The Last Flower

470 21 70
                                    


One year later...

Laarni

"Happy birthday, Laarni!" sabay-sabay nilang pagkasabi.

Napalibutan ng maraming bulaklak ang Alfonso's Kitchen. May roses, carnations, tulips, lilies at peony.

Narito kami ngayon sa mahabang table at narito ang mga mahahalagang tao sa buhay ko. Simple lamang ang birthday celebration ko dahil sinabi ko kina Papa na ayaw ko ng magarbong party.

Patapos na ang handaan, pero hindi pa rin natatapos ang pagbati nila sa 'kin.

"Kailangan na naming umalis, Laarni bago pa lumalim ang gabi," sambit ni Ate Mona.

"Dito na lang kasi kayo matulog."

"Hahanapin kami ng mga asawa namin, Laarni," sagot naman ni Ate Lisa sabay bungisngis.

Itinaas ko ang aking dalawang kamay at niyakap ko silang dalawa.

"Kapag may kailangan ka, 'wag kang magdadalawang-isip na tumawag, okay?" sabi ni Ate Mona.

"Okay, Ate."

NANG makaalis sila ay lumapit sa akin si Nanay Linda. "Maaari ba tayong mag-usap sandali, Laarni?"

"Sige po, Nanay."

Nagpaalam muna ako sa mga bisita 'tsaka ko niyaya si Nanay Linda sa labas. Malamig ang simoy ng hangin dahil na rin sa mahinang ulan kanina.

"Anak, aalis na kami sa susunod na linggo. Babalik na kami ng Nueva Vizcaya."

"Po?" Nakaramdam ako ng pangangasim sa aking lalamunan kasabay ng pagsikip ng aking dibdib.

Hinaplos niya nang marahan ang aking buhok. "Gusto kitang makasama, anak, pero may sarili ka ng buhay at narito ang pamilya mo."

Parang dinurog ang puso ko dahil sa pagpapaalam niya. "Hinintay lang namin na makalaya si Landon, anak. Magbubukas kami ng negosyo roon. Huwag kang mag-alala dahil palagi ka naming tatawagan."

"Gano'n po ba?" Maramot ako kung pipigilan ko sila para lamang hindi ako mangulila. Hindi ko man nakasama nang matagal si Nanay Linda, ramdam ko pa rin ang pagmamahal niya sa akin. Alam kong itinuring na niya akong anak sa puso niya.

"Hindi ka namin makalilimutan. Hindi ka mabubura sa puso ko, anak."

Niyakap ko siya nang napakahigpit. Ayaw ko nang matapos ang oras na hagkan ko siya. Pinigilan kong lumuha para hindi bumigat ang kanyang damdamin, pero sa totoo lang ay para akong nanghina. Ayoko siyang umalis . . . ayoko silang umalis. Pinangako ko sa sarili ko na hindi ko hahayaang masaktan akong muli, pero ganito pala talaga ang buhay, hindi ko makokontrol ang mga emosyon na pagdadaanan ko. Hindi na nagpakita sa 'kin si Larry. Mabuti na rin 'yon dahil hindi ko pa siya kayang harapin.

Nang bitiwan niya ako ay pinunasan niya ang mga namuong luha sa kanyang mga mata.

"Mahal na mahal kita, anak."

"Mahal na mahal ko rin po kayo."

PAPASOK na sana kami nang makita ko si Papa na nakaupo sa upuan dito labas. Pinagmamasdan niya ang mga bituin sa langit habang umiinom ng champagne.

BLOOMTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon