XXV

61 5 0
                                    

Nasa ilalim ng bahay ng matandang babae na tinulungan ko ang hideout nila Mama. Nalaman ko na nagpapanggap lang na matanda ang babaeng 'yun at siya ang nagsisilbing guwardiya ng hideout. Nakita ko ang mga babaeng kasama ni Mama sa trabaho niya dati pero si Cynthia lang ang kilala ko sa kanila.

Nagawa nilang gumawa ng mga bahay na gawa mismo sa lupa at mukhang hindi 'to basta-basta na masisira. Naririnig ko ang agos ng tubig sa 'di kalayuan pero hindi 'to masakit sa tainga .

Maluluwang ang mga tunnel ang pagitan ng mga bahay at nakakabilib na may mga ilaw rito kaya hindi gano'n kadilim. Hindi rin maiinit, sa totoo lang ay malamig pa nga. May parang terrace akong nakita kaya lumapit ako dito at nakitang hindi lang pala puro bahay na gawa sa lupa ang nandito.

Nakita ko kung nasaan nanggaling ang agos ng tubig, nanggaling 'to sa balon na nasa gitna ng malaking espasyo na pinaggitnaan ng mga bahay na gawa sa lupa.

Parang nasa ibang lugar ako at wala sa Zone 3. Tinawag ako ni Mama kaya hindi ko na napagmasdan nang mas mabuti ang nasa baba.

Dinala niya ako sa isang bahay na mas malaki kumpara sa mga nakita kong mga bahay. May dalawang palapag 'to at parang bahay ng mga Markov pero gawa lang sa lupa.

Agad kong nakita si Cynthia at ang mga katrabaho dati ni Mama at may kasama silang iba pang mga mukha na ngayon ko lang nakita.

"Si Vida na ba 'yan?" Gulat na tanong ni Cynthia saka lumapit sa akin.

"Anong ginawa nila sa'yo?" Hinawakan niya ang buhok ko na tumutubo pa rin at maingat na hinawakan din ang tainga  ko. Tumingin ako kay Mama dahil hindi ko alam kung anong nangyayari.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ang maratamdaman dahil nagkita ulit kami ni Mama pero wala akong kaide-ideya kung anong nangyayari. Nalaman ko kung anong nangyari kay Mama at alam kong dati siyang taga-Zone 6 pero hindi ko na alam kung ano ang ginagawa niya ngayon.

Nakakagulat nang nagtatago sila sa kakaibang mga bahay sa ilalim ng Zone 3, ano pa kaya ang totoong pakay nila?

"Pagpahingain muna natin siya, matagal din siyang tumakbo pabalik dito. Vida, umakyat muna tayo." Linayo ako ni Mama sa mga kasama niyang nakatingin din sa akin at base sa mga ekspresiyon nila, alam nilang anak ako ni Mama.

"Ma, anong nangyayari?" Tanong ko sa kanya nang makapasok kami sa isang kuwarto na walang pinto.

Akala ko gawa rin sa lupa ang kama pero gawa 'to sa kahoy at may manipis na mattress 'to. May kadilim nga lang dahil maliit lang ang ilaw. Binaba ko ang bag sa kama saka hinarap si Mama na pinapanuod lang ako.

"Ma, anong nangyayari?" Tanong ko sa kanya.

"Mas mabuting magpahinga ka muna, Vida," sabi niya saka umupo sa tabi ko.

"Apat na buwan... nasanay na akong walang pahinga dahil hindi ko alam kung anong oras may pwedeng kumuha sa akin at gawin ang kung anong gustong gawin nila sa katawan ko. Apat na buwan ko na ring naririnig ang pangalan mo mula sa ibang tao, hindi ba't may karapatan akong malaman kung ano talaga ang nangyayari?"

"Bukas. Sasabihin ko lahat ng gusto mong malaman pero magpahinga ka muna. Nasanay ka pero hindi ibig sabihin habang buhay ka nang magiging ganiyan. Ako na mag-aayos sa mga gamit mo." Sinabi niyang aayusin niya ang gamit ko pero nang makita niya ang bag napatigil siya saka hinaplos ang burda nito.

"Nagkita kayo ni Beverly?" Gulat na tanong niya.

"Sa Zone 5. Sinabi niyang magkaibigan kayo. Siya rin ang nagtakas sa akin sa Zone 5," sagot ko.

"At nagkita kayo ni Louise sa Zone 4?" Tumango ako.

"Siya ba 'yung bulag na kinekwento mo sa akin noon?" Tanong ko na nagpangisi sa kanya. May sinasabi siya pero hindi ko 'to masyadong binigyan ng pansin dahil ngayon ko lang ulit nakita ang ngiti sa labi ni Mama. Kailan ba noong huli kong nakita 'to?

The Grim CovenantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon