PLUMERIA

127 13 65
                                    


"Bakit hindi gumagalaw si Tito?"

"May sakit siya."

Tinitigan ni Rose ang tulalang si Leo. Nagluluto si Linda dahil mayroon silang kainan sa harapan ng bahay. Dati rati ay dinudumog ang kanyang kainan dahil sa mga masasarap na luto niya, ngunit nang iuwi si Leo ay hindi na masyadong masarap ang kanyang mga niluluto kaya kumaunti na ang mga taong pumupunta. Ang tatlong bata naman ay nasa silid ni Leo. Naglalaro sa sahig si Lily, samantalang nakaupo sa tabi ni Leo sina Rose at Landon.

"Bakit hindi siya ginagamot?"

Hinaplos ni Landon ang ulo ni Rose. "Malala ang sakit niya, hindi kaya ng gamot."

Malungkot na napatitig si Rose sa tatay ni Landon. Matinding awa ang nararamdaman niya. Kahit hindi niya naranasan magkaroon ng ama at hindi sila malapit ni Leo, kaibigan niya si Landon at mabait sa kanya si Linda kaya nakaramdam din siya ng kirot sa kanyang puso.

Nakatitig lamang sa kanya si Landon.

Hinawakan ni Landon ang kanyang mga kamay.

"Gagaling din si Papa at makakayanan niya ang lahat ng 'to."

Ngumiti si Rose at tumango.

Nakasilip lamang si Linda sa kanila at muling namuo ang mga luha sa kanyang mga mata. Sumandal siya sa pader at hindi na niya alam kung kaya pa niyang dalhin ang mabigat na damdamin.

***

Laarni

"Sir, walang ibang nakitang fingerprints doon sa bulaklak ng Anthurium, basket at mga cards, maliban na lang sa finger prints ng mga bata na nagdadala sa pintuan ni Ms. Cueva."

Nakikinig lamang kami ni Lotus sa private investigator na binabayaran ni Lotus para alamin ang taong nagbibigay ng bulaklak. Matangkad at malaki ang pangangatawan nito.

"Posibleng may nag-uutos sa mga bata dahil na rin sa mga nakasulat sa cards. Mukhang may malaking galit ang taong nasa likod nito dahil na rin sa kanyang mga ipinapahiwatig. Isang linggo na kaming nagtatanong-tanong at pabalik-balik sa lugar na ito, pero wala sa mga street children ang tatlong batang hinahanap namin. Ibig sabihin ay hindi talaga sila mga street children. Wala ring ideya ang mga batang nakausap ko tungkol sa mga bulaklak."

"That's so strange," sambit ni Lotus.

"Base naman sa sketch ng bata na nakikita ni Ms. Cueva, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nahahanap ng mga pulis. Balitaan ko na lang ulit po kayo."

"Thank you, Mr. Delos Reyes."

Hinawakan ni Lotus ang aking kamay. Mas lalo akong natatakot ngayon dahil mayroon talagang taong gustong paglaruan ako.

Paano na lang kung saktan niya ako?

***

"Nahingian na namin ng panayam ang florist ng nag-iisang flower shop dito sa bayan, ma'am."

Narito kami ni Lotus sa police station, umaasang makakakuha kami ng kasagutan.

"Batay sa listahan ng mga natanggap ninyong mga bulaklak, ang iba ay wala sa flower shop. Tiningnan namin ang listahan nila at walang tao ang nag-o-order ng ilang beses sa isang linggo. May mga cards din sila pero wala 'yong style na parang binibigay sa 'yo, ma'am. Printed din ang nakalagay sa card kaya hindi matukoy kung saan ito galing. Ilang araw na rin kaming nagpapatrolya, pero nagtatago ang mga street children dahil na rin sa takot na baka huliin namin sila at dalhin sa DSWD."

BLOOMTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon