ORCHIDS

137 13 53
                                    


"Kumusta si Leo?"

"Heto, gano'n pa rin," bakas ang lungkot sa boses ni Linda.

Pinupunasan ni Linda ng bimpo ang braso ng kanyang tulalang asawa. Naiiyak naman si Rondeletia, ngunit pinipigilan niya ang maglabas ng luha. Isang buwan na ang lumipas mula nang iuwi ng Philippine Army si Leo.

Ang akala ni Linda ay sa Fort Andres Bonifacio, Manila nadestino si Leo. Hindi gustong mag-alala ni Leo si Linda kaya itinago niya na ipinadala siya sa Zamboanga del Sur upang mapabilang sa Impanteriya. Nagkaroon ng rescue operation ang hukbo laban sa mga terorista, ngunit sa kasamaang palad ay napuruhan siya ng bala sa ulo. Nakaligtas siya, ngunit nagkaroon ng malubhang pinsala sa utak na dahilan ng kaniyang pagkaparalisado. Siya ay may malay, ngunit hindi siya makapagsalita at hindi makagalaw.

Hindi sinabi ni Linda kay Landon ang tunay na nangyari sa tatay niya dahil alam niyang hindi pa ito maiintindihan ni Landon. Ang sabi lang ni Linda ay nadisgrasya lamang si Leo, ngunit lingid sa kaalaman ni Linda ay matanda na kung mag-isip si Landon. Madalas siyang nakikinig sa usapan nina Linda at Rondeletia kaya nalaman niya ang totoo. Alam na rin niya ang tungkol sa lihim na pagtingin ni Rondeletia sa kaniyang tatay, ngunit ang lahat ng ito ay nakatago lamang sa kaniyang puso.

Luhaang lumabas sa silid si Rondeletia dahil hindi niya kinayang makita sa ganoong kalagayan ang lalaking pinakamamahal niya. Ilang beses na siyang dumalaw, pero hindi pa rin niya maiwasang mapaluha.

Napasandal siya sa malamig na pader 'tsaka inangat ang kanyang kamay at tiningnan ang dala niyang puting orchids para kay Leo. Mainam ito na ibigay sa mga taong may sakit, ngunit sa mga oras na ito ay siya ang nangangailangan ng mga bulaklak dahil sa matinding sakit na nararamdaman ng puso niya.

Muli siyang lumuha habang nakatitig sa kanya mula sa kabilang pader ang batang si . . . Landon.

***

Laarni

"Good evening, sir."

Magalang na bumati si Larry kay Kiefer. Narito kaming lahat ngayon sa ospital. Dahil hindi puwedeng sabay-sabay kaming pumasok sa kuwarto ni Tito Maximo, naiwan sa labas sina Nina at Billy. Nauna nang dumalaw ang ibang chef at ibang staff ng restaurant. Hindi kasi p'wedeng lahat kami ay sabay-sabay na dadalaw. Malalim na ang gabi dahil katatapos ng trabaho namin sa restaurant. Nakapagtataka pero na hindi pa dumadalaw si Sir Colton. May kumakalat na tsismis ayon kina Larry at Amber na may kinababaliwan daw itong babae kaya pinipili niyang makasama 'yon dahil limited lang ang oras ng mga day-off namin.

"Good evening too."

Maaliwalas ang mukha ni Tito Maximo na nakahiga sa kama. Kumikirot pa rin ang dibdib ko dahil hindi pa rin siya nagigising hanggang ngayon. Tatlong araw na ang dumaan, pero wala pa ring pagbabago sa sitwasyon niya.

Dumating si Mr. Villanueva kanina. Dala ng body guard niya ang maraming prutas para kay Tito Maximo. Bumati lang ako sa kanya, pero tipid lang ang ngiti niya. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala.

Marami na ring mga dumalaw sabi ni Kiefer. Likas na mabait at humble si Tito kaya hindi na nakapagtataka na maraming nag-aalala sa kanya.

Naagaw ang aking atensyon ng puting bulaklak na nasa side table. Sa tingin ko ay orchids ito.

Hindi ko hilig ang mga bulaklak, pero may parte sa puso ko na natutuwa kapag nakakakita ako, maliban na lang no'ng may nagpapadala sa 'kin. Masaya rin ako sa tuwing binibigyan ako ni Kiefer noon. Ayaw ko man sa mga bulaklak ay unti-unting nagbago 'yon no'ng binigyan ako ni Lotus. Inipit ko sa libro ang una niyang binigay sa 'kin na bulaklak. D-in-i-splay ko rin ang bigay niyang rose in a dome sa open cabinet na nasa tapat ng kama ko. Maayos naman ang pakiramdam ko kapag espesyal na mga tao ang nagbibigay sa 'kin. Naiinis tuloy ako sa mga nag-iiwan ng mga bulaklak sa pintuan ko dahil nababago ang pananaw ko sa mga bulaklak.

BLOOMTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon