"Party"
. . .
"Ano'ng nangyari sa'yo?"
Hindi ako makapagsalita at halos nakatulala lang kay Tita. Pinilit ko'ng itigil ang pag-iyak, tumayo sa sahig para pumunta sa kama. Mukhang kakarating lang nilang dalawa galing sa inasikaso nila, bitbit pa kasi ni Tita ang bag niya. Natanaw ko naman si Mark na nakatayo sa tabi ng nakabukas ng pinto ng kwarto ko.
"Okay ka lang?" pagtatanong pa nito ng magtama ang mga mata namin.
Tumango lang ako at muling tumingin kay Tita. Nakakahiya na sa kanilang dalawa, lalo na kay Mark. Imbes na siya lang ang inaasikaso ni Tita ay dumagdag pa ako.
"Mark, ikuha mo muna ng tubig ang pinsan mo." Kaagad namang sumunod si Mark. Naiwan kaming dalawa ni Tita sa kwarto. "Ayos ka lang ba talaga?"
"Opo. . ." namamaos ang boses ko dahil sa pag-iyak.
"Naalala mo ba ang Mama mo?" malungkot na tanong nito. Ang akala niya siguro ay iyon lang ang dahilan.
Nag-iwas ako ng tingin bago tumango, nanginginig pa ang labi ko kaya kinagat ko iyon para pigilan at hindi mahalata ni Tita. Gusto pang tumulo ng mga luha ko pero pinigilan ko na baka mas lalo lang mag-alala si Tita. Baka hindi rin ako makapag-pigil at masabi ang totoo sa kaniya.
Hindi ko pa kaya. . .
"Dapat pala ay sumama ka na lang sa amin, para hindi ka mag-isa rito sa bahay."
"Okay lang naman po."
"Ay paano kung hindi kami dumating? Baka napaano ka na. . ." panenermon pa nito.
Natulala ako sa kaniya, hindi alam kung ano ba ang dapat na sabihin. Namimiss ko tuloyng sobra si Mama dahil sa kaniya. Gusto ko siyang yakapin pero nahihiya naman ako.
"Ayoko pong sumama sa inyo. . ." pag-uulit ko ng kaninang sinabi. Natigilan naman siya bago tumitig sa akin. Maya-maya lang ay hinaplos niya ang buhok ko.
"Okay lang naman. . . hindi naman kita pipilitin kung 'yan ang gusto mo. Ang sa'kin lang ay sinong mag-aalaga sa'yo dito?"
"Kaya ko po ang sarili ko."
Tumawa siya, patuloy sa paghaplos ng buhok ko. "Alam ko. . ." hinawakan niya ang kamay ko. "Kahawig ka talaga ng Mama mo. . ." alam ko, mas maputi lang ako kay Mama pero maraming nag-sasabi na mag-kamukha nga raw kami. "Gawin mo ang gusto mo. . . ang sa'kin lang ay gusto ko'ng makapag-tapos ka ng pag-aaral, kagaya ng gusto ng Mama mo."
Tumango ako, paulit-ulit pa dahil plano ko naman talaga na mag-aral ulit. Alam ko'ng kahit na dalawang taon ako'ng tumigil ay hindi pa huli ang lahat. Kahit wala na ang pamilya ko ay dapat lang na magpatuloy pa rin ako sa pag-aaral. Iyon ang pangarap nila para sa akin kaya kahit na wala na sila ay gusto ko'ng tuparin.
Naputol lang ang pag-uusap namin ni Tita ng dumating si Mark dala ang tubig. Nang mahimasmasan ako ay sinamahan ko pa sila sa kusina. Ako rin ang naghain at nag-init ng pagkain nila habang nagbibihis sila ng damit na pang-bahay. Nang hating-gabi na ay halos hindi ako makatulog. Paikot-ikot ako sa kama hanggang sa nagkusa ng pumikit ang mga mata ko.
Alas-tres ng magising ako'ng umiiyak at hindi makahinga. Tahimik ako'ng sumiksik sa dulo ng kama habang nakayuko sa tuhod at nakayakap ang mga braso sa binti. Parang ayoko na ulit matulog dahil natatakot ako, alam ko namang ligtas ako sa bahay ni Tita pero takot pa rin ako. Tumayo ako sa kama para tignan kung naka-lock ba ng maayos ang pinto, tinignan ko rin ang bintana kung nakasara ba.
Nang masigurong okay naman ay bumalik ako sa kama, mulat na mulat pa rin. Sinubukan ko'ng magbasa ng libro pero wala naman ako'ng maintindihan sa binabasa ko. Binantayan ko ang sarili hanggang sa mag ala-singko. Nakatulog lang ulit ako ng makitang maliwanag na ang langit.
BINABASA MO ANG
No One Know (No One Series #III)
RomanceWARNING! The following content may contain depressing thoughts, suicides or self-harm, traumatic flashback, anxiety attack, and any other negative thoughts that can trigger you. READ AT YOUR OWN RISK... No One Series 101 Again... it's Mayzee. At fir...