Hindi alam ni Diwata kung bakit labis ang pagkabog ng kaniyang dibdib habang naglalakad paalis sa lugar kung saan niya nakita ang asawa niya na may kasamang ibang babae. Pakiramdam niya ay sobrang nagagalit ang puso niya. Ngayon lang niya naramdaman ito. Ang matinding paninikip ng dibdib niya dahil sa labis na emosyon. Gusto niyang manakit at parang ibang tao siya ngayon.
“Diwata...”
Narinig niya ang pagtawag ng babae sa pangalan niya. Naintindihan niya ang lahat ng sinabi nito sa kaniya kanina.
Totoo pala lahat ng sinasabi ni Hale sa kaniya noon. Bakit ba kasi ang tanga-tanga niya? Bakit ang hina ng ulo niya? Bakit mahirap siyang umintindi ng mga bagay-bagay? Kaya siya naaabuso ay dahil sa katangahan niya. Pakiramdam niya ay wala siyang kwenta.
“Diwata, patawarin mo ako!”
Naabutan na siya ng babae at hinablot nito ang kamay niya. Napatigil siya sa paglakad at humarap dito.
“Hindi ko gusto ang lahat ng nangyari. Gusto ka lang namin tulungan ni Kuya Vandrous. Lahat ng nakita mo kanina ay sinet-up lang namin para mahuli mo siya at para patunayan sayo na totoong nambababae ang asawa mo at isa ako sa nabiktima niya, pero maniwala ka wala akong balak na ituloy ang relasyon na iyon dahil nalaman ko na ang lahat mula kay Kuya Vandrous.”
Napatango siya sa babae.
“Naiintindihan ko at hindi ako nagagalit sayo.”
Nagliwanag ang mukha nito dahil sa sinabi niya.
“T-talaga? Hindi ka galit sakin?”
Hinawakan pa ulit nito ang isang kamay niya at niyakap siya.
“Salamat Diwata. Totoo nga ang sinabi ni Kuya, mabait ka talagang babae. Hindi ko lubos akalain na nakaya kang lokohin ng asawa mo. Tama lang ang ginawa namin sa kaniya. At least, ngayon ay alam mo na ang totoong kulay niya.”
Nang kumalas ito sa pagkakayakap sa kaniya ay ramdam niya pa rin ang panginginig ng kalamnan niya. Bakit ganito ang nangyayari sa kaniya? Tila nilamon na siya ng matinding galit.
“Paano ka ngayon? Saan ka uuwi? Baka magkita lang kayo ng asawa mo sa bahay niyo,” ani Santiara sa kaniya.
“H-hindi ko alam kung saan ako pupunta. Gusto kong umuwi muna sa dati naming bahay. Doon muna ako,” sagot niya rito.
“Are you sure? Ihahatid na kita,” pagpiprisinta nito sa kaniya. Hindi na siya tumanggi pa at sumama na siya rito. Sa dating mansyon ng mga Roa siya uuwi kung saan nakatira ang pamilya ni Lee. Dapat lang din na malaman ng ina ni Lee ang ginawa ng anak nito sa kaniya. Mabait ang nanay ni Lee at alam niyang hindi nito kukunsintihin ang anak.
Halos kalahating oras lang silang bumyahe ni Santiara at nakarating na nga sila sa mansyon ng mga magulang niya.
“G-gusto mo bang pumasok muna sa loob?” tanong niya kay Santiara.
“Uhm, hindi na siguro Diwata. Kailangan ko pang balikan ang bahay ko eh.”
Napatango na lang siya sa sinabi nito. Hindi na niya ito pinilit pa at bumusina ito bago pinaandar ang sasakyan paalis. Tumingala siya sa malaking gate ng mansyon. Marahan niyang binuksan iyon at pumasok sa loob.
Tahimik ang paligid kaya naman ang unang naisip niya ay baka walang tao o kaya ay umalis ang pamilya ni Lee.
Pinagmasdan niya ang naggagandahang mga bulaklak sa garden at kahit papaano ay naibsan ang sakit ng dibdib niya dahil sa magagandang kulay niyon.
Nagtuloy siya sa paglalakad hanggang sa makarating siya sa loob at napatigil siya nang makarinig siya ng pag-uusap mula sa kusina.
Pinilit niyang huwag gumawa ng ingay upang pakinggan kung sino ang nag-uusap mula sa kusina. Ang isang boses ay malinaw na ina ni Lee pero ang isang tinig ay hindi niya kilala. Hindi naman iyon ang boses ng kapatid ni Lee kaya nasisiguro niyang ibang tao ang kasama ng ina ni Lee sa loob ng mansyon nila.
“Huwag kang mag-alala susustentuhan naman ni Lee ang bata na ‘yan eh pero sana ay wag na wag mong hahayaang makarating kay Diwata ang tungkol sa batang ‘yan. Kung may kailangan ka at wala si Lee ay puntahan mo lang ako rito,” rinig niyang sabi ng ina ni Lee sa kung sino mang kausap nito. Sumilip pa siyang mabuti mula sa kusina at hindi siya pansinin ng mga ito dahil parehong nakatalikod ang mga ito at tila may ginagawa.
Nakita niyang naghihiwa ng gulay ang ina ni Lee at tila magluluto ito habang pinapanood naman ito ng babaeng kausap nito kanina pa.
“Ibig sabihin po ba nito eh boto kayo sa akin at sa magiging apo niyo?” tanong ng babae.
Apo? Anong sinasabi nito? Hindi niya ito maunawaan. Hindi pamilyar sa kaniya ang babae at alam niyang ngayon lang niya ito nakita, kahit ang boses nito ay bago rin sa pandinig niya.
“Oo naman Beatriz, botong-boto ako sa iyo kaysa ‘dun sa asawa ni Lee na may tama sa utak. Mabuti nga at hindi sila magkaanak eh kasi baka mamaya magmana lang doon sa babaeng ‘yon na mahina ang ulo,” anang ina ni Lee.
“I'm sure itong magiging anak namin ni Lee ay matalino, lalo na kung kay Lee pa magmamana. Hindi na ako makapaghintay na lumabas siya Inay,” sagot ng babae.
Parang biglang tinarakan ng libo-libong patalim ang dibdib niya.
May anak ang asawa niya sa ibang babae?
Natutop niya ang bibig at tumalikod. Tumulo ang luha sa mga mata niya. Ang sakit marinig mula sa ina ni Lee na hindi pala siya nito tanggap at niloloko rin siya nito. Malinaw ang lahat ng narinig niya ngayon.
May nabuntis na babae si Lee at alam ito ng ina nito. Buong akala niya ay napakabuti nito sa kaniya dahil ganoon ito katapat sa mga magulang niya noon. Nagkamali siya, hindi niya lubos akalain na maririnig niya ang mga katagang iyon mula sa ina ni Lee. Hindi pala totoo ang mga kabutihang ipinapakita nito sa kaniya noon.
Naglakad siya palayo habang walang humpay sa pagpatak ang luha sa mga mata niya. Daig pa niya ang pinagsukluban ng langit at lupa.
Walang kasing sakit ang nararamdaman niya ngayon.
Naisip niya ang mga magulang niya, bakit kasi kailangang mawala agad ang mga ito? Tuloy pakiramdam niya ngayon ay mag-isa siya at walang kakampi.
Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Tinuloy niya ang paglalakad hanggang sa makalabas siya ng mansyon. Hindi na niya kaya ang nangyayari sa kaniya. Wala siyang lakas ng loob na komprontahin ang magulang ni Lee at yung babae kanina. Nanghihina siya at ang tanging gusto lang niya ay lumayo. Ang daming tanong sa isipan niya kung bakit nangyayari ang lahat ng ito sa kaniya.
Tulala siya habang naglalakad. Nakalabas na rin siya ng mansyon.
Kung saan siya pupunta ay hindi niya rin alam.
Kumulimlim ang paligid at hindi niya alintana ang biglaang pagbuhos ng ulan. Wala siyang pakialam kung mabasa man siya. Patuloy lang siya sa paglalakad. Lumakas pa lalo ang buhos niyon at wala pa rin siyang pakialam kahit basang-basa na siya at naliligo rito. Tila tinangay na ng hangin ang ulirat niya.
Malayo-layo na rin ang nalalakad niya nang biglaang may sasakyang pumreno at huminto sa gilid niya. Doon ay nakita niya si Hale habang kunot na kunot ang noo at nakatingin sa kaniya.
Agad itong bumaba sa sasakyan habang may bitbit na payong pero balewala na iyon dahil basang-basa na rin siya.
“Fuck! What the hell are you doing? Bakit ka nagpapakabasa sa ulan?” tanong nito sa kaniya.
Hindi siya nagsalita.
“Ihahatid na kita sa South Ridge. Pauwi na rin ako kaya halika na,” pagpipilit nito sa kaniya.
“Ayokong umuwi sa bahay. Ayokong makita si Lee,” sagot niya rito.
Ilang sandaling hindi umimik si Hale bago ito bumuntong-hininga.
“If you don't want to see him, then sumama ka na lang sa bahay ko. You can stay there anytime you want to. Doon ka magpalipas ng sama ng loob sa gago mong asawa. Tigilan mo itong ginagawa mo. Gusto mo bang magkasakit? Tsk!”
Pumalatak ito at nagpatianod na lang siya kay Hale nang hapitin siya nito sa baywang at pilit pinasakay sa loob ng sasakyan. Kahit papano ay nakaramdam siya na hindi siya nag-iisa. Hindi niya akalain na ito pa rin ang makakakita sa kaniya sa kalagitnaan ng pagpapakabasa niya sa ulan.
BINABASA MO ANG
GRACE UNDER FIRE (Completed)
RomanceSi Diwata, may pagkaisip-bata at nag-aasam ng mala-fairy-tale na love story. Akala niya ay matatagpuan niya iyon kay Lee Amielles-sa kaniyang kababata na pinili niyang pakasalan ngunit nagkamali siya. Isang malaking pagkakamali lang pala iyon dahil...