XVII

63 2 0
                                    

Puno ng mga sanga ang kisame ng sementeryo pero may nakakapasok pa ring liwanag ng araw. Kapag palapit naman ang gabi naglalabasan ang mga alitaptap at matagal pa bago umilaw ang mga lampara na nakasabit sa ilang mga poste na nakapaligid.

Kung hindi lang dahil sa mga lapida, magandang tambayan 'to dahil higit sa tahimik, magaan din sa loob kahit na puro lapida ang nakikita.

Nakatingin lang ako sa litrato ni Yvo habang pinapakinggan ang pinag-uusapan nina Mama, mahihina lang ang boses nila pero naririnig ko pa rin sila. Pinag-uusapan nila kung saan sila makakakuha ng Proxime kung sakaling hindi magbago ang isip ko.

Ayon sa mga sinasabi nila, wala nang pwedeng palag ang mga Markov dahil wala na ang Grim Covenant na prumoprotekta sa kanila. Napapaisip tuloy ako kung alam ba nila na hindi tama ang alam nilang version ng Covenant at hindi 'to ginawa para sa mga Markov lang?

Ako lang ba talaga ang pwedeng maging Proxime para sa kanila? Hinahanap ako ng mga Markov dahil ang alam nila, ako ang sumira ng Covenant. Paano magiging Proxime ang isang wanted na Synesthete at higit sa lahat, isang Zeff?

"You don't get what I'm saying. She could learn. She taught herself the Markov tongues. If she could do that much then what can't she do?" Narinig ko ang boses ni Mama.

"She could learn that but what about other things? Can we teach her how to decide for herself? Your daughter's too docile, Almira. Given all of the things that happened to her, it's easy to say that she's unstable too." Pamilyar ang boses na 'to sa akin, siya rin 'yung nagsabi na na hindi ako maaasahan.

"Joel's right, Mira. Pwedeng sabihin ng mga Markov na tayo ang kumokontrol kay Vida," boses 'to ni Cynthia.

"Then who the fuck can you suggest? Is there a Zeff with the knowledge she has?" Medyo tumaas ang boses ni Mama at may isa pang salita na madalas kong naririnig pero hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin. Fuck?

"What about Louise's boy? He knows Markov tongues, and with what I've heard he's pretty headstrong." Nawala sa picture ni Yvo ang tingin ko dahil dito.

Louise's boy? May anak ba si Louise? O hindi kaya... si Zion? Kilala nila si Zion?

"No, he's already 21. Louise met him when he was 19 so he wasn't an option back then." Ngayon ko lang nalaman ang edad ni Zion. Mas matanda pala siya sa akin?

"We can't wait until someone smart turns 18 next year. The walls are down and this is our chance. I'm sorry but we can't rely on Vida for this, Almira." Hindi ko na pinakinggan ang iba pa nilang pinag-uusapan pagkatapos nito.

Binunot ko na lang ang ilang damo na tumutubo sa tabi ng lapida ni Yvo at pinakinggan na lang ang mahinang paghiwalay ng ugat sa lupa.

Hindi ko pa naririnig ang buong dahilan kung bakit nila ginagawa ang kung ano mang ginagawa nila ngayon at kung anong plano nila kapag naging Proxime ako.

Alam kong hindi ako bagay sa role na gusto nilang ibigay sa akin. Isa lang akong normal na tao na naging Synesthete isang araw at purong gulo na sa mga araw na sumunod.

"Ano sa tingin mo ang gagawin ni Ate, Yvo?" Tanong ko sa litrato ni Yvo. Nang maalala ko na naman ang mukha niyang puno ng dugo ay hindi na naman ako mapakali.

Ang mga Proxime ang dahilan kung bakit namatay ang kapatid ko na wala pang alam sa mundo. Kung natatakot sila na may magagawa ang isang Zeff, hindi ba dapat mas matakot kami dahil sila ang may kaya pero wala silang ginagawa maliban sa pahirapan kami?

Kung hahayaan namin na mamuno ang mga tao na mga sarili lang nilang kapakanan ang iniisip nila, ano ang mangyayari sa amin at sa susunod pang mga henerasyon?

Pero bago bumuo ng oposisyon ang mga tao, alam ba talaga nila ang gagawin nila? Alam kaya nila kung pano sila mananalo laban sa mga taong ilang taon nang nagbibigay ng takot sa aming lahat?

Mahina akong natawa dahil dati iniisip ko lang kung paano ko hindi magagalit si Mama o kung anong gagawin ni Yvo pero ngayon iniisip ko na rin ang buong Syv.

Tumayo na ako saka tinignan pa ng huling beses ang litrato ni Yvo bago bumalik sa bahay. Mukhang tapos na sila sa pagpupulong nila dahil wala na akong naririnig na ingay.

Nadatnan ko si Mama sa kuwarto na tinutuluyan ko ay nagpapalit. Kinuha ko ang pouch ng mga sigarilyo ko saka 'to sinindihan pero hindi ako umihip dito.

"Nakita mo na si Yvo?" Tanong niya habang tinatanggal ang butones ng damit niya. Imbes na sagutin siya, iba ang sinabi ko.

"Iba ang nakasulat sa Covenant," sabi ko saka na umihip sa sigarilyo.

"Ano?" Tumingin ako sa kanya at nakita ang gulat niyang ekspresyon. Hanggang ngayon hindi pa rin ako sanay na nagbibigay siya ng ibang ekspresyon maliban sa galit at pagod.

"Nabasa ko kung ano ang nakasulat sa Grim Covenant bago 'to nasunog. Hindi lahat pero isang liniya lang ang naintindihan ko. 'This covenant shall protect Syv and our descendants,' ang alam natin pero 'This covenant shall protect Syv and her citizens,' ang nabasa ko."

"Alam mo ang nakalagay sa Covenant na ginawa ng mga Markov?" Kinunotan ko siya ng noo dahil parang gulong-gulo siya.

Hindi ba't siya ang nagturo sa akin ng laman ng Covenant? Parang ito na nga ang naging storybook ko noong bata pa ako pero nung natapos na kami hindi na niya 'to inulit.

"'Di ba tinuruan mo ako dati? Hindi mo tinuro sa akin ang Markov tongues pero pinaliwanag mo sa akin ang laman ng Covenant, kaya madali ko ring natutunan ang Markov tongues dahil may ideya na ako kung anong ibig sabihin ng ibang salita," paliwanag ko. Tinapos niya ang pagbutones ng damit niya at dali-daling kumuha ng simpleng pang-itaas.

"Yes, but I taught you that when you were 5, Vida." Sumeryoso ang mukha niya saka umupo sa kama at parang may iniisip siya dahil nakatingin lang siya sa kung saan habang nakapatong ang ulo niya sa pader. Naubos ko na ang isang sigarilyo ko pero hindi pa rin siya nagsasalita.

"So? Have you thought about it?" Tanong niya bago pa ako magsindi ulit ng isa pang sigarilyo.

Sa akin na siya nakatingin ngayon kaya napakagat ako sa labi. Pinigilan kong maiyak nang maalala ko na naman ang mukha ni Yvo, ang mga binalatang tao na nakabitin sa Zone 5, ang mga pinagdaanan ko dahil lang sa kagustuhan ng mga Markov na mangyari ang mga gusto nila.

"Gagawin ko kung anong makakaya ko," mahinang sabi ko. "Pero kung may nagawa akong mali, ayokong mapunta sa akin lahat ng sisi." Ilang beses siyang tumango at narinig ko ang paglunok niya, hanggang sa mamula ang mga mata niya at magsituluan ang mga luha niya.

Bigla akong nataranta dahil ngayon ko lang siyang nakitang umiyak. Hindi ko alam kung lalapitan ko ba siya kaya nanatili na lang ako na nakatayo saka sinindihan ang sigarilyo na hawak-hawak ko. Tumayo agad si Mama saka binawi ang sigarilyo sa mga kamay ko at pinatay ang sindi nito.

"Even though you need it, you shouldn't get this habit from your father too." Linapag niya ang sigarilyo malapit sa pouch ko saka ako hinila palapit sa kanya.

"I'm so proud to have you as my daughter," bulong niya saka ako hinalikan sa tuktok ng buhok ko.

Alam kong sinasabi niya lang 'to dahil ayaw niyang magbago ang isip ko. Alam niyang validation niya lang ang gusto ko. Noon pa lang, alam ko nang hindi niya ako tratratuhin na parang anak niya habang wala akong napapatunayan sa kanya.

Binaon ko ang mga kuko ko sa palad ko dahil kahit na matagal ko nang gustong marinig 'to mula kay Mama hindi ko siya magawang yakapin kahit na sobrang lapit na niya sa akin.

Bakit ngayong mas nakikilala ko na si Mama, pakiramdam ko mas lumalayo siya sa akin?

The Grim CovenantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon