Pagdating ni Hale sa tapat ng bahay nila Diwata ay hindi maganda ang pakiramdam niya. Hindi niya maipaliwanag kung bakit pero may kakaiba talaga siyang nararamdaman. Pinagmasdan niya muna ang malaking bahay habang nakatayo siya sa harapan nito.
Nagkausap na kaya si Diwata at yung gunggong na Lee na iyon?
Bumuntong-hininga siya.
Bakit ba siya bumalik? Tsk! Sinabi na nga ni Diwata sa kaniya na hayaan niya muna itong kausapin ang asawa nito.
Iniisip niya tuloy kung papasok na naman ba siya sa loob ng bahay dahil nakabukas naman ang gate niyon.
Tumingin siya sa relong suot. Isang oras pa lang buhat ng iwanan niya ito kanina.
Siguro ay hindi na siya dapat bumalik sa bahay nito. Masyado siyang napaparanoid, kung ano-ano ang naiisip niya.
Ipinilig niya ang ulo at akmang tatalikod na upang buksan ang pintuan ng kaniyang kotse pero bigla siyang nakarinig ng sigaw.“Tulong!”
Agad siyang napahinto sa kinatatayuan niya. Hindi siya puwedeng magkamali, boses ni Diwata iyon. Napalunok siya at gumuhit ang matinding kaba sa dibdib niya.
“Tulong! Tulungan nyo ko!” ulit pa ng sigaw kaya naman wala siyang sinayang na sandali, agad siyang pumasok sa loob ng gate ng bahay ng mga Amielles. Kulang na lang ay sagiin niya ang lahat ng mamahaling gamit na nadaanan niya. Si Diwata agad ang hinanap ng mga mata niya at agad niya naman itong nakita. Tumatakbo ito habang yakap-yakap ang sarili. Nakasuot lamang ito ng bra kaya naman gulat na gulat siya pagkakita dito.
“Hale tulungan mo ko!” sigaw nito at wala pang ilang segundo ay lumabas na si Lee mula sa likod nito. Agad na hinila ni Lee si Diwata at inikmil ang leeg nito, bakas sa mukha ni Diwata ang matinding takot.
Nanlalaki ang mga mata niya habang nakatingin kay Lee.
“Gago ka Lee! Bitawan mo si Diwata!” galit niyang litanya.
“Ikaw na naman? Talagang ang tigas din ng mukha mo ano?!” nanlilisik ang mga matang ani Lee sa kaniya. Natataranta ang isipan niya sa nakikitang itsura ni Diwata habang hawak-hawak ito ni Lee at sakal-sakal sa leeg.
“Bitawan mo si Diwata, anong ginagawa mo sa kaniya?! Baliw ka na!” sabi niya pero hindi man lang natinag si Lee at tila sira ulo na tumawa pa ito.
“At bakit ko naman gagawin iyon Frommette? Para ano? Para kunin mo si Diwata at pagtaksilan niyo ako?”
Tila nanigas ang panga niya dahil sa matinding panggigigil habang nakatingin siya kay Lee.
Pagtaksilan? Ito ang nagtaksil kay Diwata at ngayon ay ito pa ang may karapatang sabihin iyon. Talagang nababaliw na ang gunggong na ito.
Kinalma niya ang sarili, hindi siya puwedeng magpadalus-dalos dahil baka mamaya ay lalo nitong saktan si Diwata. Hindi niya kayang makita na nahihirapan ito.
“Bitawan mo na si Diwata, hindi ka ba naaawa sa kaniya?” aniya kay Lee pero tila wala naman itong naririnig.
“Lumayas ka dito Frommette at tigilan mo ang pangengealam sa buhay namin!” galit na sabi sa kaniya ni Lee.
Kung kaya lang niya ay siguro nga matagal na niyang ginawa ang bagay na iyon. Pero hindi. Hindi na niya kaya lalo pa ngayon na mahal na niya ang asawa nito. Hindi siya papayag na masaktan na naman ang babaeng mahal niya sa kamay ng walanghiyang lalaking ito.
“Lee bitawan mo ako! Ikaw ang unang nagtaksil satin, ikaw ang sumira sating dalawa. Minahal kita at kaibigan kita simula palang noong bata tayo, hindi ko akalain na magagawa mo sakin ito! Pinagkatiwala– ahh L-lee t-tama na- n-asasaktan a-ako!”
Nakita niyang hinigpitan pa ni Lee ang pagkakaikmil nito sa leeg ni Diwata kaya kulang na lang ay takbuhin niya ang hagdanan.
“Sige subukan mong lumapit at tutuluyan ko na ang babaeng ito! Anong akala niyo? Hahayaan ko kayo na magkaroon ng happy ending? Tarantado ka ba? Asawa ko pa rin 'to at ako lang ang nagmamay-ari sa kaniya! Umalis ka na Frommette!” muling pagtataboy sa kaniya ni Lee. Nasa kalagitnaan na siya ng hagdanan at hindi niya nagawang tumuloy dahil sa pagbabanta nito na sasaktan na naman si Diwata kapag tuluyan siyang lumapit.
Ilang sandaling katahimikan ang namayani, tila winawasak ang dibdib niya sa nakikitang itsura ni Diwata habang nasa kamay ito ni Lee. Wala talagang kaluluwa ang lalaking ito, walang kunsensya.
Umisip siya ng hakbang kung paano makukuha si Diwata. Nagulat siya nang bigla na lang sumigaw si Lee at nabitawan nito si Diwata na mabilis bumaba at nagtatakbo. Kinagat ni Diwata ang braso ni Lee kaya nakatakas ito.
Akmang susugurin ni Lee si Diwata pero agad siyang humarang dito.
“Tayong dalawa ang magtuos ngayon, tarantado ka!” galit na asik niya at walang pakundangan na sinuntok ito pero nakaiwas ito sa kaniya.
“Diwata tumakbo ka na sa labas!” sigaw niya habang nakikipagbuno kay Lee. Nasuntok siya ni Lee sa tiyan pero nabigyan din niya ito ng isang malakas na suntok sa mukha. Napaatras ito habang sapo ang pisngi.
Muling sumugod si Lee sa kaniya pero nakaiwas siya dito. Dahil sa malakas na puwersa ng pagsugod ni Lee sa kaniya ay na-out of balance ito at nakita na lang niya itong naggulong-gulong sa hagdanan. Pagbagsak nito sa ibaba ay tumama ang ulo nito sa semento. Nawalan ito ng malay.
Habol niya ang hininga habang nakatingin sa katawan nitong nakabagsak sa sahig pero imbes na maawa siya ay hindi iyon ang naramdaman niya sa lalaki. Hindi dapat kinakaawaan ang taong ito.
Agad siyang bumaba at iniwanan ang walang malay na si Lee.
Nakita niyang nasa loob na ng sasakyan niya si Diwata kaya naman mabilis siyang pumasok sa loob.
Punong-puno siya ng pag-aalala para dito.“Diwata are you okay?” nag-aalalang tanong niya dito. Tila pagod na pagod si Diwata at habol nito ang hininga habang nakaupo at nakasandal sa sasakyan. Agad niyang hinubad ang suot niyang polo at isinuot iyon sa katawan nitong nakatambad sa kaniya.
Nagsisisi na siya kung bakit niya ito iniwang mag-isa sa kamay ng Lee na iyon. Paano kung hindi siya dumating? Baka napahamak na si Diwata.
Awang-awa siya habang nakatingin sa mukha nito. Niyakap niya ito ng mahigpit at hinalikan ng paulit-ulit ang buhok nito.
“I'm sorry!” habol ang hiningang sambit niya.
“Dapat ay hindi kita iniwan sa gagong iyon. Dapat ay hindi kita hinayaang mag-isa! Muntik ka ng mapahamak,” sabi niya pero tumulo lamang ang luha ni Diwata. Gusto niyang suntukin ang sarili.
“Wag kang mag-alala, hinding-hindi ako papayag na dumapo ulit sayo kahit dunggot ng daliri niya.”
Pinaandar na niya ang kotse at mabilis na pinaharurot iyon pabalik sa bahay niya.
Sinisiguro niyang mabubulok sa kulungan ang Lee na iyon. Patong-patong na kaso ang ipapataw niya sa lalaking iyon at hindi siya titigil hangga't hindi ito nakukulong. Gagawin din niya ang lahat mapawalang-bisa lamang ang kasal ng mga ito.
Ang daming tanong sa isip niya kung bakit napunta si Diwata sa lalaking iyon? Bakit sa dami ng lalaki sa mundo ay sa taong ganoon pa ang pagkatao? Pero siguro nga ay misyon niyang iligtas ang babaeng nasa tabi niya ngayon, siya ang gagamot ng mga sugat nito. Pinapangako niya na hinding-hindi na ito masasaktan pa muli.
![](https://img.wattpad.com/cover/238874163-288-k931410.jpg)
BINABASA MO ANG
GRACE UNDER FIRE (Completed)
RomanceSi Diwata, may pagkaisip-bata at nag-aasam ng mala-fairy-tale na love story. Akala niya ay matatagpuan niya iyon kay Lee Amielles-sa kaniyang kababata na pinili niyang pakasalan ngunit nagkamali siya. Isang malaking pagkakamali lang pala iyon dahil...