Climate Change sa Pilipinas

12 1 0
                                    

Ayon sa Global Peace Index 2019, ang Pilipinas ang pinakamalapit sa mga panganib na dulot ng climate change. Napag-aralan ng mga eksperto na ang 47% ng populasyon ng ating bansa ay nasa mataas na bahagdan ng panganib sa kalamidad gaya ng lindol, tsunami, baha, bagyo, at tagtuyot, at iba pa.

Nahaharap ngayon sa nakakaalaramang kalagayan ang Pilipinas dahil sa patuloy na pagbabago ng klima. Isa sa tinuturong dahilan nito ay ang lokasyon ng bansa sa mapa. Matatagpuan ang Pilipinas sa Southeast Asia Pacific, kaya sadyang mahina ito sa mga epekto ng climate change.

Kapansin-pansin ang madalas at malubhang pagtama ng mga kalamidad at pabago-bagong taas ng sea level. Ang matinding pag-ulan ay senyales din nito, kaya madalas mauwi sa matinding baha at landslide. Kapag tag-init naman, malala ang init na nararanasan ng tao. Nauuwi rin ito sa El Niño phenomenon. May mga naitatalang kaso na rin sa ibang lugar sa Pilipinas ang pag-ulan ng yelo o hailstorm, na hindi ordinaryong pangyayari. Dahil sa mga ito, bumababa ang pinagkukunan natin ng mga raw materials at resources. Nasisira na rin ang ating kapaligiran.

Kung magpapatuloy ang mabilis na pagbabago ng klima, higit na maaapektuhan ang agrikultura, katubigan, imprastraktura, kalusugan ng tao, at mga ekosistema sa baybayin ng Pilipinas. Ang mga ito magiging ugat upang mahirapan ang mamamayan sa pagkakaroon ng maunlad na ekonomiya at lipunan. Kaya naman, binalangkas ng Climate Change Commission ang National Climate Change Action Plan (NCCAP) 2011-2028. Ito at batay sa teknikal na pagsusuri at konsultasyon sa mga ahaensiya ng gobyerno at sa iba pang sektor ng pamayanan. Nais nitong matiyak na magkaroon bawat Pilipino ng sapat na suplay ng pagkain at tubig, at enerhiya, katatagan ng ekolohiya at kapaligiran, seguridad ng tao, malagong industriya, at pag-unlad ng kaalaman at kapasidad ng mga tao ukol sa climate change.

Kasalukuyan at patuloy na kumikilos ang naturang komisyon tungo sa maayos na sistema sa pagsasakilos ng mga plano sa klima. Sa tulong ng pinagsama-samang agham at teknolohiya, gayundin ang sistematikong pangangalap ng mga datos tungkol sa mga kalamidad, magiging matagumpay ang pagbabawas ng epekto ng climate change. Marami na ring non-government organizations (NGO) ang nakikiisa sa adbokasiyang ito.

Ang bawat Pilipino ay may mahalagang papel din na gagampanan sa suliraning ito. Hindi man mapipigilan ang climate change, maiibsan naman ang epekto nito sa sangkatauhan at kapaligiran, kung makikiisa sa pagsasalba sa kalikasan. Kung iiwasan ang pagdagdag ng polusyon sa hangin, tubig, at lupa, hindi malabong ang Pilipinas ay maging isang bansang pinakaligtas tirhan. 

ABNKKSuLatNPLAKoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon