Date: March 13, 2015Penname: Xerun Salmirro
1. Introduce/describe yourself…
Isang misteryosong tao noon na tanging mga mata lamang ang ipinapakita sa online world. Subalit napilitang magpakita nang mailathala ang libro niyang I Know Who Killed Me.
Paborito ang numerong TRESE dahil hindi naniniwalang MALAS ito. Kaya halos lahat ng kwento niya ay may LABINTATLONG KABANATA lang.
Makulit, maingay at pasaway online pero kabaligtaran sa totoong buhay.
2. When did you start writing?
Nagsimula akong magsulat sa edad na labing-walo sapagkat nagkaroon ako ng inspirasyon sa pagsusulat nang mabasa ang isang kwento noon sa Multiply website.
3. Nakakapagod pala mag-English. Kaya… saang tadyang mo hinugot ang penname mo? Ano ang problema mo?
XERUN - mula sa pangalan ng kaklase ko noong HS na Czeron. Napagtripan kong gawing unique kaya naging XERUN. Mahilig din kasi ako sa pangalangan nagsisimula sa letrang X.
SALMIRRO - mula sa dalawang salita. SAL (salamin) at MIRRO (mirror). Natutuwa ako kapag nakakakita ako ng mga kambal kaya halos lahat ng kwentong isinulat ko ay may kambal na mga tauhan. Ihinahalintulad ko ito sa pagkakaroon ng repleksyon sa isang salamin.
4. Ano ang naramdaman mo noong kinontak ka ng LIB o noong nalaman mong na-approve ang story mo? Alam kong masaya, pero ano ang kuwento?
Nagulantang ako! Haha!
Si Miss Anj ng Booklat ang nag-email sa akin para sabihin ang good news. Hindi ko nga akalaing ang IKWKM ang maa-approved mula sa tatlong kwento ko na under evaluation. Hindi naman sa wala akong tiwala sa IKWKM pero nagulat talaga ko dahil halos 5 taon din itong natengga sa baul.
Sa pagkakatanda ko ay hindi agad ako nag-post sa FB para sabihin STBP na ang IKWKM dahil naisip kong gulatin na lang ang mga mambabasa ko.
5. Sino ang nagtulak, nanadyak, bumugaw sa 'yo na magsulat? Sino ang mga inspirasyon mo sa pagsusulat?
Ibinugaw ko ang sarili ko. Haha! Naisip ko lang magsulat dahil sa mga kwentong nabasa ko noon. Sinubukan ko lang na gumawa ng sarili kong bersyon katapusan ng mga kwentong iyon. Hanggang sa naitali ko na ang sarili ko sa pagsusulat.
Si Bob Ong ang isa sa mga naging inspirasyon ko sa pagsusulat dahil nagustuhan ang kanyang mga libro. Kaya may mga koleksyon ako ng mga kanyang libro.
Siyempre, hindi ko maipapatuloy ang pagsusulat kung wala ang mga mambabasa na isa rin sa mga inspirasyon ko.
6. Ano ang routine mo o writing process mo o ritwal mo bago magsulat? Paki-describe, briefly.
Wala. Basta isinusulat ko na agad sa kahit anong uri ng papel ang mga eksenang naiisip ko. Nang sa gayon ay mapagbasehan ko kapag nakaharap na ako sa laptop.
7. Paano mo tini-take ang mga negative comments/feedbacks sa mga story mo—kung meron man? (Sumagot ng nobela, at least 10 chapters. Joke lang.)
Hindi naman maiiwasan 'yon kaya seenzone na lang. Ang mahalaga ay alam ko na kung ano ang maling napansin nila. Ipagpapasalamat ko pa nga 'yon. Haha!
8. Bukod sa pagiging writer, ano pa ang isa mga pangarap mo?
Wala akong pangarap noon.
Pero napapaisip ako kung paano kung naging abogado ako? Doktor o Architect? Mga ganyang pagmumuni-muni lang. Haha!
9. Meron ka bang paboriting libro na minsan ay naisip mong ikaw na lang ang nagsulat? Ano 'yon at bakit?
Wala pa naman.
Ang paborito kong mga libro ay ang mga isinulat ni Bob Ong pero hindi naman sumagi sa isip ko na sana ako na lang ang sumulat. Dabest na ang mga 'yon para sa akin.
10. Sino ang mga hinahangaan mong Filipino writers? At ano ang impluwensiya nila sa pagsusulat mo ngayon?
- Si Bob Ong ang naging inspirasyon upang mapukaw ang isipan ko tungkol sa literatura kaya minsan ay sinusubukan kong sumunod sa yakap niya. Haha!
11. Saan ka kumukuha ng mga inspirasyon sa mga plot mo? (Hindi ko ito ipagkakalat, pramis.)
Nakakaisip ako ng plot kapag naaalala ko ang mga kwentong nabasa ko o mga palabas o pelikulang napanood ko. Ang tanging ginagawa ko lamang ay umiisip ako ng kakaibang mga twist at pagtatagni-tagniin ko sa iisang kwento.
12. Titles of your published and to be published book…
PUBLISHED:
* I Know Who Killed Me
STBP:
* Plagiarizer Book 1
* Plagiarizer Book 2
* Trese (as part of Kwentong Barubal Compilation)
13. Ano ang side mo doon sa mga nagsasabing dahil sa wattpad ay marami na ang nabubuntis at nag-aasawa ng maaga?
Gaya ng sinabi ni MS3, puwede nila akong gawing ninong. Haha!
Walang kasalanan ang Wattpad o kahit sinong author o kahit anong kwentong bahagi nito. Nasa tao pa rin ang desisyon kung gusto niyang maging mapusok o lumandi ng maaga.
14. If you will be given a chance (alam kong may chance naman talaga) to step out from your comfort zone, anong klaseng istorya ang isusulat mo?
Isang science fiction o isang erotic-mystery.
15. Payo mo sa mga aspiring writers?
Ipagtuloy n'yo lamang ang pagsusulat kahit sa palagay n'yo ay kaunti lamang o minsan ay wala pang nagbabasa sa kwento mo. Sa pamamagitan nito ay unti-unti n'yong matututunan ang mga kailangan mong malaman sa larangan ng pagsusulat. Marami rin kayong makikilalang posibleng makatulong sa inyo.
![](https://img.wattpad.com/cover/34636280-288-k973953.jpg)
BINABASA MO ANG
Interview With The LIB Writers
RandomKilalanin ang inyong mga paboritong LIB Writers. ^^