Sa mabilis na paglago ng teknolohiya, nangangailangan na rin ng mabilisang paraan ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Ang tradisyonal na paglalahad ng mga impormasyon ay napalitan ng makabago at grapikong biswal upang maihatid ang mga kaisipan o layunin ng aralin nang mas mabisa at angkop sa pagbabago.
Sa larangan ng edukasyon, malaki ang naitutulong ng mga grapikong, gaya ng dayagram, tsart, grap, at mapa. Ang bawat halimbawa ay may kani-kaniyang gamit, ayon sa impormasyong inilalahad nito. Gumagamit ang grapikong biswal ng mga simbolo, kulay, hugis, linya, bilang, titik, at iba pang elemento. Halimbawa sa mga audio-visual presentations, na ginagamit sa pagtuturo, mas kapana-panabik ang bawat slides nito para sa mga mag-aaral kung gagamit ng grapikong biswal kaysa sa paglalahad ng mahahabang teksto.
Ang dayagram ay isang anyo ng grapikong biswal. Ito ay isang disenyong geometriko, na kumakatawan sa mga paraan, proseso, ideya, solusyon, mekanismo o pangyayari. Layunin nitong magbigay ng malinaw at mabilis na pang-unawa sa impormasyon ang mga tagapakinig. Maraming uri ang dayagram, na may kani-kaniya ring layunin sa paglalahad. Ilan sa mga ito ang Venn Diagram, Fishbone Diagram, Tree Diagram, o Ladder Diagram. Ang bawat isa ay maaari ding gumawa ng sariling dayagram ayon sa layunin ng paglalahad ng datos.
Ang tsart ay isa ring anyo ng grapikong biswal. Ayon sa Wikipedia, ang isang tsart ay isang grapikal na representasyon ng datos, kung saan "ang datos ay kinakatawan ng mga simbolo, tulad ng mga bar sa bar tsart, o mga linya sa linyang tsart, o mga hiwa sa isang pie tsart." Katulad ng dayagram, ang tsart ay maraming uri. Ilan sa mga ito ang tsart ng oraganisayon (organizational chart) at tsart ng daloy (flowchart). Ang mga ito ay may kani-kaniyang layunin din sa paglalahad ng impormasyon. Ilan sa mga layunin ng tsart ay pagpapakita ng pagkakasunod-sunod o daloy ng mga impormasyon, proseso ng kaalaman, mga pagkakatulad at pagkakaiba, sanhi at bunga, at iba pa.
Ang ikatlong halimbawa ng grapikong biswal ay ang grap. Ito ay madalas gamitin sa paglalahad ng mga impormasyon sapagkat madaling maunawaan at mabigyang kahulugan ang mga impormasyon. May apat na uri ito—ang bar graph, line graph, pictograph, at pie graph. May kani-kaniyang gamit at layunin ang mga ito. Ang bar graph ay gumagamit lamang ng dalawang bar -- isang patayo at isa pang pahalang, na may magkaibang halaga o numerong prinipresenta. Ang line graph ay gumagamit ng linya upang ipakita ang magkaibang variables. Ang pictograph ay gumagamit ng larawan, simbolo o imahe, upang sumasagisag sa variable na inilalahad. At ang pie graph ay kumakatawan sa mga porsyento ng isang kabuuan. Ipinapakita ito sa pamamagitan ng paghahati ng isang bilog sa mga bahagi.
At ang mapa ay isa ring grapikong biswal, na nagpapakita ng grapikong representasyon ng bawat lugar. Maaari itong magpakita ng heograpiya, klima, sakop o hangganan ng teritoryo, direksiyon, at maging sa kalagayang ekonomiko at turismo ng isang lugar o bansa. Marami din ang uri ng mapa. Ang mga ito ay ayon sa impormasyong inilalahad. Ilan sa mga ito ang mapang pisikal, mapang pulitikal, mapang demograpiko, mapang pangklima, mapang pangkabuhayan, mapa ng daan, at iba pa.
Ana bawat grapikong biswal ay napakahalagang pantulong para anomang sektor ng pamahalaan. Kaya sa edukasyon, bahagi ito ng kurikulum, hindi lang upang imulat ang mga mag-aaral, kundi mas mapadali ang pagkaunawa sa mga impormasyong pagtatalakayan.
BINABASA MO ANG
ABNKKSuLatNPLAKo
AcakMasarap ang halo-halo. Masarap din ang pagsusulat. Mas masarap namang magsulat kapag may inspirasyon. Ang pinakamasarap sa lahat ay kung hindi nega ang reader nito. Salamat!