Pang-uring Pamilang

206 1 0
                                    

Magandang araw sa inyong lahat! Isa na namang aralin ang tatalakayin natin sa araw na ito.

Ano nga ba ang Pang-uring Pamilang? At ano-ano ang mga uri nito?

Bago iyon, balik-aralan natin ang pang-uri.

Ang pang-uri ay mga salitang naglalarawan sa pangngalan at panghalip. Ito ay nagsasaad ng uri, katangian, lasa, amoy, hugis, laki, anyo, bigat, bilang, at dami ng salitang inilalarawan.

Halimbawa ng mga pang-uri ay berde, mabait, napakayaman, mayabong.

Ano naman ang pang-uring pamilang?

Ang pang-uring pamilang ay mga salitang nagsasaad ng bilang, dami, at kakuntian ng pangngalang inilalarawan.

Ito ay may anim na uri: patakaran, panunuran, pamahagi, palansak, pahalaga, at patakda.

Ang Patakaran ay batayan sa pagbibilang, gaya ng isa, dalawa, tatlo, apat....

Ang Panunuran ay nagsasabi ng pagkakasunod-sunod ng mga pangngalan, gaya ng una, ikalawa, ikatlo, ikaapat...

Ang Pamahagi ay nagsasaad ng bahagi o parte ng kabuuan ng pangngalan, gaya ng

kalahati, tigatlo, kapat...

Ang Palansak ay nagsasaad ng pangkatan, maramihan, at minsanan ng pangngalan, gaya ng isahan, dalawahan, tatlohan, apatan...

Ang Pahalaga ay nagsasabi ng halaga ng pangngalan, gaya ng piso, dalawampiso, tatlumpiso, apatnapiso...

Ang Patakda ay tumitiyak sa dami o bilang ng pangngalan na hindi ito nababawasan o nadaragdagan, gaya ng iisa, dadalawa, tatatlo, aapat...

May mga pananda ring ginagamit ang pang-uring pamilang na hindi kabilang sa anim na uri, gaya ng marami, panay, halos, pulos, puro, kakaunti, iilan, pawang. 

ABNKKSuLatNPLAKoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon