Paano Maging Kahanga-Hangang Boss

21 1 0
                                    

Pangarap ng halos lahat ng tao ang maging boss. Para sa ilan, mahirap itong makamtam. Sa iba naman, napakadali lang itong magawa.

Tama! Napakadali lang maging boss. Para ka lang nag-one plus one.

Ikaw, na may hawak na mga tauhan, ikaw, na nangangarap maging boss, ikaw, na tinitingala ng mga empleyado, at ikaw, na isang may mataas na katungkulan sa kompanya o organisasyon, narito ang mga dapat mong gawin upang ikaw ay maging isang kahanga-hangang boss.

Panatilihin mong takot ang mga nasasakupan mo. Ipakita mong hindi ka nila kayang angatan dahil ikaw ang boss. Hindi ka dapat nilalapitan, pinapayuhan, kinakaibigan, at binabasta-basta. Kailangang hawak mo ang mga leeg nila. Maging matapang ka. Huwag mo silang purihin dahil lalaki ang ulo nila.

Magplano ka lang para sa maiksing panahon. Hindi mo naman sila makakasama nang matagalan, lalo na't mabababa lang naman ang posisyon nila. Ang plano o mga g8nagawa mo ay para sa iyo, hindi para sa kanila. Utusan at pagawain mo sila upang lalo kang umangat at tingalain.

Diktahan mo sila. Maging diktador ka. Huwag ka ring magpadikta. Hindi iyan katangian ng isang boss. Kakayan-kayanin ka nila kapag nagpadikta ka. Ipakita mong ikaw ang batas, ikaw ang masusunod, at ikaw ang dapat pakingggan. Boss ka, hindi ka utusan. Boss ka, hindi ka dapat sunod-sunuran.

Kung nagkamali sila, sisihin mo. Huwag mong akuin ang pagkakamali. Boss ka nila, hindi ikaw ang gumawa ng kamalian. Nang inutusan mo sila, mali ang ginawa nila, kaya kailangan sila ang tumanggap ng kasalanan. Ibato mong lahat sa kanila ng mga problemang dumarating. Hindi rin ikaw ng dapat na magresolba ng gusot. Hayaan mo silang humanap ng solusyon sa kapalpakan nila.

Kapag hindi mo sila kailangan, huwag mong pansinsin. Kapag ang suhestiyon nila ay hindi naman maganda o nakabubuti, hayaan mo sila. Kapag may gusto silang sabihin at hindi ka komportable sa kanila, hayaan mo sila. Kapag may personal silang problema, hayaan mo sila. Hayaan mo sila magtrabaho dahil sumasahod naman sila.

Ikaw ang boss, kaya dapat ikaw ang huhusga sa kanila. Ikaw ang nakakikilala nang lubos sa kanilang kakayahan, kaya husgahan mo kaagad sila kapag nagkamali. Huwag mo nang pakinggan dahil masasayang lang ang oras mo. Marami namang aplikanteng maaari mong ipalit sa kanila.

Maging makapangyarihan ka. Ikaw ang boss, kaya hindi ka dapat sumasangguni sa mga tauhan mo. Ang lahat ng gusto mo ay dapat nilang sundin at gawin. Kung ayaw nila, umalis sila. Huwag kang makinig sa kanilang mga kagustuhan at hinaing dahil aabusihin ka nila hanggang ikaw na ang mapasunod nila.

Taasan mo ang standard mo. Dapat laging 'the best.' Kung maaari, perfect dapat ang bawat gagawin nila. Para iyon sa iyo. Ikaw ang makikinabang ng lahat ng mga gawain nila, kaya dapat lang na maging istrikto ka sa mga proseso. Huwag kang papayag ng 'puwede na 'yan.'

May kalayaan ang oras mo, kaya huwag kang magmadali sa mga gawain mo. Boss ka, hindi ka alila upang bantayan nila ang kilos at ang oras mo. Huwag mo munang tapusin ang mga bagay-bagay na hindi gaanong importante sa iyo. May gagawa naman niyan para sa 'yo.

I-micromanage mo sila. Hindi naman sila ganoong mahalaga sa iyo. Hayaan mo silang magtrabaho. Dapat ka nilang pagsilbihan. Hindi mo sila dapat na pinagtitiyagaan dahil dapat sila ang nagtitiyaga dahil sila ang nangangailangan ng suweldo at trabaho.

Kapag nagkamali ka, magsinungaling ka. Kayang-kaya mo silang paniwalaing tama palagi ang sinasabi mo. Gawan mo sila ng kasinungalingan hanggang gusto mo. Marami ang maniniwala sa sasabihin mo. Lahat ng sasabihin ng mga tauhan mo, kayang-kaya mong baluktutin.

Tandaan mong ikaw ang boss. Ikaw ang dapat hangaan ng lahat. Kahanga-hanga ka kung kaya mong pasunurin ang mga tauhan mo, kahit sa maling paraan. Kung ginagawa mo ang mga ito... congratulations! Isa ka ngang kahanga-hangang boss! Abangan mo na lang ang karma mo.

ABNKKSuLatNPLAKoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon