ASTER

138 13 46
                                    


"Kailan mo bubuksan ang karinderya?"

Napatingin si Linda kay Rondeletia. Walang buhay ang kanyang mga mata. "Hindi ko pa alam, Rondeletia. Hindi pa ako handa."

Napangiti si Rondeletia dahil hanggang ngayon ay wala sa tamang huwisyo ang kaibigan.

"Dinalhan pala kita ng bulaklak." Inabot niya ang tatlong bulaklak na nakatali sa pulang laso.

Napangiti nang kaunti si Linda. "Napapadalas na yata ang pagbibigay mo sa akin ng bulaklak?"

"Bakit ayaw mo ba?" Nagkunwaring napayuko at nalungkot si Rondeletia.

"Hindi naman sa gano'n. Naaabala pa kasi kita."

Napangiti si Rondeletia, isang ngiting mapanlinlang at punong-puno ng poot. "Ayaw na kasi kitang makitang malungkot."

Ngumiti si Linda at mabagal na tumango. "Salamat. Ano pala ang bulaklak na ito?"

Muli niya itong inamoy at pasikretong napangiti si Rondeletia dahil sa mga inhalants na inilagay niya sa bulaklak.

"Aster."

"Pare-parehas yata ang amoy ng mga bulaklak na binibigay mo?"

"Hindi naman. Baka nagkataon lang."

"Aster pala ang bulaklak na ito." Muling inamoy ni Linda ang mga bulaklak.

"Alam mo ba, sinasabing mga luha 'yan ni Greek goddess, Astraea. Nang makita raw niya na kaunti na lang ang mga bituin sa madilim na kalangitan, nagsimula siyang umiyak, tumulo ang kanyang mga hugis bituin na mga luha sa lupa na naging mga bulaklak, kaya ang ibig sabihin ng Aster ay star."

Lumawak ang ngiti sa labi ni Linda, ngunit kahit isang daang ngiti ay hindi sapat para umabot ang saya sa puso niya. Madalas niyang naaalala si Leo, pero dahil kay Rondeletia ay gumagaan ang kanyang puso. "Mahilig ka talaga sa Greek Mythology."

Muling napangiti si Rondeletia. "Amuyin mo na ulit."

Muli itong inamoy ni Linda at gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Rondeletia. Nakatingin lamang sa kanila ang batang si . . .

. . . Landon.

***

Laarni

"Ang ganda ng mga bituin."

"Yeah. They are beautiful."

Nakatitig lamang kami ni Lotus sa madilim na kalangitan. Ang sarap ng hangin dito sa bungad ng dagat. Kami lamang ang nandito dahil nasa hotel na si Kiefer. Bukas pa kami ng madaling araw babalik sa Pampanga.

"Alam mo ba, may nabasa ako noon sa isang libro tungkol sa mga paniniwala ng mga Karanga People." Nakatingin lamang siya sa akin at taimtim na nakikinig.

"Ang mga bituin daw ay ang mga mata ng mga namatay na tao. Kapag tumitingin ako sa langit, pakiramdam ko ay nakatingin sa akin ang mga magulang ko."

Nakatingin lang siya sa 'kin, habang hawak niya ang kanang kamay ko. Hindi na namin pinag-usapan ang tungkol sa araw na nadatnan niyang hawak ni Kiefer ang palad ko. "Sigurado ka bang patay na sila."

"Hindi . . . pero kung buhay pa sila ay tumawag na sana sila sa orphanage. Matagal akong naghintay, pero walang naghanap sa 'kin."

Niyakap ng aking palad ang sa kanya. "Malay mo, hinahanap ka nila, pero hindi nila alam kung nasa'n ka."

Napayuko ang aking ulo. "Hindi na ako umaasa—ayoko nang umasa at maghintay sa wala."

BLOOMTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon