HYDRANGEA

246 18 59
                                    


Laarni

Hydrangea represents unending singledom. Never put a hydrangea by the entrance; otherwise, your daughters WON'T get married.

Napahawak ako sa dibdib ko. Hindi na nakalagay sa basket ang bulaklak kundi nakatanim na ito sa paso.

Jusko.

Mabilis kong isinara ang pintuan. Hawak ko ang card, pero ramdam ko ang panginginig ng aking mga kamay.

Tumakbo ako papunta sa kuwarto at kinuha ang aking cellphone. Pinanood ko ang CCTV footage.

"Bakit gano'n?"

May isang bata na nakasuot ng itim na jacket ang nag-iwan ng paso na may bulaklak sa bungad ng pintuan ng apartment ko.

Sigurado akong bata ito dahil maliit lamang siya at ganoon din ang pangangatawan. Siguro ay isang batang lalaki. Nakasuot ng blue jersey shorts at tsinelas. May itim na facemask sa kanyang bibig.

Sa isang kuha naman ay nakita kong umakyat ang bata sa gate. May kasama ito na nag-abot ng paso sa kaniya mula sa gilid ng bakod.

Kaya pala hindi ko narinig ang pagbukas ng gate ay dahil inakyat ito ng bata. Mababa lang kasi ito at walang poste ng ilaw kaya hindi rin makikita ng kapit bahay kung may aakyat.

Sino ito? Sino sila?

Noong Sabado ay isang bata rin ang nag-iwan ng Petunia flowers sa gate. Pareho ang suot at hindi makita kung sino.

Martes ngayon at pakiramdam ko ay nakakatakot na ang bawat araw. Matinding kaba ang nararamdaman ko at sa tingin ko ay kinakain na ako ng takot ko.

Ano ba ang dapat kong gawin?

***

"Tapos ko na itong sauce, Laarni."

"Laarni?"

"Laarni?"

Napalingon ako kay Larry. "Ha?"

Ilang beses nag-blink ang mga mata niya. "Kanina ka pa tulala. Malapit na ang lunch time."

Hawak ko ang kutsilyo sa aking kanang kamay, samantalang hindi ko pa nahahati ang manok na iluluto. Lumapit siya sa akin. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala. Hinawakan niya ang noo ko.

"Okay ka lang ba? May sakit ka ba? Ako na lang dito." Kukunin na sana niya ang kutsilyo sa kamay ko, pero inusog ko palapit sa 'kin ang kamay ko.

"O-okay lang a-ako."

Napayuko ako at napatingin sa hahatiin kong manok.

"Oh my god!"

Puno ito ng dugo! Nabitiwan ko ang kutsilyo at bumagsak sa sahig.

Bigla kong naitapon ang manok kaya tumama ito sa damit ni Larry. Dahan-dahang siyang napanganga kasabay ng pagbilog ng mga mata niya.

"Bakit? Bakit mo ito tinapon?"

Yumuko siya at pinulot ang manok sa sahig. Inilagay niya ito sa palanggana at kumuha ng basahan para punasan ang sahig.

BLOOMTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon