Hindi puwedeng makipaghiwalay si Diwata sa kaniya at hindi niya papayagang mangyari iyon kahit ano pa ang mangyari. Alam ni Lee na nagkakaisip na ang asawa niya at hindi na ito basta-basta madadala sa mga gagawin niyang dahilan o pang-uuto. Kasalanan ng pakialamerong Hale Vandrous Frommette na iyon kung bakit gusto ng makipaghiwalay ng asawa niya ngayon sa kaniya. Siguro ay kung ano-ano ang ginawa nitong panunulsol kay Diwata.
Tumikhim siya at bumaling ng tingin sa asawa niya na ngayon ay malalim ang iniisip habang nakatingin sa kawalan.
“Sweetheart,” tawag niya dito at nilapitan ito. Niyakap niya ito mula sa likuran pero wala man lang reaksyon ang asawa niya.
“Lee, please huwag mo ng gawin iyan. Narinig mo naman ang sinabi ko sayo kanina hindi ba? Gusto ko ng makipaghiwalay sayo, kahit mag-asawa pa tayo ay hindi ko na kayang makisama sayo dahil mayroon ka ng ibang babae at nagkaroon pa kayo ng anak. Alam mo bang sampal sa akin iyon? Ako ang asawa mo pero bakit sa ibang babae ka bumuo ng pamilya?” malungkot na sabi ni Diwata sa kaniya. Gusto niya sanang sabihin na kung pinagbibigyan lang siya nito sa mga gusto niyang mangyari ay baka may anak na din sila ngayon, pero masyado itong inosente at wala siyang magawa sa tuwing tinatanggihan siya nito sa kama. Kasalanan naman nito kung bakit siya nambababae eh. Hindi siya kayang paligayahin ni Diwata sa kama at wala pa itong muwang sa kamunduhan.
Gusto man niya itong sumbatan ay ikinalma na lang niya ang sarili, baka tuluyan na siya nitong hiwalayan kapag ginawa niya iyon. Sa ngayon ay kailangan niya ng puspusang pagpapaamo sa asawa niya pero mukhang mahihirapan na talaga siya dahil ramdam niyang matigas na ang puso nito.
“Pero mahal kita Diwata, mag-asawa tayo kaya hindi mo ako puwedeng basta iwan na lang! Kasalanan iyan ng Hale na iyon, masyado niyang binibilog ang ulo mo Diwata, huwag ka ng makipagkita sa kaniya dahil nilalason lang niya ang isipan mo!”
Hindi sinasadyang tumaas ang boses niya kaya naman gulat na napalingon si Diwata sa kaniya. Bumuntong-hinga siya at agad na humingi ng sorry dahil alam niyang nabigla ito, nadadala talaga siya ng matinding inis kapag naririnig palang niya ang pangalan ng antipatiko nilang kapitbahay na iyon. Kung alam lang niya ay sana hindi na siya nagpilit tumira sa village na ito. Dito lang pala masisira ang samahan nila ni Diwata dahil sa gagong lalaking iyon. Ang kapal pa ng mukha nitong sabihin sa kaniya na may gusto ito kay Diwata, tila wala man lang itong katakot-takot kahit alam nito na siya ang asawa ng babaeng sinasabi nito na gusto nito.Una pa lang ay hindi na maganda ang pakiramdam niya sa lalaking iyon. Alam niya agad na may gusto ito kay Diwata, pero hindi siya basta-basta magpapatalo dito lalo na at malakas ang pinanghahawakan niya dahil kahit anong mangyari ay kasal pa rin sila ni Diwata.
“Patawarin mo ako Sweetheart, kahit ano ay gagawin ko wag ka lang makipaghiwalay sa akin, hindi na ako mambababae pangako ko iyan sayo,” pagmamakaawa niya sa asawa niya. Kailangan niya munang lunukin ang pride niya sa ngayon.
“Tama na Lee, kahit anong gawin mo ay buo na ang desisyon ko. Hindi na tayo puwedeng maging mag-asawa,” sagot ni Diwata sa kaniya na ikinagulat niya.
“Hindi ganun kadali ang sinasabi mo Diwata, hindi mo ako puwedeng basta-basta na lang na iwanan, baka nakakalimutan mo na sumumpa tayo sa harap ng Diyos—”
“Oo sumumpa tayo sa harap ni Lord pero bakit ikaw ang unang sumira ng sumpaang iyon? Niloko mo ko sa kabila ng pagmamahal ko sayo Lee, ngayon ay may bata ng maaapektuhan dahil sa ginawa mo. Masaya naman tayo pero bakit hinayaan mong masira ‘yun? Mali ba ko na minahal kita o masyado akong naging mabait sayo kaya inabuso mo ako? Kahit ano pang sabihin mo ay hindi na magbabago kung ano ang sinabi ko sayo. Makikipaghiwalay na ako sayo Lee!” umiiyak na sabi ni Diwata sa kaniya. Tila nagpanting ang tainga niya at naubos na ang pasensya niya kaya naman nasakal niya ito sa leeg.

BINABASA MO ANG
GRACE UNDER FIRE (Completed)
RomanceSi Diwata, may pagkaisip-bata at nag-aasam ng mala-fairy-tale na love story. Akala niya ay matatagpuan niya iyon kay Lee Amielles-sa kaniyang kababata na pinili niyang pakasalan ngunit nagkamali siya. Isang malaking pagkakamali lang pala iyon dahil...