Paano nga bang magsisimulang magsulat ng kuwentong pambata kung wala kang anomang pormal na edukasyon sa pagsusulat?
Simple lang! Sa pagdalo sa mga workshop, matututo ka na, online man o pisikal.
Narito ang walong pagsasanay upang makapagsimula kang magsulat ng kuwentong pambata.
Una. Maglista ka ng mga karanasan at alaala. Magbigay ka ng sampung kinatatakutan (phobia), sampung di-malilimutang alaala ng pagkabata, sampung halagahan (values) na dapat matutuhan ng isang bata, at sampung isyu na kailangang talakayin para sa mga bata. Kapag may listahan ka na, makakapili ka ng story idea, story sconcept, at tema.
Ikalawa. Tukuyin at iwasan mo ang mga gasgas (cliche) na mga paksain. Narito ang ilan sa mga dapat mong iwasan: kalinisan, takot sa dilim, katamaran sa pagligo at pagsipilyo, pag-ayaw sa ampalaya, at mahiwagang libro. Narito naman ang ilan sa mga dapat isulat: wastong paggamit ng teknolohiya, social media, at internet at kaligtasan ng mga bata sa anumang uri ng karahasan. Kapag natukoy mo ang mga paksaing ito, makakapagsimula ka nang buuin ang una mong kuwento.
Ikatlo. Pumili ng anyo ng kuwentong pambata. May limang anyo ang kuwentong pambata: pre-school books, wordless books, picture books, illustrated story books, at young adult books. Ang pre-school books ay may maiikling pangungusap lamang. Ang wordless books ay mga larawan lamang. Ang picture books ay hindi gaanong detalyado ang pagkukuwento. Ang illustrated story books ay malaya ang pangungusap at palamuti lamang ang illustrations. Ang young adult books ay tumatalakay sa mga suliranin at mga pinagdadaanan ng mga kabataan, gaya ng pag-ibig, pagdadalaga/pagbibinata, sekswalidad, bullying, droga, at iba pa. Kapag nakapili ka na ng anyo ng kuwentong pambata, makakapili ka na rin ng tauhang gagawin mong bida.
Ikaapat. Gumamit ka ng makulay na wika. Ayaw ng mga batang mambabasa ang labis na paggamit ng pang-uri at pang-abay. Mas gusto nila ang mga pandiwa. Narito ang mga tamad na pangungusap: (1) Masaya ang mga bata. (2) Mabango ang niluluto ni Nanay. Paano mo gagawing interesante ang mga pangungusap? Narito ang aking suhestiyon: (1) Abot-tainga ang ngiti ng mga bata. (2) Nakagugutom ang amoy ng niluluto ni Nanay. Kapag nagawa mong maging makulay ang wikang ginagamit mo, makabubuo ka ng isang magandang kuwento.
Ikalima. Gumamit ka ng onomatopeya (onomatopoeia). Ano ba ito?
Ito ay paghihimig. Gumagamit ang onomatopeya ng kaugnay ng tunog o himig ng mga salita upang ipahiwatig ang kahulugan. Halimbawa: (1) Nagising siya dahil sa malakas na (potpot) ng kotse. (2) Natutuwa ako sa (twit-twit) ng ibon. Narito naman ang pagsasanay para sa iyo. Maglista ng tigsasampung onomatopeya na likha ng hayop, likha ng tao, likha ng kalikasan, at likha ng mga kasangkapan sa bahay. Kapag nagawa mo ang mga ito, maaari ka nang makabuo ng konsepto ng kuwento na binubuo ng onomatopeya, na isa sa mga gustong-gusto ng mga bata.
Ikaanim. Magbigay ka ng elemento ng pag-asa sa kuwento. May mga kuwentong malungkot. May mga tauhang kaawa-awa. Hindi ito maiiwasan, pero dahil may elemento ng pag-asa, magagawa mong maging masaya ang tauhan sa wakas. Tandaan lang na bawal ang trahedya. Kundi man bawal, iwasan. Narito naman ang pagsasanay para sa iyo. Lagyan ng elemento ng pag-asa ang mga sumusunod: (1) batang biktima ng kalamidad, (2) batang inabuso, (3) bata nilalayuan o mahiyain, (4) batang may kapansanan, (5) batang naipit sa digmaan. Kapag nagawa mo ang mga ito, handang-handa ka nang magsulat.
Ikapito. Sagutin mo ang mga sumusunod na tanong. Ano ang aral o konsepto ang nais mong ibahagi? Anong pakinabang ng mga bata sa iyong kuwento? Ano ang matututuhan ng mga bata sa iyong kuwento? At paano mo masasabing hindi masasayang ang effort mo sa pagsusulat ng kuwento? Kapag nasagot mo ang mga katanungang ito, ikaw nga ay nakatakdang maging manunulat ng kuwentong pambata.
Ikawalo. Maghanap ka ng mga paksaing Filipino. Maaaring ang kuwento mo ay epiko, mito, alamat o pabula. Lahukan mo ang kuwento mo ng mga buhay ng mga Filipino. Halimbawa: caravan, balut vendor, jeepney, kalabaw, at iba pa. Maaari mo ring gamitin ang mga pamahiin at paniniwalang Pinoy. Nariyan ang nuno sa punso, agimat, itim na pusa, puno ng balete, at iba pa. Samahan mo palagi ng cultural icons ng Pilipinas, gaya ng agila, barong, baybayin, bahay kubo, at iba pa. Kapag nagawa mo ito, magiging kahanay ka ng mga premyadong manunulat ng kuwentong pambata sa bansa.
At bago ka magsulat, magbasa ka muna ng mga isandaang kuwentong pambata. Kapag ginawa mo ito, tama ang ginagawa mo. Ang pagsusulat at pagbabasa ay dapat mong isagawa sa tuwi-tuwina.
Happy writing!
BINABASA MO ANG
ABNKKSuLatNPLAKo
RandomMasarap ang halo-halo. Masarap din ang pagsusulat. Mas masarap namang magsulat kapag may inspirasyon. Ang pinakamasarap sa lahat ay kung hindi nega ang reader nito. Salamat!