V

131 6 1
                                    

Mahigpit kong yinakap ang sarili ko habang nakatalukbong sa makapal na kumot. Nakakuyom ang mga kamay ko pero mas lumala lang ang pagnginig nito. Humiwalay ako ng kuwarto kay Yvo dahil baka magising siya at umiyak pa kapag nakita niya ako sa ganitong lagay.

Nasa tabi ko lang si Iago at may sinasabi pero hindi ko naririnig kung ano. Pinagtuonan ko lang ng pansin ang sarili kong paghinga dahil pakiramdam ko mawawala ito kapag may iba pa akong pinagtutuonan.

Naramdaman kong yinakap ako ni Iago at nagtagal kami sa gano'ng posisyon. Kinokontrol ko pa rin ang paghinga ko pero medyo napakalma ako ng yakap niya. Inalalayan niya ako hanngang sa maihiga niya ako at hinayaan niyang gawing unan ko ang braso niya.

Nang tuluyan ko nang napakalma ang sarili ko ay inangat niya ang kumot na nakatkip sa mukha ko at binigyan ako ng maliit na ngiti.

"Okay lang ang lahat, Vida. 'Wag kang mag-alala." Sinabi niya 'to pero bigla niya akong binitawan at umalis. Bumalik kaagad ang kaba ko pagkaalis niya kaya nagtalukbong ulit ako para i-focus ang paghinga ko.

Nagulantang ako nang maramdaman kong may humawak sa braso ko at nawala ang concentration ko kaya napatakip ako ng tainga  nang biglang kumalabog ang kulog at mas nanginig pa ang katawan ko nang dahil dito.

"Bakit ka umalis? 'Wag mo akong iwanan, Iago," sabi ko kay Iago at kumapit sa braso niya pero hinawakan niya ang palapulsuhan ko.

Tinanggal ko ang kumot at nanlaki ang mga mata nang makita ang nakatatandang kapatid ni Iago na si Hailey. Hindi ko nabawi agad ang kamay ko dahil naalala kong sinabi ni Mama na 'wag akong lalapit sa kanya pero dahil sa paraan ng kung paano niya ako tignan ay hindi ako makagalaw.

"Sino ka para sabihan ang kapatid ko sa ganiyang paraan?" Taas-kilay niyang sabi, "at landi mo naman para sabihan siya na 'wag umalis." Humigpit ang hawakan niya sa kamay ko at alam kong nararamdaman niya rin ang panginginig ko.

"Pinauwi ko si Iago nang malaman ko na ikaw ang dahilan kung bakit siya pinatawag ni Giro. Hanggang ngayon nakikipagkita pa sa'yo ang kapatid ko?" Hindi ko siya tinugunan, mas nananaig ang takot ko lalo na at binalaan ako ni Mama na umalis kaagad kapag nakita ko si Hailey.

Ngayong alam ko na dalawa ang na-manifest ko, na isa akong Synesthete, naintindihan ko na kung bakit ayaw ni Mama kay Hailey mula noon pa lang. Isa sa mga researcher ng Zone 3 si Hailey.

"Hailey, bisita ko si Vida, 'wag mo siyang babastusin," narinig ko si Giro. Binitawan naman ako ni Hailey at tinaasan ng kilay ang nakatatanda niyang kapatid.

"Ito na nga ba ang sinasabi ko, namana talaga ng babaeng 'to ang nanay niya na ginagamit ang mukha at katawan para makuha ang gusto nila. Hindi ka pa ba natuto sa huling Zeff na dinala mo rito, Giro?" Sinamaan niya ako ulit ng tingin.

"Binabalaan kita, layuan mo ang pamilya ko bago pa ako may gawin sa'yo," pananakot niya sa akin. Kailangan pa siyang pwersahin ni Giro na tumigil bago siya umalis.

Nagpaalam si Giro na kailangan na niyang pumasok at binilinan ako na tawagin siya kung sakaling bumalik si Hailey. Hindi ko man lang namalayan na lumipas na pala ang gabi.

Matagal nang may galit sa akin si Hailey dahil isa akong Zeff at nakapag-aral sa University III. Naalala kong gustong sumugod ni Mama sa school noon dahil sa mga salitang binibitawan sa akin ni Hailey pero hindi niya magawa dahil isa nga ang pamilya nila sa mga Markov. Noon ko lang naranasan na wala talaga kaming laban sa mga taong may kapangyarihan.

Habang hinihintay ko na bumalik si Giro ay inisip ko kung paano ko itatago na dalawa ang na-manifest ko, mas lalo na at mukhang alam na ito ng mga inspector dahil nakita nila kung paano ko nailagan ang mga patalim noon.

The Grim CovenantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon