ka?”

“Hindi ba p’wedeng umulit iyon Inay?  Saka huwag mo na ngang intindihin iyan. Ang kailangan ko ay makaalis dito kaya madaliin mo na ang pag-aasikaso sa kaso ko. Asikasuhin mo yung abogado,” sabi niya sa ina.

“Oo naman. Hindi ko hahayaang magtagal ka pa riyan sa kulungang iyan. Bruha talaga ang asawa mo, sa susunod na magkita kami ay sasabunutan ko talaga iyan hanggang sa matanggal ang anit niya!” gigil na sabi ng ina niya at pinaypayan ang sarili. Ilang sandali pa ay nagpaalam na rin ito sa kaniya. Bumalik siya sa loob ng kulungan na mabigat pa rin ang pakiramdam. Hindi talaga siya sanay sa ganito kaya nararamdaman niya ang ganitong klase ng sakit. Kailangan na niyang makaalis dito agad dahil baka iyon pa ang ikamatay niya kapag nagtagal pa siya rito.

—————

“Hale Vandrous Frommette, may maganda akong balita sayo my friend!” nakangising sabi ni Damon habang abala naman si Hale sa pagbabasa ng magazine.

Wala si Diwata ngayon at nagpaalam ito na may aasikasuhin lang saglit sa bahay nito. Gusto niya sana itong samahan pero ayaw naman nitong pumayag kaya hinayaan na lang niya ito. Wala naman na siyang dapat alalahanin pa dahil nakakulong na ang walanghiyang Lee at sinisiguro niyang mabubulok na iyon sa kulungan.

“Siguraduhin mo lang na magandang balita yang sasabihin mo Damon-yo dahil kung hindi ay ibabaon kita ng buhay diyan sa kinatatayuan mo,” sabi niya kay Damon habang nagbabasa pa rin ng magazine at hindi man lang tumitingin dito.

“Potek! Ano ba naman ‘yan? Ikaw na nga itong bibigyan ng magandang balita tapos suplado ka pa! Ayaw mo ba?”

“Spill it,” walang emosyon na sabi niya. Madalas na walang kwentang kausap itong si Damon kaya wala siyang gana kapag sinasabi nitong may maganda itong balita sa kaniya dahil 10 percent lang na totoo ang sinasabi nito.

“Nakausap ko na si Atty. Montreal, and guess what? Nahugot na niya ang marriage registration ni Diwata at Lee!” masayang balita nito sa kaniya. Isinara niya ang hawak na magazine at tumingin kay Damon dahil sa sinabi nito.

“Seryoso ka ba?” hindi makapaniwalang tanong niya.

“Mukha ba kong nagbibiro? Hello! Si Atty. Montreal iyon. Alam mo ba kung gaano kalupit ang abogado na iyon?” namimilog ang mga matang sambit ni Damon sa kaniya. Nanlalaki rin pati butas ng ilong nito at kulang na lang ay pumasok siya sa loob niyon.

“Ibig mong sabihin eh—”

“Oo, wala ng bisa ang kasal ni Diwata at Lee. Inayos ni Atty yung papel. Bilib talaga ko sa abogado na iyon dahil walang imposible sa kaniya,” manghang-mangha na sabi ni Damon. Tila kumislap ang mga mata niya dahil sa narinig. Napatayo siya mula sa pagkakaupo. Nilapitan niya si Damon at niyanig ang balikat nito. Pati siya ay nabigla, si Damon lang halos ang nakipag-negosasyon sa abogadong iyon pero ganoon nito kabilis nagawan ng paraan ang bagay na matagal na niyang pinoproblema. Mukhang nadagdagan na ang mga taong hinahangaan niya. Bihira kasi siyang humanga sa mga tao, kahit nga sa mga artista pa.

“T-talaga? Totoo talaga iyan?!”

“Langya! Unlimited ka ba? Totoo nga bro!” ani Damon kaya niyugyog niya pa lalo ang balikat nito dahil sa matinding kasiyahan.

Masayang-masaya siya sa narinig at kulang na lang ay pugpugin niya ng halik ang mukha ni Damon. Pero hindi pa siya baliw para gawin ang bagay na iyon.

“Nasaan si Atty. Kraius Montreal? Gusto ko s(yang makausap,” sabi niya sa kaibigan.

“Tamang-tama may usapan kami na magkikita kami mamaya sa Dreame Café. Sumama ka na lang sakin,” sabi ni Damon sa kaniya.
Kahit gago ang kaibigan niyang ito ay may nagawa itong isang malaking pabor sa kaniya. Iyon ay ang irekomenda siya sa isang mahusay na abogadong iyon.

“Sigurado ka na wala ng magiging sabit ang papel na iyon?” paniniguro pa niya kay Damon.

“Oo naman! Malinis tumrabaho si Atty. Kraius kaya wala kang dapat ikabahala.”

“Salamat! Alam mo, ngayon ko lang na-realized na may silbi ka rin pala sa mundo minsan,” aniya kay Damon. Sa totoo lang ay nai-excite siya. Parang lumulundag ang puso niya dahil sa kasiyahan pero ayaw niyang masyadong ipahalata iyon sa gunggong na ito dahil tutuksuhin na naman siya nito.

“Huwag kang mag-alala bro dahil may bayad ‘yan. Wait ka lang, sisingilin kita,” tumatawang sabi nito.

“Tarantado!”

Pabiro niyang sinuntok ang dibdib nito.
Humalakhak lamang si Damon.

“Magbihis ka na para makausap na natin si Atty. Bilisan mo lang ha?” ani Damon sa kaniya kaya nagmamadali siyang pumanhik sa itaas upang makapagbihis. Makikipagkita sila ngayon ni Damon sa abogadong iyon upang mapasalamatan na rin niya ito ng personal.

GRACE UNDER FIRE (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon