"La la la la lah..."
"La la la la lah..."
Pakanta-kanta si Diwata habang naglalakad sa labas ng village nila at kasama ang aso niyang si Hail na nilagyan niya ng tali. Katulad ng dati ay nakasuot na naman siya ng ternong pantulog na barbie naman ang design. Nag-eexercise lang siya kaya siya naglalakad ng ganito kaaga.
"Ang lamig naman. Malapit na talaga ang pasko baby Hail," sabi niya sa aso niya. Inililinga niya ang paningin sa mga naggagandahang bahay na nadadaanan nila. Kahit araw-araw niyang nakikita ang mga ito ay hindi niya pa rin maiwasan ang humanga. Ang gaganda kasi talaga ng mga bahay. Maganda din naman ang bahay nila ni Lee pero di hamak na mas magara ang mga nadadaanan niya ngayon. Lalo na yung bahay nung kamukha ni Jericho Rosales.
Napahinto siya nang makita ang bahay nito kung saan niya ito nakita noon at sinungitan siya. Bigla siyang napasimangot nang maalala ang tagpong iyon.
Iniisip niya talaga kung bakit ang sungit ng lalaki na iyon? At iniisip niya rin kung bakit ayaw pa rin nitong aminin hanggang ngayon na ito si Jericho Rosales. Wala namang masama kung aaminin nito ang bagay na iyon eh. Sikat naman ito sa TV tapos sa personal ay itinatanggi nito ang tunay na pagkatao. Siguro ay may tama sa utak ang lalaki na iyon.
Bumuntong-hininga siya at napailing. Akmang lalagpas na sana siya sa bahay nito nang may maalala siya.
Bumalik sa isipan niya ang sinabi nito sa party kagabi. May kahalikan daw na babae ang asawa niya. Hanggang ngayon ay gumugulo pa rin talaga sa isipan niya ang bagay na iyon. Hindi niya iyon lubos na maunawaan. Bakit kailangang makipaghalikan ni Lee sa ibang babae?
Namalayan na lang niya ang sarili na bumabalik at pagkatapos ay tumayo siya sa harapan ng gate ng bahay ni Jericho Rosales. Nag-doorbell siya doon pero mukhang wala namang tao. Nakailang pindot na siya pero wala talagang lumalabas.
Maya-maya ay isang lalaki ang topless na lumabas mula sa kalapit nitong bahay.
Agad niyang tinakpan ang mata nang makita ito.
"Ah, excuse me sinong hinahanap mo?" tanong ng lalaki sa kaniya pero nanatiling nakatakip ang dalawang kamay niya sa kaniyang mga mata.
"K-kuya b-bakit ka nakahubad?" utal-utal na tanong niya sa lalaki at hindi pa rin ito tinitingnan.
Natigilan naman ang lalaki at agad itong humingi ng pasensya sa kaniya. Humalukipkip ito at tinakpan ang matipunong dibdib nito na nakatambad.
"Sorry nakalimutan kong kuhanin ang t-shirt ko eh. Sino ba ang hinahanap mo? Walang tao riyan sa bahay ni Impiyerno," dinig niyang sabi ng lalaki.
Ano raw? Impiyerno? Hindi niya ito maintindihan.
"A-anong impiyerno ang sinasabi mo?" naguguluhang tanong niya sa lalaki.
"I mean si Hale. Wala si Hale sa bahay na 'yan kakaalis lang niya at pumasok na sa trabaho," anang lalaki sa kaniya. Bahagya niyang inalis ang pagkakatakip niya sa mata niya dahilan para masilayan niya ang gwapong mukha ng lalaki, pero agad na nalukot ang kilay niya dahil pinagtitripan yata siya nito.
"Kuya pinagtitripan mo ba ko?" tanong niya sa lalaki. Nagulat naman ito dahil sa tanong niya.
"H-ha? Anong pinagtitripan? Hindi kita pinagtitripan," nagtatakang sabi nito.
"Ang sabi mo kasi ay pumasok sa trabaho ang baby Hail ko. Paanong papasok sa trabaho si baby Hail eh heto siya at kasama ko? Saka aso lang siya paano siyang makakapagtrabaho at hindi rin siya diyan nakatira sa bahay na 'yan dahil sa amin siya nakatira," sagot niya sa lalaki. Namilog ang mga mata nito at umawang ang mapulang labi.
BINABASA MO ANG
GRACE UNDER FIRE (Completed)
RomanceSi Diwata, may pagkaisip-bata at nag-aasam ng mala-fairy-tale na love story. Akala niya ay matatagpuan niya iyon kay Lee Amielles-sa kaniyang kababata na pinili niyang pakasalan ngunit nagkamali siya. Isang malaking pagkakamali lang pala iyon dahil...