XIV

81 4 0
                                    

Hindi ako nakatulog kagabi dahil hindi ko alam kung ano ang pwedeng gawin sa akin ni Delta habang natutulog ako. Higit pa doon, hindi ako mapakali sa ingay ng Zone 5.

Siguro nakasanayan na para sa mga taga-Zone 3 kaya hindi kami gumagawa ng ingay kahit na tulog kami. Maliban na lang sa mga bagong silang na sanggol, siyempre.

Kahit hindi ako nakatulog hindi ko ramdam ang puyat, siguro dahil nasanay ako noong pinag-experiment-an nila ako. Bigla akong nakaramdam ng kirot sa katawan ko nang maalala ko ang araw na 'yun.

Pinigilan ko ang sarili ko na kumuha ng isang sigarilyo dahil iilan na lang ang natitira. Nang marinig ko na magising ang mga katulong napag-isipan ko na bumaba at sinundan ang tunog kung nasaan sila.

"Hindi nakuha ni Delta 'yung bisita niya kagabi?" Napatigil ako sa paglalakad nang marinig ko ang pinag-uusapan ng mga katulong.

"Hindi. Nung inaayos namin 'yung kama kagabi kakalabas niya lang sa banyo. Buti na lang hindi niya narinig si Delta kagabi." Dito sila nagkamali, dinig na dinig ko silang lahat kagabi.

"Mabuti naman. Dapat umalis na 'yang si Nina—o kung Nina nga ba ang pangalan niya."

"Nina?" Biglang nagkagulo ang mga katulong nang marinig ang boses ni Delta, maski tuloy ako nagulantang at hindi alam kung magtatago ba ako o ano.

Dali-dali akong umupo sa hagdan at sinandal ang ulo ko sa railing nito at pinikit ang mga mata ko, nagpapanggap na nakatulog ako dito.

"Umayos na kayo. Gising na si Delta." Rinig kong sabi ng mga katulong. Pinakinggan ko ang mga yapak ni Delta at nang marinig ko na malapit na siya sa akin nagpanggap ako na humikab.

"Nina?" Tumingin ako kay Delta at kunwari kagigising ko lang kaya sandali akong humikab.

"Nina! Anong ginagawa mo diyan?" Nag-akto ako na natutulog, buti na lang at naintindihan niya 'to agad.

"Nasaan ka pala kagabi?" Tinignan ko lang siya dahil alam niya namang hindi ko siya kayang sagutin.

Pinigilan ko ang sarili ko na mapangisi habang inaalala kung paano nagulat si Delta kagabi nang makitang wala ako sa kamang sinaksak niya.

"Pumunta ako sa kuwarto mo kasi gusto kong mag-usap ng mga bagay-bagay, alam mo? 'Yung mga ginagawa ng mga magkakaibigan na babae?" Nag-akto ako na hinuhugasan ko ang ulo ko. Kumunot ang noo niya sa ginawa ko pero bigla itong lumiwanag na parang naintindihan niya ang ginagawa ko.

"Ah! Ah! Nag-iisip ka?" Kung may buhok lang ako nasabunutan ko na ang sarili ko. Ano ba ang itsura ng nag-iisip sa kanya? Nag-iisip ba siya? Kahit na gusto kong sabihin sa kanya na hindi, tumango na lang ako.

"Maiba tayo. Dito ka pa rin ba matutulog mamayang gabi?" Agad akong tumango.

Mas mabuti nang alam niyang aalis ako kesa tatakas ako dahil mukhang siya yung tipo ng tao na magwawala hanggang sa mapunta sa kanya ang gusto niya.

"Bakit ka babalik sa mga kalye? Mas maganda naman ang buhay mo rito. Nakakakain ka, may maganda kang tulugan. Alam ko na! Bakit hindi ka na lang dito tumira?" Pumalakpak siya dahil sa saya at nang tumingin ako sa mga katulong nakita ko ang pag-aalala sa mga mukha nila.

Tinago ko ang ngisi ko dahil alam ko na na may baho ang mga Markov na pinagsisilbihan nila.

"Ipapaalam ko na kila Mama! Papayag naman sila!" Nagkibit-balikat na lang ako. Hindi ako magtatagal dito gaya ng gusto niya, aalis na ako ngayon. Malakas lang sila pero mabilis ako, madali lang akong makakatakas kung sakali.

"Halika! Nasaan yung wig na binigay ko sa'yo kagabi? Hindi ka ba nalalamigan sa ulo mo?" Nanigas ako nang bigla niyang hawakan ang ulo ko. "Ang dami pa lang peklat ng ulo mo! Ang galing!" Pinigilan ko ang sarili ko na hindi iwaksi ang kamay niya palayo sa ulo ko at dahan-dahan na lang na inalis ito.

The Grim CovenantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon