XX

77 4 0
                                    

Mas lumala ang panginginig ni Harriet nang banggitin niya ang pangalan ni Mama. Narinig ko rin ang pagbilis ng tibok ng puso niya sa takot. Base sa pagkakakilala ko kay Mama hindi malabong kaya niya ngang gawing ang mga 'to. 

Hindi na ako makapaniwala noon na anak siya ng Leader ng Zone 6, na isa siyang Markov dati, paano pa kaya ngayon na malalaman ko pa na isa siya sa may pinakadelikadong variation sa buong Syv?

"Almira?" Dudang tanong ko. Sinubukan ko na hindi ipahalata na kilala ko ang taong binanggit niya.

"Oo. Kung buhay ka na noong nangyari 'yun, baka pati ikaw natatakot rin. Dahil isa siyang Markov, na-house arrest siya ng ilang buwan tapos pagkalabas niya pinili niyang pumunta ng Zone 3." Sinulyapan niya ang teinga ko saka hinawakan ang kanya.

"Ilang hikaw na ang sinuot sa kanya pero wala pa ring epekto. Wala na kaming narinig na balita tungkol sa kanya mula noon." Medyo nagtutugma na ang lahat dahil malamang ay ito ang house arrest na nabanggit sa akin ni Hailey noon.

"Imposible. Walang kakayanan ang mga tao na gawin 'yan kahit na may mutation tayo. Naiintindihan ko pa para sa mga may mutated sense of touch pero sa may mutated hearing? Kaya rin niyang babaan o lakasan ang pinaparinig niya? Parang higit naman na 'yun sa kakayanan ng tao," pankokontra ko dahil hindi pa rin ako makapaniwala.

Hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral pero malinaw sa akin kung hanggang saan ang limitasyon ng mutation naming mga taga-Syv. Mutated lang ang senses namin pero hindi sa puntong pwede kaming makasakit ng tao.

"Dati kaming taga-Zone 6 ni Louise. Bago kami lumipat dito sa Zone 4 may pinagawa muna sa amin ang Leader ng Zone 6, ang ama ni Almira. Kilala si Louise dahil kaya niyang iparamdam sa iba ang nararamdaman niya kaya kaya sinabihan siya na puntahan si Almira at hiniling na kapag may ginawa siyang hindi maganda kay Louise, mararamdaman niya rin 'yun pero matalino si Almira. Alam niya na gagawin ng lahat ni Leader Adrien na maparusahan siya kaya wala siyang ginawa. Mukhang imposible pero totoo ang sinasabi ko."

Wala akong kaalam-alam kung anong klaseng tao si Mama noong kabataan niya o kahit nung bago pa siya nanganak sa akin. Alam ko lang na dati kaming may pera at mula nang pinatigil niya ako sa pag-aaral nag-iba na ang relasyon namin. 

Pero may iisang butas lang sa sinabi ni Harriet na mas nagpaduda sa akin. Sinabi niya na maraming sinuot na hikaw kay Mama pero alam kong walang butas o kahit peklat lang na galing sa mga hikaw sa tainga  niya.

"Bakit mo sinasabi sa akin 'to?" Tanong ko. Tumigil na rin sa kasisigaw si Zion kaya mas pinagtuonan ko ng pansin si Harriet. Binantayan ang pagtibok ng puso niya kung nagsisinungaling ba siya pero kalmado lang siya.

"Kasi may mutated hearing ka. Alam mo na ba kung anong klaseng variation meron ka? Kung sakali lang—na sana hindi—na parehas kayo ng variation ni Almira, pwede kang matulungan ni Louise." Alam niya lang na may mutated hearing ako, paano niya naisip na may posibilidad na parehas kami ni Mama ng variation? Alam niya ba kung sino talaga ako?

"Tapos? Anong mangyayari kapag naturuan ako ni Louise? Sasabihin n'yo sa mga Markov?" Natatarantang umiling siya pero nagpatuloy pa rin ako.

"Kahit magkakaiba kayo ng mga Zone, pare-pareho pa rin kayong mga Markov. Gusto n'yo pa rin kaming pahirapan na mga Zeff." Kinuyom ko ang mga kamao ko at inalala lahat ng mga ginawa ng mga Markov sa akin at kay Yvo.

"Hindi 'yan ang gusto kong iparating, Wren." Napabuntonghininga siya saka tumingin sa labas ng bintana.

"Nasa Zone 4 ka. Dahil masyado kaming secluded, pinabayaan na kami ng ibang mga Markov. Hindi na nila kami rinerespeto. Naiintindihan ko na hindi madali ang mga naranasan mo sa ibang mga Markov pero iba kami." Narinig ko ang mahinang pagpigil niya sa sarili niya na magsalita kaya napataas ako ng kilay.

The Grim CovenantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon