IV

152 8 1
                                    

Paulit-ulit kong binasa ang tatlong salita na nakasulat sa papel dahil una, ngayon ko lang nakita ang sulat-kamay ni Mama at pangalawa, anong ibig sabihin niya na tumakas? Saan ako pupunta? Wala akong nakilalang kamag-anak o kaibigan ni Mama, saan niya ako gustong papuntahin?

Sinunog ko na lang ang papel nang wala akong maisip na iba pang ibig sabihin nito. Saan ako tatakas? Dito? Kanino? huminga ako nang malalim dahil sa kaiisip at pinili na lang na mahiga habang hinihintay na may dumating na katrabaho ni Mama.

Bumangon ako mula sa kama at parang kusa nang gumalaw ang katawan ko para hanapin si Yvo. Gusto kong bumaba pero ayaw kong mapahamak ang mga katrabaho ni Mama nang dahil sa akin, sa takot sa ano ang pwedeng gawin ni Mama sa kanila. Nakatayo lang ako sa harapan ng pintuan at pinagtatalunan pa ng isip ko kung sisilip ba ako sa baba o lalabas talaga ako.

"Anong ginagawa mo?" Napa-atras ako nang biglang bumukas ang pintuan at nakita si Mama.

"Ma..."

"Ano? May balak kang tumakas ngayong alam mo na kung ano ang gagawin namin sa'yo?" Bumalik sa akin ang mga sinabi niya kanina na nagpasikip din ng dibdib ko.

"Ma, hindi niyo naman po ako ibebenta, 'di ba?" Muntikan pa akong pumiyok dahil sa pagpigil kong maiyak.

"Hindi ko alam kung bakit ka lumaking ganito. Binigyan naman kita ng sapat na atensiyon nung bata ka pa. Binigay ko sa'yo ang lahat ng gusto mo noon, pinag-aral kita sa mamahaling school dahil gusto mong kasama ang anak ni Lia. Bigyan mo ako ng rason kung bakit mo ako sinuway at nagpunta ka sa Mid Zone." Hindi ako nakasagot dahil sa sobrang takot.

"Bigyan mo ako ng rason, Vida." Mas naging kalmado ang boses niya pero kilala ko si mama kapag ganito siya. Mas galit siya kapag mas kalmado ang boses niya. Pero unti-unting nawawala ang takot ko nang ipakita niya ang mga kamay niya.

May mga senyas siyang ginagawa gamit ang mga kamay niya na agad kong naintindihan kung ano ang ibig sabihin. Noong maganda pa ang relasyon ni Mama ay tinuruan niya akong magsalita gamit ang mga kamay namin dahil ang sabi niya ay minsan nawawala ang boses niya at hindi siya makapagsalita nang mabuti, ngayong nakikita ko siyang ginagamit ito, napagtanto ko kung ano talaga ang rason kung bakit niya ako tinuruan nito.

"Tumakas ka na at magpunta ka kina Iago," pag-intindi ko. Gusto kong tanungin kung bakit pero mukhang may gusto pa siyang sabihin.

"Sumagot ka Vida," aniya habang sumesenyas pa rin.

"Puntahan mo si Giro at sabihin mong balak ka naming ibenta."

"'Wag mong ubusin ang pasensiya ko, Vida. May mga VIP kami mamayang gabi, baka may mga gustong kumuha sa'yo, aagawan mo pa kami ng kita."

"'Wag kang aalis sa kanila hanggang walang kukuha sa'yo." Tumango ako, nakuha na kung ano ang gusto niyang sabihin.

"K-Kaya niyo ba ako kinuha sa Mid Zone, ma? Para sa ganito?" Sinubukan kong sakyan ang plano niya habang binabasa pa rin ang mga senyas niya.

"Umalis ka mamaya kapag nasa labas na kaming lahat. Iwanan mo lang ang kapatid mo rito."

"Mas tataas ang halaga mo dahil hindi nila alam kung bakit ako gumawa ng komosyon sa mansion. Isipin mo na lang na para ito sa kinabukasan ng kapatid mo." Alam kong hindi talaga ito ang gusto niyang sabihin pero sumikip pa rin ang dibdib ko at 'di ko naiwasan ang pagtulo ng mga luha ko.

"Bakit mo 'to ginagawa sa 'kin, Ma?" Sabi ko sa gitna ng mga hagulgol ko. Ilang beses kong pinunasan ang mga luha ko para makita kung ano ang sinasabi ni Mama.

"Magpakatatag ka, Vida. 'Wag kang magtiwala sa kahit sino, mas lalo na kay Iago at sa pamilya niya. Ihanda mo ang sarili mo." Hindi na ako tumugon dahil umalis na rin siya kaagad.

The Grim CovenantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon