“Ako na ang bahala dahil nakausap ko na si Atty. Montreal, huwag mo ng problemahin ‘yon my friend.”
Nakahinga ng maluwag si Hale matapos marinig ang sinabi ni Damon sa kabilang linya. Kahapon niya pa ito kinukulit para hanapan siya ng mahusay na abogado. Inirekomenda nito sa kaniya si Krauis Montreal, madalas nga niyang nadidinig ang pangalan nito. Mahusay daw itong abogado. Mabuti na lang at nandiyan si Damon para tulungan siyang makipag-usap sa abogadong iyon.
Balak niyang puntahan ngayon si Lee sa bahay nito dahil nakapag-report na siya sa mga pulis at ipapadampot na niya ito ngayon. Sa dami ng atraso nito kay Diwata ay hindi siya papayag na hindi nito pagbayaran ang lahat ng iyon. Mabubulok ito sa kulungan.
“Hale aalis na tayo?” tanong sa kaniya ni Diwata na kasalukuyang nakaupo sa malaking sofa. Hinihintay pala siya nito. Nakabihis na ito kaya alam niyang handa na rin ito. Napag-usapan na nila kagabi ang tungkol sa gagawin niyang pagpapadampot kay Lee at natutuwa siya na ginusto ni Diwata sumama para ito mismo ang magturo sa kawalanghiyaan ng asawa nito.
“Are you really sure na gusto mong sumama? Buo na ba talaga ang desisyon mo na ipakulong ang asawa mo?” paniniguro niya. Marahang tumango si Diwata.
“Pagkatapos ng mga ginawa niya sakin ay hindi ko na alam kung ano pang magiging tingin ko sa kaniya. Nagsisisi ako na siya ang naging asawa ko,” malungkot na sabi ni Diwata.
“Mas mabuti na rin na makulong siya dahil hindi mapapanatag ang loob ko kapag naiisip kong nandiyan lang siya. Natatakot ako na baka kung ano na naman ang gawin niya kapag nagtagpo ang landas namin,” dagdag pa nito.
Bumuntong-hininga siya at lumapit kay Diwata. Hinawakan niya ang kamay nito.
“Tama lang ang gagawin mo Diwata. Hindi mo deserve ang taong katulad ni Lee Amielles. Masamang tao siya,” sabi niya at umiling-iling.
“Kung bakit ba kasi hindi kita agad nakilala,” dagdag niya pa. Mabuti na lang at tila hindi iyon alintana ni Diwata kaya hindi na ito nagtanong pa sa kaniya. Tumayo na ito
“Tayo na,” sabi nito at ito na ang humila ng kamay niya palabas ng bahay niya. Nakangiting tumango siya kay Diwata.
Nasa labas na ng bahay ni Lee ang mga pulis nang dumating sila doon. Kaagad niyang nilapitan yung isang pulis na siyang nakausap niya kanina.
“Siya ba ang biktima ng lalaking sinasabi mo?” tanong agad sa kaniya ng pulis nang makita nito si Diwata sa gilid niya. Tumango siya dito.
“Yes, chief. Masyado ng maraming atraso ang lalaking iyon. Kailangan na niyang pagbayaran lahat ng kawalanghiyaan niya,” sabi niya. Tumingin ang pulis kay Diwata.
“Kakilala mo ba ang lalaki na tinutukoy ni Mr. Frommette?” tanong ng pulis kay Diwata. Napayuko si Diwata pero kapagkuwan ay tumango naman ito.
“A-asawa ho niya ako,” nag-aalangan na sagot ni Diwata. Bakas sa mukha ni Chief Hidalgo ang pagkabigla dahil sa sinagot ni Diwata.
“Kung gayon ay asawa mo pala ang lalaking inirereklamo ni Mr. Frommette. Bakit mo ginagawa ito?” tanong ng pulis.
“Ahm excuse me Chief pero napag-usapan na ho natin ito hindi ba?” sabat niya sa usapan. Natigilan naman ang pulis at kapagkuwan ay tumango.
“Oo, pasensya na Mr. Frommette,” sabi ng pulis at muling bumaling ng tingin sa bahay nila Diwata at Lee. Ilang sandali pa ay nagdesisyon na itong pumasok sa loob kasama ang dalawa pang pulis. Sumunod na sila dito ni Diwata. Doon ay naabutan nila si Lee na nakaupo sa sala ng malaking bahay nito habang humihithit ng sigarilyo. Bakas sa mukha ni Lee ang pagkagulat at agad itong napatayo sa kinauupuan nang makita ang mga armadong pulis na kasama nila ni Diwata. Nakahubad pa si Lee at may bakas ng sugat ang pisngi nito. Ito marahil ang tinamo nito dahil sa pagkakabagsak nito sa hagdanan kahapon.
“A-anong ibig sabihin nito Diwata?” gulat na tanong ni Lee sa kanila.
“I'm sorry Lee pero panahon na para pagbayaran mo ang mga kasalanan mo sa akin. Muntik mo na akong patayin kahapon!” galit na sabi ni Diwata. Madalang niyang marinig na magtaas ng boses si Diwata pero ngayon ay tumaas ang tinig nito.
Tila nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Lee at naging maamo iyon. Pinagsiklop nito ang mga palad at nagpaawa kay Diwata.
“S-sweetheart puwede naman nating pag-usapan ito hindi ba? Huwag mo nang gawin sakin ito. Asawa mo pa rin ako!” nagmamakaawang sabi ni Lee.
“Asawa? Oo nga asawa mo ako Lee pero sa papel na lang iyon! Matagal mo na akong niloloko, nakabuntis ka pa ng ibang babae at sigurado ako na marami pang iba bukod sa akin. Bakit mo nagawa sakin ito Lee? Anong nagawa ko sayo? Akala ko kakampi kita. Akala ko mahal mo ako. Nagtiwala ako sayo pero anong ginawa mo? Sinaktan mo ko!” umiiyak na sabi ni Diwata. Iniwasan niyang tingnan ang mukha ni Diwata dahil hindi niya kayang makita ito na umiiyak.
Nasasaktan siya at nanggigigil siya lalo sa Lee na ito.
“Sige na Chief at bitbitin niyo na iyan!” aniya sa mga pulis.
“Teka ano itong mga ‘to? Shabu ‘to ah!” bigla ay sabi ng isang pulis na lumapit sa maliit na lamesa. Dinampot nito ang mga nakakalat doon na sachet ng hinihinalang bawal na gamot.
Nanlaki ang mga mata ni Lee at natigagal ito sa kinatatayuan.
“H-hindi po sa akin iyan!” pagsisinungaling nito.
“Hindi ka lang pala gago at babaero, adik ka rin palang tarantado ka!” galit na sabi niya kay Lee.
“Hindi totoo iyan! Hindi sakin iyan. Chief please parang awa niyo na ayoko pong makulong!” Parang batang nagmamakaawa si Lee habang nagsusumamo sa mga pulis.
“Sa presinto ka na magpaliwanag. Posasan niyo na yan!” utos ni Chief Hidalgo sa dalawang pulis na kasama nito.
“D-diwata! Tulungan mo ko!”
Hinapit niya ang katawan ni Diwata at tiningnan ito sa mga mata. Pinunasan niya ang luhang pumatak sa mga mata nito.
Kinaladkad na ng mga pulis si Lee at naiwan sila ni Diwata sa loob. Hindi niya akalain na masusurpresa nila si Lee sa ganoong gawain. Gumagamit pala ito ng bawal na gamot.
“Stop crying Diwata. Everything will be okay. Wala na si Lee, wag ka ng matakot pa,” alo niya kay Diwata pero mas lalo lang bumagsak ang luha sa mga mata nito. Naiintindihan niya ang sakit na pinagdadaanan nito ngayon. Naiintindihan niya na mahirap tanggapin ang lahat ng pananakit at panlolokong ginawa ni Lee dito.
“Kababata ko siya Hale. Ang tagal na naming magkasama tapos hindi ko agad nakilala ang totoong pagkatao niya. Ang tanga-tanga ko!” umiiyak na sabi nito. Niyakap niya ito at hinayaang umiyak sa mga bisig niya. Sunod-sunod ang paghikbi nito.
“Wala kang kasalanan. Kasalanan iyon ni Lee. Kasalanan niya na sinayang ka pa niya at habangbuhay niyang pagsisisihan iyon!” aniya rito.
“Halika na sumunod na tayo sa presinto.” Pinisil niya ang kamay ni Diwata at hinalikan ang noo nito. Pinilit naman nitong pigilan ang pag-iyak at kahit na namumula ang mga mata nito ay marahan itong tumango at sumama sa kaniya palabas ng bahay.
BINABASA MO ANG
GRACE UNDER FIRE (Completed)
RomanceSi Diwata, may pagkaisip-bata at nag-aasam ng mala-fairy-tale na love story. Akala niya ay matatagpuan niya iyon kay Lee Amielles-sa kaniyang kababata na pinili niyang pakasalan ngunit nagkamali siya. Isang malaking pagkakamali lang pala iyon dahil...