Mas mabilis ang araw na tinakbo ko papunta sa Zone 4 kesa noong tumakbo ako mula sa Mid Zone papunta sa Zone 5, siguro dahil mas malapad ang pader ng Mid Zone kumpara sa mga pader ng lahat ng Zones.
Limang araw, halos walang pahinga akong tumakbo dahil sa takot na may makahuli sa akin. Buti na lang at sa bag na binigay sa akin ni Beverly ay may dalawang litro ng bote ng tubig pero kinailangan ko itong tipirin bago ako makapasok ng Zone 4.
Kasalukuyan nang naglalagay ng pansamantalang pader ang Zone 4 pero maswerte ako at walang nakakita sa akin na sinisiksik ang sarili sa isang awang na hindi pa nalalagyan ng semento.
Ilang araw pa lang ang lumipas mula nang bumaba ang mga pader kaya hindi pa masyadong protektado ang mga Zone pero bago nila matapos 'to ay kailangan ko nang makabalik sa Zone 3 na walang nakakakita sa akin.
Nakahanap ako ng isang maliit na bahay na mukhang inabandona na dahil napapaligiran na 'to ng lumot. Sensitibo ang balat ng mga taga-Zone 4 kaya imbes na ayusin nila, iiwasan na lang nila ang mga rumi at kalat.
Isa itong advantage para sa akin. Ang maganda pa rito, dahil ang bawat galaw nila may pag-iingat ay wala akong masyadong ingay na naririnig, maliban na lang sa maingay nilang orasan at ang bell ng Plaza nila.
Inayos ko ang maliit na bahay, may mga kagamitan naman at alikabok lang naman ang nandito pero ayaw nang tirahan. May tubig din na lumalabas sa mga gripo pero may lumot na lumalabas kaya humiwa ako sa damit ko para ilagay ito sa gripo nang hindi masama ang lumot sa tubig.
Ayos na ang bahay na 'to para sa akin, ang problema lang ay kung paano ako makakakuha ng pagkain. May mga biscuit naman sa bag ni Beverly pero hindi 'to sapat kung gusto ko pang magtagal.
Habang kinakalkal ko ang bag ni Beverly, may nakita akong maliit na orasan. Tinakpan ko ang mga tainga ko nang tumunog 'to nang mag-ala una na ng hapon pero habang tumatagal humihina ang tunog nito.
Hindi ko tinanggal ang pagkatakip ng mga tainga ko dahil sumabay ang bell ng Plaza. Dapat nagpapahinga ang lahat dahil dito pero dahil mas malakas ang bell ng Zone 4, halos mabaliw na ako at hindi ko alam kung paano tatakpan ang mga tainga ko.
Agad kong hinahanap kung nasaan ang sigarilyo ko para mapakalma ang sarili ko. Kakaunti nga lang ang ingay dito sa Zone 4 pero sobrang lakas naman ng tunog ng bella nila.
Dahil sa nangyari kay Delta, nagtago muna ako, tiniis ang gutom, saka pinag-aralan ang mga tao sa Zone 5. Sapat na ang mga naririnig ko para matuto. May issue na nawawalang mga tao pagkagaling nila sa Mid Zone at ang Zone 5 ang inaakusahan nilang lahat sa pagkawala ng mga 'to.
Mukhang binigyan na silang lahat ng babala at alam nila kung ano ang nangyayari sa Zone 5 pero hindi nila maisumbong dahil alam nilang wala silang laban.
Tumigil lang ako sa pakikinig sa buong Zone 4 nang gumising ako na mabigat ang pakiramdam ko. Pinakiramdaman ko ang sarili ko at hindi maitatanggi na may lagnat ako.
Ilang araw na ba akong nandito sa Zone 4 at kailan ako nakapagpahinga nang walang inaalala? Mahigit pa doon, kailan pa nagkaroon ng laman ang tiyan ko maliban sa tubig?
Tumingin ako sa labas at pinakinggan kung nasaan ang mga tao. Kailangan kong makahanap ng paraan para makakuha ng pagkain, kung hindi mamamatay akong gutom.
Hindi naman bago sa akin ang makaramdam ng gutom, kung hindi lang sana ako linalagnat makakayanan ko pang tiisin 'to ng ilang araw.
Kailangan ko ng lakas.
Pero para saan?
Napatigil ako sa paglalakad dahil sa naisip ko. Para saan nga ba? Bakit pa ako lumalaban? Wala na si Yvo, pinagtaksilan din ako ni Iago, mukhang wala ring balak si Mama na sagipin ako, muntik na akong mamatay sa Zone 5, at hinahanap ako ng lahat ng Zones para patayin.
BINABASA MO ANG
The Grim Covenant
Science FictionSeven Zones, each has distinct mutations; all bounded by a single covenant. Syv, a nation surrounded by tall and wide walls. It's made up of seven separate Zones that remains united because of a Covenant developed by the Founders, the Grim Covenant...