DAFFODIL

150 14 68
                                    


"Sino ba ang ama ni Rose?"

Hindi na mabilang ni Linda kung ilang beses na niya itong tinanong kay Rondeletia. Abala naman si Rondeletia habang binubuo ang tungkos ng bulaklak na in-order sa kanya kahapon.

"Hindi ko kilala."

Namutla ang mukha ni Linda. Napatingin siya kay Rose na abalang nakikipaglaro kay Landon.

"Puwede ba 'yon? Bakit hindi mo kilala?" Hindi maaaring lakasan ni Linda ang kanyang boses dahil mahimbing na natutulog sa kanyang bisig ang bunsong anak na si Lily.

Ilang taon na ang dumaan, pero hindi pa rin siya makapaniwala na nanganak ang kaniyang kaibigan. Napansin din niyang hindi na nagiging maganda ang pakikitungo nito sa kanya, ngunit dala ng awa at pagpapahalaga niya sa kanilang pinagsamahan ay hindi niya kayang layuan ang kaibigan. Iniisip na lamang niya na nagbago si Rondeletia dahil itinataguyod niya nang mag-isa ang pag-aalaga sa anak.

Napatigil naman sa kanyang ginagawa si Rondeletia at napatitig sa mga bulaklak ng Daffodil. Maihahambing ang ibig sabihin ng bulaklak na ito sa kaniyang damdamin.

Sumisimbolo ang bulaklak na ito sa pag-ibig na hindi masusuklian.

Humigpit ang pagkakahawak niya sa mga tangkay ng bulaklak na halos mabali na habang naiisip niya ang sakit ng damdamin na gusto niyang kalimutan. Naalala niya ang kaniyang ginawa upang makalimutan pansamantala ang sakit na nararamdaman niya. Sariwa pa rin ang gabing iyon sa kaniyang ala-ala . . .

. . .

"Miss, sa'n ka ba nakatira para maihatid na kita?"

"Ayaw kong umuwi."

"Lasing na lasing ka na. Baka may mangyari sa 'yong masama rito, uuwi na rin kasi ako."

Hindi ko kilala ang lalaking ito pero nilapitan ko siya dahil mag-isa lang siyang umiinom dito sa bar. Nakipag-inuman ako sa kanya kahit hindi ko siya kilala. Hindi naman niya ako iniwasan at tahimik lamang siya. Ultimo ang pangalan niya ay hindi ko alam.

Ito ang kauna-unahang pagpunta ko rito, maingay at hindi ko gusto ang magkakahalong amoy ng mga alak at sigarilyo sa loob. Nais kong makalimot dahil sa tuwing nakikita ko sina Leo at Linda na masaya ay nadudurog ako. Ako ang naunang naging kaibigan ni Leo. Ipinakilala ko lang sa kaniya si Linda bilang aking matalik na kaibigan pero bakit gano'n? Hindi ako ang inibig niya . . . hindi ako ang pinakasalan niya at hindi ako ang ina ng anak niya. Kinalimutan na rin niya ang pagkakaibigan namin dahil nauubos na ang kanyang oras kay Linda at sa kanyang anak.

"Miss, wala bang susundo sa 'yo? Kaya mo bang umuwi?"

Napatingin ako sa mapupungay na mga mata ng lalaking kaharap ko. Maamo ang kanyang mukha at mukhang mabait.

"Puwede ba akong sumama sa 'yo? Kahit ngayong gabi lang."

Bakas ang pagtataka sa kaniyang mukha. Ilang beses siyang napakurap.

"Wala ka bang uuwian? Ihahatid na lang kita."

Umiling-iling ako. "Please . . . maawa ka sa 'kin."

BLOOMTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon