XXI

69 4 0
                                    

Pabilis nang pabilis ang tibok ng puso ko sa sinabi ni Louise. Ito na nga ba ang sinasabi ko, dapat hindi ako naging kampante, hindi dapat ako nanatili dito.

Alam na niya kung sino ako.

Kinapa ko ang leeg ko para pakiramdaman kung ayos pa ba ang temperatura ng katawan ko. Baka kaya walang lasa ang mga pinapakain sa akin ni Harriet dahil may linalagay siya.

"Sinong Almira? Nabanggit din siya sa akin ni Harriet nung kailan." Sinubukan kong pakalmahin ang sarili ko habang iniisip kung paano ako makakatakas pero mukhang hindi nakatakas sa pandinig niya ang panginginig ng boses ko.

"Hindi mo alam ang pangalan ng sarili mong nanay?"

Tumingin ako sa bintana kasi 'yun lang ang pwede kong labasan dahil nakaharang si Louise sa pintuan. May kataasan at siguradong mababalian ako ng buto kapag tumalon ako dito pero kahit ano gagawin ko para lang makatakas.

"Patay na ang pamilya ko. Namatay silang lahat sa Zone 5. Hindi Almira ang pangalan ng Mama ko." Pasimple akong lumapit sa bintana habang nagsasabi ng mga palusot.

Dali-dali kong binuksan ang mga kurtina nang tumayo siya pero hindi natuloy ang balak ko na tumalon dahil biglang nagsara ang bintana at kahit anong gawin ko hindi ko 'to magawang buksan. Naghanap ako ng pwede kong ihampas sa kanya pero naalala ko na kaya niyang iparamdam sa iba ang nararamdaman niya.

"Vida, walang nakakarinig sa'yo rito. Pwede ka nang umamin kung sino ka talaga. Kahit wala na ang mga pader, walang kahit sino sa Zone 3 na makakarinig sa'yo." Madiin kong kinagat ang pang-ibabang labi ko, napahawak sa buhok ko at nagsimula nang manginig ang mga kamay ko.

Hindi ko inakalang dadating ang araw na matatakot ako sa simpleng pagtawag sa akin ng sarili kong pangalan.

Humakbang siya palapit sa akin kaya agad kong kinuha ang makapal na dictionary saka binasag ang salamin ng bintana. Pagkatingin ko sa baba nakita ko si Harriet na nakatingin sa akin, sa 'di kalayuan ay nakita ko si Zion na nakapamulsa at mukhang hinihintay din lang kung anong gagawin ko.

"'Wag kang magtatangkang tumalon. Sa sitwasyon mo ngayon, si Harriet lang ang pwedeng gumamot sa'yo. Magagamot ka pa ba niya kung lahat ng buto sa katawan mo bali na?"

Naalala ko kung paano nasaktan si Harriet nang hawakan niya ako. Sino ba naman ang hahawak sa taong halatang bali-bali na ang katawan?

"Anong gagawin n'yo sa akin?"

"Proprotektahan kita sa abot ng makakaya ko." Umiling ako sa sinabi niya saka humawak sa hamba ng bintana.

"At bakit mo gagawin 'yun? Hindi na bago sa akin ang kawalanghiyaan ng mga Markov. Alam ko kung paano kayo gumalaw." Tumingin ulit ako sa baba at nakatingin pa rin sa akin si Harriet.

May iba nang ginagawa si Zion pero paniguradong gagalaw na rin siya sa isang sigaw lang ni Harriet.

"Ilang Markov na ba ang nakilala mo at parang alam na alam mo kung paano kami mag-isip?"

"Sapat na para malamang lahat kayo may ibang motibo," mabilis kong sagot.

"Kung gusto kitang ibigay sa Leaders matagal na kitang binigay pero nandito ka sa bahay ko. Pinapakain kita at hinahayaan ko kung ano ang mga gusto mong gawin. Tingin mo ibibigay pa rin kita sa kanila?"

"Mga gawain ng mga taong may hidden agenda," mahinang sabi ko.

"You really are Almira's daughter." Naintindihan ko ang sinabi niya. Gusto kong mabilib sa sarili ko pero nasa maling sitwasyon ako para magdiwang.

"Kilala mo si Beverly, 'di ba? Siya ang tumulong sa'yo na makatakas sa Zone 5?" Sinubukan niya ulit akong kumbinsihin pero hindi ako nakinig.

"Bakit ka nagtiwala sa kanya?"

The Grim CovenantTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon