Masakit ang puso niya. Iyon ang malinaw kay Diwata ngayon. Parang pinipira-piraso ito dahil sa sobrang sakit na nararamdaman niya. Bakit ganito kasakit? Sa buong buhay niya ay ito ang pangalawang beses na nasaktan siya ng ganito. Ang una ay iyong pagkawala ng mga magulang niya, tapos ngayon ay itong nangyari naman sa pagitan nilang dalawa ni Hale. Bakit tila mas masakit pa ito sa panloloko ni Lee sa kaniya? Kay Lee na siyang asawa niya at pinagpalit siya sa ibang babae.
Inayos pa naman niya ang lahat kanina para sa dinner date na hinanda niya sa kanila ni Hale kahit na medyo nagtatampo siya kanina rito dahil hindi man lang siya nito ipinakilala sa ex nito. Nagmistulan siyang hangin kanina habang nag-uusap ang mga ito. Ipinilig niya ang ulo, ayaw na niyang maalala ang tagpong iyon. Mas lalo lang nadadagdagan ang sakit ng kalooban niya.
Noong makita niya ang cellphone ni Hale kanina kung saan pagbukas niya ay larawan agad nito at ng ex nito ang nakita niya ay labis siyang nasaktan. Gusto man niyang pigilan ang nararamdaman pero hindi niya kaya. Totoong masakit. Bakit pakiramdam niya ay gusto niya itong ipagdamot? Ang buong akala niya ay nagkaintindihan na sila ni Hale pero hindi pa pala. Mukhang hanggang ngayon ay mahal pa rin nito ang ex nito. Wala siyang laban sa babaeng iyon, hindi hamak na mas maganda iyon sa kaniya at mukhang artista pa, hindi katulad niya. Kaya nga siguro siya ipinagpalit ng asawa niya ay dahil hindi ito nagagandahan sa kaniya.
Bumuntong-hininga siya at nang makakita siya ng isang mailaw na lugar ay idiniretso niya roon ang kotse niyang si Mallow.
Mukhang masaya sa lugar na iyon dahil puro ilaw at maingay pa.
Bumaba siya ng kotse niya.
Agad niyang nabasa pangalan ng lugar.
VIANCE CLUB
Sandaling kumunot ang noo niya pero agad din naman siyang pumasok sa loob.
Natigilan siya nang makitang maraming nagsasayawan at nag-iinuman.
Mukhang masayang-masaya ang mga taong nandito. Magiging masaya rin kaya siya sa lugar na ito?
“Hi beautiful!”
Napalingon siya sa tinig na iyon mula sa kaniyang likuran. Nakita niyang may lalaking nakatayo roon. Matangkad, singkit, maputi at halatang mayaman.
Itinuro niya ang sarili niya.
“A-ako ba ang kausap mo?” nagtatakhang tanong niya rito.
Tinawag ba siya nitong beautiful? Pero hindi naman beautiful ang pangalan niya eh.
“Yes you. Ang ganda mo kasi and you caught my attention. I'm Hades nga pala,” pagpapakilala nito sa kaniya. Tiningnan niya ang maputing kamay nito na nakalahad sa kaniya ngayon. Tatanggapin ba niya ang kamay nito? Mukhang mabait naman ang lalaki eh. Baka kapag hindi niya tinanggap iyon ay sabihin nitong suplada siya. Hindi naman siya pinalaking ganoon ng mga magulang niya.
Tinanggap niya ang kamay ng lalaki. Nagbigay din siya ng matamis na ngiti dito. Naramdaman niya na pinisil nito ang kamay niya.
“Ako naman si Diwata,” pagpapakilala niya sa sarili.
“Diwata? Wow, your name sounds unique huh? Ngayon lang ako naka-encounter ng ganiyang pangalan,” sabi ng lalaki sa kaniya. May hawak itong bote ng alak.
“Ah, kakaiba rin naman ang pangalan mo. Nabasa ko iyan sa Greek Mythology,"" sabi naman niya rito.
“Hmm, tara kwentuhan muna tayo doon,” anyaya nito sa kaniya. Magsasalita sana siya pero mabilis na nitong nahila ang kamay niya. Wala siyang nagawa kung hindi ang sumama dito.
Naupo sila sa bakanteng upuan, marami ang nagsasayawan at umiinom. Nahihilo nga siya sa iba't ibang kulay ng ilaw na tumatama sa mukha niya.
Tama ba na dito siya pumunta?
BINABASA MO ANG
GRACE UNDER FIRE (Completed)
RomanceSi Diwata, may pagkaisip-bata at nag-aasam ng mala-fairy-tale na love story. Akala niya ay matatagpuan niya iyon kay Lee Amielles-sa kaniyang kababata na pinili niyang pakasalan ngunit nagkamali siya. Isang malaking pagkakamali lang pala iyon dahil...