Paano Magluto ng Pancit Bihon

231 4 0
                                    

Sa malaking kawali, maggisa ng bawang at sibuyas. Yung mabango, katulad kung paano ka nagpabango sa boss natin at paano mo ako igisa sa sarili kong mantika para lang umangat ka.

Idagdag ang mga hiniwa-hiwang baboy at manok at hayaan mong maluto ang mga ito sa loob ng dalawang minuto. Oo, dalawang minuto mo lang lulutuin. Naalala mo noong niluto ninyo ang promotion mo? Ang bilis! Wala pa yatang dalawang minuto. Ang tindi mo! Samantalang ako, naging matiyaga, naging masipag, at naging produktibo sa loob ng mahigit dalawang taon para lang makuha ang inaasam na promotion. Aagawin mo lang pala!

Lagyan ng tubig at ihulog ang chicken cube. Pakulaan sa loob ng 15 minuto. Ihulog o ilaglag... Alam mo 'yan. Alam na alam mo kung paano manlaglag ng kasamahan. Hindi ko nga lubos maisip na kaya mo akong ilaglag at traydurin. Kaibigan pa naman ang turing ko sa'yo dati.

Ilahok na ang mga carrots, pea pod, cabbage, and celery leaves at pakuluan na sa loob ng ilang minuto. Huwag mong i-overcook. Hindi na masustansiya ang mga gulay kapag nasobrahan sa luto. Tingnan mo na lang ang sarili mo. Nasobrahan ka sa luto. Wala ka nang sustansiya. Wala nang naniniwala sa kakayahan mo.

Hanguin at ihiwalay ang lahat ng mga sangkap mula sa sabaw. Ihiwalay mo na rin ang sarili mo sa mga totoong tao. Hindi ka nararapat makihalubilo sa mga tunay na dumaan sa hirap, bago nakamit ang pangarap. Kami ang mga masasarap na sangkap. Sabaw ka lang.

Timplahan ng toyo ang sabaw. Kapag tinoyo ako, ang mala-sabaw mong utak at ugali ay mag-eevaporate, kapag pinakuluan na kita. Punong-puno na ako sa mga kabulastugan at kasakiman mo. Marami na ang mga nasasaktan mo.

Ilagay na sa kumukulong sabaw ang pancit bihon, na ibinabad sa tubig. Haluing mabuti. Dahil kumukulo na ang dugo ko sa'yo, malapit ka na. Maghahalo na ang balat sa tinalupan.

Kapag nag-evaporate na ang sabaw, ilahok na ang mga gulay at karne. Muli silang pakuluan sa maikling sandali. Wala naman akong magagawa, kahit pilit kong inilalayo ang sarili ko sa utak-sabaw na katulad mo, inilalapit ka pa rin sa akin ng tadhana. Na-realize ko nga na hindi ka maaaring ipagmalaki. Wala ka kasing lasa. Hindi mo kayang tumayo sa sarili mong mga paa. Samantalang ako, iginisa at iniluto nang may pagmamahal. Ikaw, latak ka lang mula sa aking mga pinaghirapan.

Ihain ito habang mainit. Share and enjoy! Magpakaligaya ka na dahil darating ang araw na ibabahagi ko sa iba ang mga kawalanghiyaan mo. Ihahain ko sa kanila ang pandaraya mo, habang mainit-init ang issue.

Bon appetit!

ABNKKSuLatNPLAKoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon