Specific Phobia

10 1 0
                                    

Takot ka bang maligo? Takot ka ba sa dugo? Takot ka ba sa injection. Sa linta? Sa ahas? Takot ka bang magmahal? Takot ka bang iwanan niya?

Well, natural lamang iyan!

Ang takot ay natural na emosyon ng isang tao. Kapag natatakot tayo, nanghihina ang ating loob para lumaban o para pumasok sa isang inaakalang mapanganib na gawain. Pakiramdam natin hindi kanais-nais isang tao, bagay, lugar, pangyayari, sitwasyon o gawain na maaaring magdulot sa atin ng panganib, kirot o banta sa isipan.

Natural ang takot na nararamdaman natin, subalit kapag ito ay labis na, paulit-ulit, at hindi na makatotohanan ito ay isa nang phobia. Opo, isang phobiaspecific phobia. Ito ay isang uri ng anxiety disorder.

Ang isang taong may specific phobia ay umiiwas sa mga partikular na tao, bagay, hayop, lugar, pangyayari, sitwasyon, at gawaing nagpapabalisa sa kaniya.

Napakatiyak at limitado ang ilang mga phobias. Halimbawa, ang isang tao ay maaaring natatakot lamang sa mga spider (arachnophobia) o sa mga manika (pediophobia). May ilang phobias ding nagdudulot ng problema sa mas malawak na iba-ibang lugar o sitwasyon. Halimbawa, ang takot sa matataas na lugar ay maaaring ma-trigger sa pamamagitan ng pagtingin sa bintana ng isang gusali o sa pamamagitan ng pagsakay sa Ferris wheel. Ang mga taong may phobia ay kailangang baguhin ang kanilang buhay at mag-adjust upang hindi sila maapektuhan nito nang husto. Subalit, may matitinding kaso ng phobia. Dumarating sa punto na ang takot ay nagdidikta sa trabaho ng tao, lokasyon ng trabaho, ruta sa pagmamaneho, libangan, panlipunang aktibidad o kapaligiran sa bahay.

Anoman ang specific phobia ang nararanasan ng isang tao, maaari siyang magkaroon ng mga sumusunod na reaksiyon kapag nati-trigger.

1. Siya ay kaagad na makakaramdam ng matinding takot, pagkabalisa, at pagkataranta.

2. Alam niyang hindi angkop o kakatwa ang kaniyang nararamdamang takot pero wala siyang kakayahang kontrolin o iwasan iyon.

3. Lumalala ang kaniyang pagkabalisa habang lumalapit siya sa kinatatakutan o papalit ito sa kaniya.

4. Gumagawa siya ng mga kakatwang paraan upang makaiwas sa kinatatakutan.

5. Nahihirapan siyang kumilos nang normal dahil sa takot o kinatatakutan.

6. Nakararamdam siya ng mga pisikal na pagbabago sa kaniyang katawan gaya ng pagpapawis, pagbilis ng tibok ng puso, pagsikip ng dibdib, kahirapan sa paghinga, pagkahilo, pagduduwal or pagkahimatay.

7. Sa mga bata, maaari silang magkaroon ng tantrums, maging clingy, maging iyakin, at tumangging magpaiwan sa magulang.

Ang bawat specific phobia ay may pinagmumulan o dahilan. Ito ay maaaring dahil sa mga negatibong karanasan. Kapag ang isang tao ay nakaranas ng panic attack dahil sa isang tao, bagay, lugar, hayop o sitwasyon, malaki ang tsansa na magkaroon siya nito. Ang genes ng mga magulang ay maaari ding magdulot nito sa tao, gayundin ang kapaligiran, lalo na ang tahanan. Kapag meron nito sa isang pamilya, maaari itong maipasa sa sinomang miyembro. Ang brain function ay may epekto rin sa pag-develop ng phobia. Kapag mahina ang paglago o pagkilos ng utak, maaaring maapektuhan nito ang kaisipan ng tao na makipaglaban sa takot.

May mga dapat din tayong malaman tungkol sa specific phobia. Kadalasan, ang mga batang may edad na 10 ang tinatamaan nito, subalit maaari ding maganap sa mga taong nasa hustong gulang.

Namamana ang specific phobia. Sa madalas na pagkakaobserba sa kapamilyang nakararanas ng phobia, maaari itong mangyari sa kanya.

Ang pag-uugali ay maaari ding maging dahilan ng specific phobia. Kapag ang tao ay masyadong sensitibo, mahiyain, at negatibo, maaari itong ma-develop sa kanya.

Ang negatibong karanasan ng iba na narinig o nakita natin ay maaari ding maging dahilan ng pagsisimula ng pagkakaroon natin ng matinding takot sa kaparehong tao, bagay, lugar, hayop o sitwasyon

Maaaring kakatwa sa iba ang pagkakaroon ng specific phobia ng isang tao, pero ang totoo, isa itong nakakaalarmang kondisyon. Masyado itong nagpapahirap sa kanya.

Minsan, mas ginugusto na lamang niya ang social isolation upang maiwasan ang mga kinatatakutan, kaya nagkakaroon siya ng mga problemang pang-akademiko, propesyunal o relasyon sa kapwa. Mapabata man o mapamatanda, ito ay nagdudulot sa kanila ng labis na kalungkutan dahil sa pag-iwas at takot na mahusgahan ng kapwa.

Ang depresyon at pagkabalisa ay ilan lang sa mga nagiging resulta ng specific phobia sa tao. Nariyan din ang tinatawag na substance abuse. Minsan, nagiging alcoholic ang isang taong may kinatatakutan at nagiging drug dependent. At ang pinakamalalang epekto nito sa tao ay kapag nagiging suicidal na.

Gayunpaman, maiiwasan ang mga epekto o resultang nabanggit sa pamamagitan ng pagkonsulta sa mga sikolohista. Sa mga magulang na may mga anak na nakararanas ng specific phobia, dapat nilang turuan ang mga bata na magkaroon ng malawak na pang-unawa sa kanilang karamdaman. Turuan nila ang mga anak na maging matapang sa pagharap sa takot. Iwasan din nilang magpakita ng pagkatakot upang hindi sila gayahin ng mga ito.

May mga sitwasyong kailangan nang kumonsulta sa doktor. Una, kapag masyado nang nakaaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ang kaniyang takot. Halimbawa: Sa halip na siya ay sasakay sa elevator patungo sa mataas na palapag ng gusali, gumagamit na lang siya ng hagdan. Ang resulta, mahabang oras ang nawala. Apektado ang kaniyang trabaho o transaksiyon. Sa pagkakataong ito, kailangan na niya ng terapi.

Sa mga bata naman, kapag masyado na silang takot sa dilim, sa multo, mag-isa o maiwan, na kung tutuusin ay normal naman sa mga bata, kailangan na rin ng doktor, lalo na kung apektado na ang pagkilos nila nang normal sa tahanan o sa paaralan.

Anomang edad o anomang uri ng specific phobia, may mahalagang papel na gagampanan ang wastong terapi upang malunasan ang karamdamang ito. Ang pag-unawa sa mga taong may ganitong uri ng anxiety disorder ay nakatutulong nang malaki para sa kanila. Mahalaga rin ang yakap ng mga mahal sa buhay para sa mga taong natatakot.

Normal ang matakot sa isang tao, bagay, hayop, lugar, at sitwasyon. Huwag tayong matakot na harapin ang takot na iyon dahil mas nakakatakot nga raw ang wala nang maramdamang takot. 

ABNKKSuLatNPLAKoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon