Naaalala ko dati na may dala-dala si Mama na mga beads, sinabi niya na pwede raw 'yun gawing mga alahas kapag pinagsama-sama gamit sa isang tali. Ginawan niya ako ng isang bracelet na gawa sa mga asul na beads kaya sinuot ko 'to kinabukasan nang pumasok ako sa school.
Pinagtawanan ako ng mga kaklase ko dahil hindi raw namin kayang bumili ng totoong alahas kaya gumagawa kami gamit ang mga murang bagay. Hindi pa sapat sa kanila ang panunutya at hinila ang bracelet ko kaya 'to napigtas.
Dalawang beads lang ang nakuha ko mula sa bracelet na napigtas dahil pinagsisipa ng mga kaklase ko ang karamihan. Hindi ako umuwi agad dahil natakot ako na papagalitan ako ni Mama.
Nang makauwi ako tinanong ni Mama kung nasaan ang bracelet na binigay niya sa akin kaya binigay ko sa kanya ang dalawang asul na beads at sinabi sa kanya ang sinabi ng mga kaklase ko sa akin. Naalala ko kung paano ako umiyak sa takot ko kay Mama at dahil nasira ang nag-iisang alahas na binigay niya sa akin.
Akala ko noon papagalitan niya ako pero binuhat niya ako saka binigay sa akin ang isang bead. Tinapat niya sa mata niya ang isa saka tumingin sa araw, sinabi niya na gawin ko rin 'yun kaya sinunod ko siya.
Pagkatingin ko sa bead parang nakakita ako ng bagong mundo. Nag-iba ang itsura ng kalangitan, parang pinapanuod ko ang kalangitan at ang klarong tubig ng dagat nang sabay.
"May mga taong sumisira ng mga simpleng bagay dahil hindi nila nakikita ang kagandahan nito," sabi niya sa akin na tumatak sa isip ko hanggang ngayon.
Naalala ko ang beads na binigay sa akin ni Mama habang nakatingin sa mga mata ni Zion. Ngayon ko lang nakita nang mabuti ang mga mata niya. Kasing kulay nito ang asul na beads ko dati nang pumasok ang liwanag ng araw mula sa bintana.
Tumama ang liwanag sa mga mata niya at kagaya ng beads ko dati nang itapat ko 'to sa araw, kuminang 'to pero dahil sa paraan kung paano niya ako tignan ay hindi ko na nagawang tignan pa ang mga mata niya.
Tinago ko ang notebook na punong-puno na ng sulat ko pero alam kong nakita na niya ang ginagawa ko. Unti-unti siyang lumapit sa akin kaya napaatras ako sa kama ko hanggang tumama sa headboard ang likod ko.
"Marunong kang magsalita?" Kinilabutan ako sa malamig niyang tono.
Ilang beses ko nang narinig si Mama na pagsalitaan ako sa ganitong tono pero mas kinilabutan ako kay Zion. Ngayon ko lang naramdaman na parang sobrang mali ng nagawa ko. Tinitignan niya ako na parang pinagtaksilan ko siya kahit na hindi pa naman kami gano'n magkakilala.
"Bakit ka nagpapanggap na hindi ka nakakapagsalita?" Pataas nang pataas ang tono ng boses niya. Hindi ko alam kung sinasadya niya 'to dahil alam niyang may mutated hearing ako o dahil galit siya.
"H-Hindi mo alam kung anong ginawa ko para mabuhay sa Zone 5," pag-amin ko.
Hindi lang ako nagpanggap na hindi ako makapagsalita para mabuhay sa Zone 5, para na rin sa sarili kong kaligtasan dahil hinahanap ako ng mga Markov.
"Biktima ka ba talaga ng Zone 5?" Kinunotan ko siya ng noo.
"Anong gusto mong iparating?" Sandali siyang napahawak sa likod niya, narinig ko ang pagbilis ng tibok ng puso at paghinga niya. Nang tumingin ulit siya sa akin, alam kong hindi na malinaw ang pag-iisip niya.
"May Markov ba na nag-utos sa'yo na pumunta dito? Kinuha n'yo ang pagbaba ng mga pader na tiyansa para mabalik ako doon?"
Nanlaki ang mga mata ko nang kunin niya ang dictionary na ginagamit ko saka hinagis sa direksiyon ko pero mabilis ko 'tong nailagan. Inalalayan ko ang braso ko dahil hindi pwedeng lumala pa 'to.
"Bakit ka nandito?!" Nagsimula na siyang magwala. Sinubukan niyang ibato sa akin lahat ng nahahawakan niya pero lahat ng 'yon nagawa kong ilagan habang linilimitahan ko pa rin ang bilis ko.
BINABASA MO ANG
The Grim Covenant
Ciencia FicciónSeven Zones, each has distinct mutations; all bounded by a single covenant. Syv, a nation surrounded by tall and wide walls. It's made up of seven separate Zones that remains united because of a Covenant developed by the Founders, the Grim Covenant...