Sa kuwarto kung saan ang dinala ni Delta ay nakita ko ang mga bagay na hindi ko pa nakita kahit kailan. Gusto kong takpan ang mga tainga ko dahil may malaking laruan na mukhang kabayo sa isang gilid at gumagalaw ito mag-isa, masyadong maingay ang mekanismong nasa loob nito. Mas malaki ang kuwartong 'to kumpara sa mga kuwarto sa bahay nila Iago at wala pa akong nakikitang kama.
"Ang ganda ng playroom ko 'no?" Binitawan niya na rin ako sa wakas pero pwersahan naman akong pinaupo sa harap ng isang dresser na puno ng kung ano-anong mga palamuti. Nakita ko rin ang mga bagay na ginagamit nina Mama sa trabaho nila.
May hinila si Delta mula sa pader at lumabas ang maraming mga buhok. Aalis na dapat ako dahil bigla akong kinabahan. Bakit ang dami niyang koleksiyon ng buhok? Alam kong hindi pa gaanong tumutubo ang akin, anong gusto niyang gawin? Gusto niyang ibigay ko pa ang ibang buhok ko sa kanya?
Bakit parang tootong buhok ang mga 'to?
"Ang tawag dito ay wig. Pekeng buhok. Subukan mo. Sandali, hindi kaya't naiinitan ka kaya ganiyan ang buhok mo?" Agad akong umiling. Kahit na sobra na ang init hindi ako mag-iisip na kalbuhin ang sarili ko.
"E bakit ganiyan ang buhok mo?" Binuka ko ang bibig ko pero naalala kong hindi dapat ako magsasalita. Gusto kong sabihin sa kanya kung paano ang ugali ng mga katulad niyang Markov at kahit na wala pa siyang ginagawa ay 'di ko siya magawang pagkatiwalaan.
"May mga umaaway ba sa'yo at ginupit nila ang buhok mo? Kaya mo ginaniyan ang buhok mo?" Iniwas ko ang tingin ko sa kanya.
"Kung sino man sila, sana mamatay na sila sa Plaza!" Hindi ko na nakayanan na makinig pa sa kanya. Ngayong binanggit niya pa ang Plaza hindi ko na naman makalimutan ang mukha ni Yvo. Tumayo ako at tumungo sa pintuan pero hinawakan niya ulit ang braso ko.
"Huy! Saan ka pupunta?!" Pilit kong binawi ang braso ko pero sobrang lakas ng pagkahawak niya sa akin.
"Nanginginig ka. Linalamig ka ba?" Pinaupo niya ulit ako sa harap ng dresser at may kinuhang kumot saka pinatong ito sa mga balikat ko.
Akala ko makikisimpatya na siya pero tumawa na naman siya at may pinatong sa ulo ko. Napatingin ako sa salamin at linagyan niya ako ng wig na kulay asul. Habang masaya niya akong sinusuotan ng mga mamahalin niyang alahas ay napagtanto ko na wala talaga siya sa tamang pag-iisip.
Hindi ko kayang magtagal dito.
"Bakit ang dami mong butas sa tainga ? Mahillig ka ba sa piercings? Marami akong hikaw dito! Pumili ka na!" Hindi ko siya tinugunan ulit.
"Ayaw mo?" Nagbago bigla ang tono niya. Mariin akong napapikit nang itapon niya sa kung saan ang kahon na punong-puno ng mga alahas pero nakangiti pa rin siya.
Nangangati na akong manigarilyo para mapakalma ang sarili ko pero naiwan ko ang pouch ng sigarilyo ko sa Mid Zone at isang pakete lang ang naibulsa ko. Kaya ko namang tumakas dahil mas mabilis ako, malakas lang siya, pero dahil nasa akin ang buong atensiyon niya at hindi ko matansiya ang ugali niya, nanatili ako at tinitiis ang kung ano man ang ginagawa niya.
Lumabas lang kami sa playroom niya nang medyo dumilim na at bumaba nang tawagin kami na handa na raw ang hapunan. Parang gusto ko ulit sumuka kahit naririnig ko lang ang salitang "pagkain", kailan ba ang huling araw na hindi ko linuluwa ang kinain ko?
"Ma! Pa!" Bati ni Delta sa mga taong nasa hapagkainan. Nasa unahan ng mesa ang tatay ni Delta at nasa tabi nito ang nanay niya.
Umupo si Delta sa harap ng nanay niya at sinabihan ako na umupo sa tabi niya. Gustong-gusto ko na talagang umalis dahil higit sa nakakasukang pagkain ay mukhang mas hindi ko kakayanin ang kumain sa iisang silid kasama ang mga Markov na katulad nila.
BINABASA MO ANG
The Grim Covenant
Science FictionSeven Zones, each has distinct mutations; all bounded by a single covenant. Syv, a nation surrounded by tall and wide walls. It's made up of seven separate Zones that remains united because of a Covenant developed by the Founders, the Grim Covenant...