Sa panahon ngayon, matalinong pamimili ang kailangan sa tradisyonal na pamimili man o online shopping. Ang wastong pagkilatis sa mga serbisyo at produkto ay dapat na isaalang-alang ng konsyumer. Sa paglago ng teknolohiya, hindi na rin ligtas sa iba't ibang klase ng pandaraya at panloloko ang bawat mamimili. Ang malawak na kaalaman at matinding pag-iingat ang susi sa pagiging matalinong mamimili sa makabagong panahon.
Paano nga ba maging matalinong mamimili? Narito ang mga paraan:
Maging mapanuri sa mga bibilhing produkto. Magtanong, magbasa, at mag-obserba muna kung ito ba ay nakabubuti, ligtas, may kalidad, at may tamang presyo o halaga. Ang mapanuring mamimili ay sinusuri muna ang timbang, presyo, sukat, sangkap, at pagkakagawa. Ang pagbabasa sa label ng produkto ay makatutulong din, gayundin ang paghahambing nito sa ibang produkto.
Maging mapamaraan sa pagbili ng produkto. May mga pagkakataong nauubusan ng stocks ang tindahan, groseri o supermarket. Dahilan ito upang pumili tayo ng hindi nakasanayang brand ng produkto. Kapag ganito, ang pagiging mapamaraan ay kakailanganin. Pumili ng produktong makatutugon sa mga pangangailangan. Isaalang-alang muli ang mga bagay na nabanggit sa unahan.
Huwag magpadaya. Alerto, handa, mapagmasid ang matalinong mamimili. Marami ang manloloko sa panahon ngayon. Nadadaya na ang timbang, sangkap, at kalidad ng produkto. Hindi lang sa pagsusukli, nadadaya ang mga mamimili. Marami na rin ang naglilipanang produktong peke, imitasyon, at hindi pumasa sa quality control.
Maging makatuwiran. Iwasan ang pagbili ng mga produktong imported, mahal, o branded. Piliin ang mga produktong gawang-Pinoy, pero mura at may kalidad. Hindi makatuwiran ang pamimili ng mga produkto, na ayon lamang sa maluhong pamumuhay. Marami namang produkto ang ligtas, maganda, masarap, o de-kalidad kahit mura lamang. Isaalang-alang din ang tibay ng produkto. Tagagal ba ito o bibigay agad? Gayundin naman ang health benefits. Mas piliin ang masustansiya kasya sa masarap lang.
Isaalang-alang ang badyet. Bumili ayon sa antas ng kabuhayan at kakayahan. Huwag bumili ng produkto dahil lamang sa ito ay popular, trending, o viral. Bilhin ang produkto dahil ito ay swak sa badyet at pasok sa listahan ng basic needs ng pamilya. Ang matalinong mamimili ay hindi nagpapadaig sa ganda ng advertising campaign ng produkto. Matalino ang mamimili kung kaya niyang bumili ng maraming produkto sa kakarampot na pera.
Huwag mag-panic buying. Napakaraming supplier at manufacturer ng mga produkto. Hindi tayo mauubusan. Mag-imbak ng mga kailangang produkto sa bahay batay sa pang-isang linggong pangangailangan. Maiiwasan nito ang pagkasira, pagkabulok, o pag-expire ng mga produkto. Hoarding naman ang tawag sa pamimili at pagtatago ng mga produkto, na may intensiyong ibenta ito sa napakamahal na halaga. Pakiusap huwag itong gawin dahil gawain ito ng masama at hindi matalinong nilalang. Hindi ito ang sagot sa kakulangan sa suplay, bagkus isang hadlang tungo sa maayos na consumerism sa bansa.
Huwag agad maniwala sa mga advertisement. Hindi lahat ng maganda sa paningin, pandinig, panlasa, at pandama ay nararapat bilhin. Kilatisin muna nang mabuti ang mga bibilhing produkto. Kung nais sumubok, bumili lamang ng pinakamaliit o pinakamura upang maiwasan ang pag-aaksaya. Saka na lamang bumili nang marami kung nagustuhan ito o talagang mabisa, maganda, o masarap. At huwag na huwag magpabulag sa pag-iindorso ng artista o commercial model. Dinggin ang sinasabi ng isip at puso.
Suriin ang mga reviews. Kung online shopping. Makatutulong ang pagbabasa sa mga pagsusuri at komento ang mga kustomer. Sila ang nakabili na, kaya mayroon silang sasabihin tungkol sa produkto, subalit kailangang maging mapanuri pa rin dahil maaaring ang magagandang product reviews ay mula rin mismo sa mga tauhan o kamag-anak ng kompanya.
Hayan! Wala nang dahilan upang madaya pa sa pamimili. Maraming rason kung bakit kailangang at maraming paraan kung paano maging matalinong mamimili.
Sa panahon ngayon, kailangang pagbutihin ang pamimili. Sabi nga, bawat sentimo ay mahalaga, kaya kilatisin ang produktong bibilhin.
BINABASA MO ANG
ABNKKSuLatNPLAKo
RandomMasarap ang halo-halo. Masarap din ang pagsusulat. Mas masarap namang magsulat kapag may inspirasyon. Ang pinakamasarap sa lahat ay kung hindi nega ang reader nito. Salamat!