CHAMOMILE

131 15 69
                                    

"Inumin mo ito."

Napatingin si Rose sa tasa na may lamang tsaa. Hindi niya alam kung ano ang tawag sa mga puting talulot na lumulutang sa tubig.

"Ano po ito, Mama?"

"Chamomile tea. Inumin mo 'yan para hindi ka na mahihirapan... hindi ka na masasaktan."

Natatakot si Rose na inumin ang tsaa. Mula nang makita niya na may pinapainom ang kanyang ina kay Linda ay unti-unting binabasag ng isang tanong ang tiwala niya sa ina. 'Mabait ba si Mama?'

Hindi niya maiwasang maikumpara si Linda sa kanyang ina. Mabait si Linda kay Rose at itinuring na niya itong parang tunay na anak.

Sa kabila ng lahat ng hindi magandang pakikitungo ng kanyang ina sa kanya ay mahal na mahal pa rin niya ito.

"Iinumin mo ba o hindi? Gusto mo bang magalit ako sa 'yo?"

"H-hindi p-po."

Hinawakan ni Rose ang tasa. Wala na sa katinuan si Rondeletia. Hindi lang tsaa ng chamomile ang nakalagay sa tasa. Tulad ng ginawa niya kay Linda ay handa na siyang mawala ang anak.

Dahan-dahang inilapit ni Rose ang tasa sa kanyang bibig. Natatakot siya dahil may iba siyang nararamdaman sa pinapainom sa kanya, pero hindi niya mawari kung ano.

Sumilay ang ngiti sa labi ni Rondeletia kasabay ng pagpatak ng kanyang mga luha.

'Paalam . . . anak.'

***

Laarni

"Hindi dapat basa ang mga gulay na ilalagay sa frying pan na may mainit na mantika. Bukod sa tatalsik ang tubig sa iba't ibang parte ng kalan kapag nahalo sa langis, nagiging masa-masa ang ating stir-fry kaysa gawin itong malutong. Tandaan natin na kailangan nating hugasan ang mga gulay, pero hayaan muna natin itong matuyo sa strainer bago natin ito ilagay sa pan."

"Okay po, chef," sabay-sabay na pagkasabi ng mga bagong kitchen staffs. Hinayaan ko na silang magluto ng stir-fry vegetables. Ako muna ang inutusan ni Sir Colton na mag-train sa kanila.

Lumapit ako kay Larry na abala sa pag-i-inventory ng mga nabiling goods. Napatingin siya sa 'kin at muling bumalik sa ginagawa niya, pero tumingin ulit siya sa 'kin.

"Puyat ka na naman yata?"

Ibinaba niya ang listahan na hawak niya at napatingin sa akin.

"Oo, may insomia na yata ako." Ilang gabi ko na ring iniisip sina Kiefer at ang kanyang mga magulang. Pakiramdam ko ay madalas na akong nag-o-overthink.

Masyado na yata akong affected. Sabay-sabay na ang mga iniisip ko at parang ayaw man lang magbura ng utak ko.

Lumapit sa amin si Billy at napasandal sa counter. Katatapos niyang magluto at mukhang narinig niya ang sinabi ko. "Baka hindi ka pinapatulog ni Sir Lotus. Gising na gising ka sa isip niya."

Napabuka ang bibig ko at lumabas ang munting tawa. Ang lalim ng boses niya na parang nanggagaling sa ilalim ng balon. "Kailan ka pa natutong magbiro?"

Napangisi siya at tinapik ako sa braso. Mahina lang ito, pero ramdam ko ang kalakihan ng kamay niya. "Hindi naman ako nagbibiro."

"Kuya!"

Napatingin kaming lahat sa pintuan. Nakatayo si Nina habang hinahabol ang kanyang paghinga. Nanlaki ang mga mata niya nang mapatingin sa akin.

BLOOMTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon