CHAPTER 24

830 66 11
                                    

“Hindi pa rin ba umuuwi ang asawa mo hanggang ngayon? Malamang na nanlalalaki na 'yon!” galit na litanya ng ina ni Lee habang iiling-iling sa anak nito. Hindi naman ito binigyang pansin ni Lee dahil magulo ang isip niya. Ilang araw na siyang hindi nakakapasok sa trabaho dahil sa dami ng eskandalong ginawa niya sa buhay. Nabuntis niya si Beatriz at ngayon ay may ilang mga babae pa na humahabol sa kaniya sa opisina kaya kung maaari lang talaga ay ayaw na niyang pumasok sa trabaho.

“So anong plano mo ngayon? Tutunganga ka na lang? Umuwi ka na sa bahay mo at hanapin mo na ‘yang baliw mong asawa. Mamaya ay pupunta dito si Beatriz at dito na siya titira simula ngayon,” saad ng ina niya.

“W-what? Anong sinasabi mo Inay? Anong titira dito si Beatriz? Alam mong hindi mo pwedeng gawin ‘yan dahil baka lalo ng hindi bumalik si Diwata. Baka tuluyan na niya akong hiwalayan!” sagot niya sa ina niya.

“Eh ‘di mabuti! Mas mainam nga na huwag na siyang bumalik dito para masolo na namin itong bahay. Wala namang alam ‘yang asawa mo eh. Hindi ba’t mas maganda nga kung makikipag-hiwalay na siya sayo? Mayaman ka naman na. Hindi na natin siya kailangan,” anang Inay niya at naupo sa malaking duyan malapit sa garden.

“Inay, asawa ko pa rin si Diwata at kasal pa rin kami. Sayang naman kung makikipag-hiwalay ako sa kaniya. Alam natin na sobrang daming yaman ang iniwan sa kaniya ng mga magulang niya, hindi naman ako papayag na mapunta pa iyon sa iba,” sabi niya sa ina. Hindi pa sa ngayon. Hindi pa ito ang tamang panahon para iwanan niya si Diwata. Kailangan niya munang makamkam ang lahat ng iniwan ng mga magulang nito. Sisiguraduhin niyang kahit ilang taon pa ang lumipas ay hindi na siya maghihirap. Hindi na niya dadanasin ang hirap ng buhay na pinagdaanan nila noon.

Bumuga ng hangin ang ginang na halatang naiirita sa kung sino ang babaeng pinag-uusapan nila ngayon.

“Umuwi ka na nga Lee at huwag mong sirain ang mood ko. Aalis ako at magpupunta sa salon,” anang Inay niya.

“Sige aalis na ako. Kung magpunta man dito si Diwata ay sabihin niyo kaagad sa akin.”

Hindi umimik ang ina niya at tumaas lang ang isang kilay nito sabay iling. Nagpaalam na siya dito at lumabas na sa malaking lupain na pag-aari ng mga magulang ni Diwata.

Sakay ng kaniyang kotse ay pinaharurot niya iyon pabalik sa SRV.
Ilang araw na niyang minamanmanan ang bahay ng Hale Vandrous na iyon pero palaging walang tao. Hindi niya matiyempuhan ang asawa niya. Kailangan na niya itong mapaamo at mapauwi sa bahay nila. Hindi ito pwedeng manatili sa piling ng antipatikong Hale Vandrous na iyon. May araw din sa kaniya ang gagong iyon!

Huminto muna siya sa tapat ng malaking bahay ni Hale upang tingnan kung maaabutan niyang nasa labas si Diwata, ang kaso ay wala na namang tao. Hindi niya magawang mag-eskandalo ngayon para palabasin ito dahil nang huling gawin niya ang bagay na iyon ay dumugo ang nguso niya. Mas mabuting maabutan niya na wala ang Hale na iyon at si Diwata lang ang tanging tao sa bahay nito.

Bumuntong-hininga siya at lumagpas sa bahay nito dahil wala naman siyang mapapala sa kakahintay doon.

-

“Anong iniisip mo? Bakit kanina ka pa yata tahimik?” puna ni Hale kay Diwata habang nakapangalumbaba ito sa lamesa at nakatingin sa kawalan.

Tila malalim ang iniisip nito kaya naman nagtataka siya.

“May problema ba?” tanong niya pa rito pero umiling lang ito.

“Nami-miss ko lang sila Mommy at Daddy,” mahinang sambit ni Diwata. Noon lang niya nakita ang lungkot sa mga mata nito na tila ba labis ang pangungulilang nararamdaman nito ngayon.

“Kung nabubuhay lang sila siguro ay may kasama pa ako. Mayroon pa akong mauuwian.”

Nakaramdam siya ng awa dito. Humila siya ng isang upuan at humarap dito. Inangat niya ang baba nito at pinagmasdan ang kabuuan ng inosenteng mukha nito.

“Huwag ka ng malungkot. Hindi sila matutuwa kapag nakikita nilang malungkot ka. Gusto mo bang malungkot din sila?” tanong niya dito. Umiling naman ito sa kaniya.

“Uhm ayoko. Hindi ko lang talaga maiwasan na ma-miss sila. Siya nga pala may sasabihin ako sayo...”

Biglang sumeryoso ang mga mata nito kaya naman hinintay lang niya kung ano ang sasabihin nito sa kaniya.

“Uuwi na ako bukas sa bahay namin,” sabi nito. Tila may sumikip sa dibdib niya nang sabihin nito ang mga katagang iyon.

Uuwi na ito?

Babalik na ito sa asawa nito?

“You mean babalik ka na sa asawa mo?” tanong niya. Hindi niya alam kung bakit parang may kumukurot sa puso niya sa isiping uuwi na ito sa asawa nito. Isang bagay lang ang malinaw sa kaniya ngayon. Mahal pa rin nito ang asawa nito. Kahit sa dami ng pinagdaanan nitong sakit sa asawa nito ay ito pa rin ang lalaking uuwian nito pagkatapos ng lahat.

Parang tinatarakan ng patalim ang dibdib niya.

Napatingala siya at pilit na nilabanan ang emosyong pumapaloob sa buo niyang pagkatao.

Wala na yata siyang tyansa para sa babaeng ito.

Shit! Bakit nga ba kasi sa dami ng babaeng magugustuhan niya ay iyong babae pang nakatali na sa iba ang nagpahulog sa puso niya?

Oo, gusto na niya si Diwata. O hindi nga yata tama na pagkagusto lang ang salitang nababagay sa nararamdaman niya.

Mahal na niya ito. Ayaw niya lang aminin sa sarili niya na nahuhulog na siya dito.
Gusto niya itong protektahan. Gusto niya itong alagaan. Gusto niya itong mahalin na hindi kayang ibigay ng gagong asawa nito. Pero paano na ngayon? Paano ba siya lalaban sa isang bagay na alam naman niyang mali. Mali dahil kasal na ito at mayroon na itong asawa.
Wala siyang laban doon.

Tumikhim siya at kahit hirap siyang magsalita ay pinilit niya pa rin ang sarili na kontrolin ang emosyon.

“Babalikan mo pa rin talaga siya pagkatapos ng lahat?” tanong niya rito.

“Oo, babalik ako sa bahay namin Hale. Babalik ako para sabihin kay Lee na gusto ko ng makipaghiwalay sa kaniya.”

Doon ay natigilan siya sa kaniyang narinig. Ang kanina'y naninikip na dibdib niya ay tila nagkaroon ng buhay dahil sa sinabi ni Diwata.

Pero tama nga ba ang narinig niya? Totoo ba ang sinabi nito?

“A-anong sabi mo?”

“Makikipag-hiwalay na ako kay Lee, hindi tama na magsama pa kami dahil mayroon na siyang anak sa iba. Ayokong sumira sa kinabukasan ng magiging anak niya. Ayoko Hale...”

Napalunok siya at gumuhit ang matamis na ngiti sa labi niya.

“T-talaga? T-totoo ba ‘yan Diwata?” hindi makapaniwalang sambit niya at hinawakan ang magkabilang balikat nito.

Napakunot naman ang noo nito sa kaniya na tila ba takhang-taka sa ikinikilos niya.

“Oo nga Hale. Hays sabi ko na ngang gumamit ka kasi ng cotton budds para hindi ka nabibingi eh!”

Hindi siya nakapagsalita sa sinabi nito at ang huling namalayan na lang niya ay yakap-yakap na niya ng mahigpit si Diwata.
Ang saya-saya niya. Ito na yata ang pinakamasayang araw sa buhay niya. Hindi siya makapaniwala na maririnig niya ang lahat ng iyon kay Diwata. Gagawin niya ang lahat matulungan lang itong hiwalayan ang tarantadong Lee Amielles na iyon.

GRACE UNDER FIRE (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon