Bakit kapag nagkakamali ng bigkas ang ating kapwa, pinagtatawanan natin? Bakit kapag mali-mali ang Ingles nila, kinukutya natin?
Big deal ba ang wikang banyaga? Big catch ka na ba kung expert ka sa wika ng iba? Samantalang mas nakakatawa at nakakayamot ang Filipinong mali-mali ang bigkas at baybay sa paggamit ng salita. Naturingang Pinoy, pero hindi naman bihasa sa wikang Filipino.
Halika! Itama natin ang mga kamaliang madalas binibigkas at sinusulat ng kapwa nating Filipino. Panahon na upang aralin at ipagmalaki natin ang wikang sarili.
Ang 'kahapon' at 'kanina' ay huwag nang lagyan ng gitlapi na 'ga.' Hindi 'kagahapon' at 'kaganina' ang tama. Maaaring naririnig natin ito sa ibang lugar, pero mali. Ang mali ay mali. Hindi tayo ipinanganak kanina o kahapon. Matagal nang 'kahapon' at 'kanina' ang mga wastong salita.
Pakiusap din, huwag namang magtanong ng ganito, "Nakain ka na ba?" Diyos ko! Kung ako ang babaeng tinanong mo, masasampal kita. Bastos! Sino ang kakain sa akin? Dapat ganito: "Kumakain ka na ba?"
Kapareho lang ito ng tanong na "Saan ka nauwi?" Mali iyan. Baka sagutin ka ng "Nauwi ako sa wala." Ang dapat ay "Saan ka umuuwi?"
Kung ang gusto mo namang sabihin ay "Saan ka umuuwi?" pero ang nabigkas mo ay "Saan ka natira?" Hay, naku! Bubuntalin talaga kita. Ikaw ang tirirahin ko ng kamao ko. Bastos ka! "Hindi ako nagpapatira!" Iyan pa ang sasabihin sa 'yo ng kausap mo.
Mag-ingat tayo sa ginagamit nating salita kasi dalawa lang ang maaaring kahinatnan--ang makasakit tayo ng damdamin at masaktan tayo.
Heto pa. "Napasok ka na pala."
"Put..."
Dapat ganito: "Pumapasok ka na pala."
Seryosong usapan naman tayo.
"Nagbigay ng ayuda ang gobyerno, pero marami pa din ang nagrereklamo."
Pag-usapan natin ang "pa din." Marami akong naririnig na gumagamit nito. Propesyunal. Politiko. Artista. Common tao. Pero lahat sila, Pinoy. Proud Pinoy.
Mali po ang 'pa din.' Ang tama ay 'pa rin.' Heto ang tama: "Nagbigay ng ayuda ang gobyerno, pero marami pa rin ang nagrereklamo."
Mali na rin ang 'madumi.' Ang tama ay 'marumi.' Ang 'dumi' ay salitang-ugat. Nagiging 'rumi' ito kapag ang unlapi ay nagtatapos sa patinig. Halimbawa: narumihan, marurumi.
Kapag ipinilit na tama naman ang madumi, sige, itama natin, pero tunog 'tae.'
Bakit?
Ganito. "Huwag kang lalapit sa akin, madumi ako." Ang pakahulugan ko niyan ay "Huwag kang lalapit sa akin, tatae ako." Bastos pakinggan, 'di ba? Sabi ko sa 'yo, e!
So, forget about 'madumi,' gayundin ang 'madami.' Huwag ding kalimutan ang mga tamang salita na ito: maralita, maramot, marungis, maramdamin (sensitibo), mariin, at marangal.
Pero, may mga exceptions tayo.
Ang 'marikit' at ang 'madikit' ay parehong tama. Magkaiba nga lang ang kahulugan. Ang 'marikit' ay 'maganda.' Ang 'madikit' ay kakayahan ng isang bagay na matindi ang dikit.
Hindi nagiging 'marulas' ang 'madulas.' Ang Marulas ay lugar sa Bulacan. So, tama ang 'madulas.'
Narito ang iba pang mga salitang hindi na pinapalitan ang 'd' ng 'r': madilim, madamdamin (madrama), maduling, madali, at madiriin.
Move forward na tayo...
Huwag na raw gagamit ng 'tubig-baha.' Ayon ito sa panayam na nadaluhan ko. Tubig naman kasi talaga ang baha, kaya sapat na ang 'baha.'
Pero, puwedeng gamitin ang 'tubig-dagat,' tubig-ulan, 'tubig-tabang,' marami kasing klase ang tubig.
Huwag na ring lalagyan ng salitang 'kulay' ang mga talaga namang kulay. Kaya, mali ang mga ito: kulay-pula, kulay-asul, kulay-dilaw, at iba pa. Dapat pula, asul, dilaw. Ngunit maaari ang mga ito: kulay-abo, kulay-tsokolate, kulay-rosas, kulay-ube, kulay-kahel, kulay-dugo, at iba pa, kasi may mga katulad silang bagay, prutas, o pagkain.
May mga mali rin ang mga Filipino kapag nagsusulat. Sa pagsasalita, hindi ito napapansin, pero kapag encoded at naisulat na, makikita ang kamalian.
Mali ang 'nalang." Dapat 'na lang.' Halimbawa: Ako na lang ang lalabas.
Mali rin ang 'palang' kung ang ibig sabihin ay "Darating palang ang ayuda mamaya." Dapat ay 'Darating pa lang siya." Puwede rin ang 'palang,' kapag ganito ang pahayag: "Meron palang dumating na ayuda kanina." Ang 'palang' ay galing sa katagang 'pala.' Hindi po ito kagamitan sa paghukay. Ang 'pala' ay ingklitik.
Mali rin ang 'kana,' kung ang nais sabihin ay 'Nakatanggap ka na ng ayuda, kaya magpasalamat ka na lang.' Kapag 'kana' ang ginamit, nangangahulugan ito ng 'Amerikana' o babaeng taga-Amerika.
Hindi po 'tignan,' kundi 'tingnan.'
Hindi po 'buhaya,' kundi 'buwaya.'
Hindi po 'kunyari,' kundi 'kunwari.'
Madalas din tayong magkamali sa paggamit ng nang at ng; daw at raw; din at rin; may at mayroon; kung at kong; bunganga at bibig; sina at sila; at marami pang iba. (Panoorin na lang ang vlogs ko ukol sa mga ito.)
Hanggang dito na lang muna. Sana'y marami kayong natutuhan. Sana magamit ninyo ang mga ito sa pakikipag-usap at pagsusulat.
Hindi masama ang magkamali, pero hindi rin masamang itama ang mali. Mas masama kung manatili tayo sa pagkakamali. At ang pinakamasama ay ikahiya natin ang wikang Filipino, habang ipinagmamalaki ang wika ng iba.
BINABASA MO ANG
ABNKKSuLatNPLAKo
RandomMasarap ang halo-halo. Masarap din ang pagsusulat. Mas masarap namang magsulat kapag may inspirasyon. Ang pinakamasarap sa lahat ay kung hindi nega ang reader nito. Salamat!