Ang Social Anxiety Disorder (SAD) ay paulit-ulit na malaking pangamba na mahusgahan ng iba o mapahiya sa harapan ng maraming tao. Ang taong nakararanas nito ay maaaring may labis na takot, kaya umiiwas siya sa mga lugar o pangyayari na kung saan iniisip niyang makakagawa sa kaniya ng kahihiyan. Mas pinipili rin niyang manatiling tahimik sa mga sitwasyon sa lipunan upang makaiwas na gumawa siya ng atensyon.
Ang taong may SAD, kapag napapalibutan ng mga tao ay namumula, nanginginig, namamawis, nakararamdam ng pagkahilo, parang kumakabog ang dibdib, hirap sa paghinga, hirap makipag-usap sa iba kahit gustuhin niya, at marami pang iba.
Walang isang dahilan ang nagiging sanhi ng social anxiety disorder, ngunit ayon sa mga mananaliksik, may tatlong dahilan kung bakit nagkakaroon ng SAD ang isang tao.
Una, Dahilang biyolohiko. Namamana ang SAD. Sabi nga, it runs in families. Ito ay parehong genetic at environmental influences na makukuha sa pamilya. Kapag ang isang tao ay nagkaroon ng SAD, bata pa lamang siya, it's hereditary or genetics. Kapag siya naman ay nagkaroon nito nang may edad na siya, it's environmental.
Pangalawa, Dahilang sikolohikal. Kadalasang tinatamaan ng SAD ang mga taong walang kibo, perpeksyunista (perfectionist), mababa ang pagtingin sa sarili, o mahiyain (introvert). Lilinawin ko lang... Magkaiba ang introvert at SAD. (Sa susunod kong vlog iisa-isahin natin ang kanilang pagkakaiba.)
At pangatlo, Dahilan sa kapaligiran. Nabubuo ang social anxiety ng isang tao dahil sa mga karanasang negatibo sa paligid na nagdulot sa kaniya ng kahihiyan o pagmamaliit, gayundin ang iba pang mabibigat na tagpo sa buhay kagaya ng pagkasira ng relasyon at problema sa trabaho.
Madali lang matukoy ang taong may Social Anxiety Disorder (SAD).
Siya ay paulit-ulit na nangangamba sa isang sitwasyong panlipunan na pinaniniwalaan niyang mahuhusgahan siya ng kaniyang kapwa, mapapahiya o makararamdam siya ng panliliit sa sarili. Ang mga halimbawa nito ay pagsasalita sa isang forum, paglabas kasama ang mga kaibigan, pakikipag-usap sa mga taong may kapangyarihan, o pagdalo sa mga party.
Siya ay umiiwas sa mga nakababalisang sitwasyon sa lipunan. Kung hindi man niya maiwasan, nanatili siyang tahimik upang hindi siya mapansin.
Siya ay palaging balisa sa mga partikular na sitwasyon. Ang mga kinikilos niya ay hindi na makatwiran at wala na sa ayos.
Siya ay apektado na sa sobra niyang pag-iwas o pagkabahala sa mga tao. Nakaaapekto na iyon sa kaniyang pang-araw-araw na pamumuhay, trabaho, at buhay-panlipunan. At kadalasang nagdudulot pa ng malalang pagdurusa.
Nalulunasan naman ang Social Anxiety Disorder. May tatlong paraan upang magamot ito. At siyempre, tanging ang mga espesyalista ang may higit na kaalaman sa mga uri ng lunas na ito.
Una, ang medikasyon. Kapag malala na ang sintomas ng kaniyang SAD, kailangan na siyang resetahan ng doktor ng mga gamot na magpapakalma sa kaniya. At siyempre, pansamantala lamang ang epekto ng mga iyon.
Pangalawa, ang psychotherapy o terapi sa pag-iisip. Ang cognitive-behavioral therapy (CBT) ay isang mabisang lunas sa social anxiety disorder, na nakadisenyo upang tulungan ang pasyente na maisaayos ang kaniyang mali at irasyunal na pag-iisip na nagpapalala ng pagkabalisa. Tutulungan din siya nito na harapin ang nakababalisang mga bagay o sitwasyon nang hinay-hinay upang mabawasan ang pagkabalisa niya at mapalawak ang lugar na kanyang ginagalawan at mawala ang takot niya sa pagharap sa mga tao.
At pangatlo, ang pagtuturo ng mga kasanayang sosyal at mga ehersisyo sa pag-relax (social skills and relaxation exercises). Dapat niyang tanggapin ang lahat ng mga pagtuturo at pagpupuna ng kaniyang kapwa. Dapat niyang obserbahan ang mga kapwang may normal na kilos. Dapat makilala niya ang mga indibidwal na may social anxiety disorder na napabuti at napataas ang kanilang kumpiyansa sa sarili. At dapat din siyang matuto ng mga teknik sa pag-relax upang makatulong sa pagbawas ng kaniyang pagkabalisa.
Dapat din niyang tulungan ang sarili para sa mabilis na paggaling. Dapat aktibo siyang magpagamot at makilahok sa proseso ng gamutan. Dapat panatilihin niya ang isang malusog na pamumuhay, gaya ng pagkain ng masusustansya at balanseng pagkain, pag-eehersisyo nang regular at nang katamtaman lamang, at regular na paggawa ng mga makahulugan at nakalilibang na gawain. Dapat mataas ang pagnanais niyang magtagumpay laban sa social anxiety sa pamamagitan ng matapang na pagharap sa mga kahirapan ng proseso ng gamutan.
Ang suporta ng mga kaibigan, kamag-anak, at pamilya ay mabisa ring pantulong para sa paglulunas ng social anxiety disorder. Ang kanilang pag-unawa at gabay sa pasyente ay kailangang-kailangan.
Kaya, sa mga may SAD, don't be sad. Ito ay nalulunasan at nagagamot. Magtiwala lang sa bisa ng mga gamot, sa kakayahan ng mga doktor, at sa kapangyarihan ng Diyos.
BINABASA MO ANG
ABNKKSuLatNPLAKo
RandomMasarap ang halo-halo. Masarap din ang pagsusulat. Mas masarap namang magsulat kapag may inspirasyon. Ang pinakamasarap sa lahat ay kung hindi nega ang reader nito. Salamat!