CHAPTER 12

882 50 14
                                    

Abot ang sulyap ni Hale sa relong suot niya habang nakatayo siya sa labas ng gate ng bahay ng wirdong babae. Pagkatapos ng mga nalaman niya kahapon mula sa pinsan niya ay hindi siya papayag na lokohin lang ito ng Lee Amielles na iyon. Hindi puwedeng pati ang pinsan niya ay idamay nito sa kagaguhan nito, kaya naman nagkasundo na sila ni Santiara. Mabuti na lang at naniwala sa kaniya ang pinsan niya matapos niyang ipaliwanag dito na may asawa na ang sinasabi nitong boyfriend at niloloko lang ito ng Lee na iyon.
Noong una ay hirap maniwala ang pinsan niya pero kilala siya nito at alam nito na hindi siya mahilig gumawa lang ng kung ano-anong issue.

Nakipagkita ngayon ang pinsan niya kay Lee para sa napag-usapan nilang plano kagabi. Narito siya sa labas ng bahay nito at inaabangan niya naman yung asawa nitong wirdo para gisingin ito sa katotohanan na niloloko lang ito ng asawa nito.

Nag-doorbell siya kahit ayaw niya sanang gawin iyon. Hihintayin na lang sana niya na lumabas ang babae sa bahay nito pero baka ugatin lang siya sa kinatatayuan niya kapag naghintay lang siya.
Maya-maya pa ay lumabas na nga ang babae.

Pupungas-pungas pa ito habang nakasuot ng mahaba at maluwang na damit na umaabot na hanggang sa tuhod nito.

Nang matanaw siya nito ay natigilan pa ito sa paglakad at kinusot ang mga mata. Sumilay ang ngiti sa labi nito nang makilala siya nito.

“Uy, Hale!”

Tila ba close na sila sa paraan ng pagtawag nito sa kaniya.

Ibinukas nito ang gate at agad siyang nilabas nito.

“A-anong ginagawa mo dito?” tanong nito sa kaniya. Pinigilan niya ang matawa sa itsura nito dahil gulo-gulo pa ang buhok nito. Halatang kagigising lang at hindi pa nakakapagsuklay ang babae.

“May gusto lang akong sabihin sayo,” seryosong sabi niya rito.

“Ano naman iyon?”

“Puwede bang pumasok muna sa loob?”

Agad itong tumango sa tanong niya at niluwagan nito ang pagkakabukas sa gate. Pinapasok siya nito sa loob ng bahay nito nang wala man lang pagdadalawang-isip.
Tila ba kampanteng-kampante na ito sa kaniya kahit na puro kasungitan ang ibinigay niya rito simula noong una silang nagkita. Alam niyang wala na ang asawa nito dahil nasabi sa kaniya ni Santiara kanina na nag-update na daw si Lee dito at sinabing nasa daan na ito para makipagkita sa pinsan niya.

Pumasok siya sa loob ng magarang bahay ng babae. Ilang sandali na naglakbay ang mga mata niya sa magandang disenyo ng pagkakagawa niyon. Well, magtataka pa ba siya? Architect ang asawa ng babaeng ito, iyon nga lang ay gunggong pa rin ang tingin niya sa lalaking iyon.

“Maupo ka muna Hale,” nakangiting sabi nito sa kaniya. Naupo naman siya at naupo rin ito sa malaking sofa katapat ng kinauupuan niya.

“A-anong pag-uusapan natin?” tanong ulit nito.

Tinitigan niya ito sa mga mata at naghihintay lang ito ng sasabihin niya.

“Wala ka bang mga magulang? Nasaan ang pamilya mo?” tanong niya sa babae. Nagkaroon siya ng interes na malaman iyon dahil hindi siya makapaniwala na ganito kaisip bata ang babaeng ito. Gusto niyang malaman or makilala ang pamilya nito.
Nagbaba ito ng tingin sa kaniya at tila ba bigla itong nalungkot.

“W-wala na akong mga magulang. P-patay na sila...”

Natigilan siya sa narinig.

Wala na itong mga magulang?

Napalunok siya at nagbaba ng tingin sabay iling.

“I'm- I'm sorry,” sambit niya at nakaramdam ng habag para sa babae.

“Si Lee na lang ang pamilya ko. Siya na lang ang mayro’n ako. Wala na rin akong mga relatives. Nasa ibang bansa silang lahat. Mabuti na lang talaga at bago mawala ang mga magulang ko ay naipakasal na nila ako kay Lee, kasi kung hindi baka hindi ko na rin alam kung ano na ang mangyayari sa akin. Natatakot akong mag-isa.”

Kunot na kunot lang ang noo niya habang nakikinig sa mga sinasabi nito.

Ganoon nito kamahal ang gunggong na lalaking iyon?

Wala talaga itong kaalam-alam sa kabulastugan ng asawa nito at tila ang tingin nito sa lalaking iyon ay napakabuti. Paano ba niya ipapaalam sa babaeng ito ang lahat ng nalalaman niya? Paano niya ito mapapaniwala kung ganito katindi ang paniniwala at pagmamahal nito para sa asawa nito?

“Alam mo ba na naaawa ako sayo? Hindi ko alam kung bakit at kung paano ka nagagawang lokohin ng gagong asawa mo.”

Hindi niya napigilan ang sarili at lumabas mula sa kaniya ang mga salitang iyon. Nagulat ito dahil sa sinabi niya.

“A-anong ibig mong sabihin?”

“Tss! Ito na naman tayo! Wala kang alam kaya ka ginagago. Hindi ko alam kung paano ko sayo ipapaliwanag ang lahat kasi baka hindi mo na naman paniwalaan. Puwede bang kahit ngayon lang pakinggan mo ako? Niloloko ka ng asawa mo kaya please gumising ka naman. Ito na ang huling beses na sasabihan kita at kung balewala pa rin lahat sayo ito eh wala na akong magagawa. Imulat mo ang mga mata mo. Hindi puwedeng ganyan ka. Kaya ka naaabuso eh!”

Napahilamos siya sa sariling mukha at nakita niyang nanggilid ang luha sa mga mata ng babae.

Ilang sandali pa ay tumayo siya mula sa pagkakaupo at hinila ito sa kamay.

“Halika sumama ka sakin!” aniya rito. Napatayo naman ito sa kinauupuan at halatang gulat na gulat ito at nagtataka.

“S-saan tayo pupunta?” tanong nito habang kinakaladkad niya ito palabas.

“Pupunta tayo sa lugar kung saan imumulat mo na ang mga mata mo.”

“Hindi kita maintindihan Hale. Saan mo ako dadalhin?”

Hindi na siya nag-aksaya pa ng laway na sagutin ito. Binuksan niya ang pintuan ng sasakyan niya nang nasa tapat na sila nito.

“Sakay!” utos niya sa babae.

“Pero—”

Wala itong nagawa ng buhatin niya ito at pilit isinakay sa loob ng kotse niya at saka isinarado ang pinto niyon.
Dali-dali siyang umikot sa driver's seat at pinaandar ang sasakyan.

Pupuntahan lang naman nila ang lugar kung saan kasama ng pinsan niya ngayon si Lee Amielles.

Napag-usapan na nila itong magpinsan na para matulungan nila ang kaawa-awang babae mula sa panloloko ng Lee Amielles na iyon ay kailangang mahuli nito mismo ang asawa nito. Mahihirapan siyang mapaniwala ang babae kung hindi nito mahuhuli sa akto ang sarili nitong asawa. Mabuti na lang at pumayag ang pinsan niya dahil naawa din ito nang ikuwento niya kung anong klaseng babae ang asawa ni Lee Amielles. Nagi-guilty nga ito dahil wala itong alam. Nabiktima lang din ang pinsan niya kaya bilang pagbawi ay tutulong ito sa kaniya para matulungan ang wirdong babae na magising na sa katotohanan kung anong klaseng lalaki talaga ang napangasawa nito.

GRACE UNDER FIRE (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon