ALSTROEMERIA

128 12 67
                                    


"Kumusta po ang pakiramdam n'yo, Mama?"

Pinilit ngumiti ni Linda. "Maayos naman ako."

Sabay-sabay silang kumakain ng almusal.

"Landon, anak—Gusto ko sanang ako na ang mamamalengke. Baka may puwede rin akong gawin para makatulong ako sa inyo? Baka kailangan ko na ring magtrabaho?"

Napatigil sa kanilang pagkain sina Lily at Landon. Malakas ang tunog ng pagbagsak ng kutsara't tinidor ni Landon sa plato. Pareho silang nabigla sa sinabi ng kanilang ina.

"Hindi na po, Mama. Matanda na po kayo. Dito na lang po kayo sa bahay," tugon ni Landon sabay iwas ng tingin.

"Pero, nabuburyo rin ako rito."

Napatingin si Landon kay Lily, 'tsaka napatingin sa kanyang ina.

"Mama, dito na lang po kayo," muling niyang saad.

"Sige. Ano bang mga trabaho n'yo? Bakit gabing-gabi na kayo umuuwi?"

Napatingin muli si Lily kay Landon.

"Nagtatrabaho po kami sa ospital," sagot ni Landon.

Tumango lamang si Linda, 'tsaka humigop ng mainit na kape.

"Ano'ng oras kayo uuwi mamaya?"

"Magagabihan po kami, Mama. Hindi po kasi p'wede ba maaga kaming umuwi," sagot ni Lily.

Tahimik lamang si Linda na nagpatuloy sa kanilyang pagkain. Lingid sa kanilang kaalaman ay may balak siyang umalis ngayong araw na ito.

***

Laarni

"Parang napapadalas yata ang pagdalaw ni Sir Maximo?"

Napangiti lang ako kay Larry. Mukhang gumagana na naman ang pagiging tsismoso niya.

"Oo nga. Kulang na lang ay bumalik siya at palitan na ulit si Sir Kiefer," pagsang-ayon ni Billy.

"Ano ba kayo? Siyempre, family business nila ang Alfonso's Kitchen, kahit papa'no ay involve pa rin siya sa operations dito," sagot naman ni Amber sa kanila.

Kahit alam ko ang tunay na dahilan ay pipiliin ko na lamang na tumahimik. Sinabi sa akin ni Kiefer na gusto raw akong makita ni Tito Maximo araw-araw kahit sa pagtanaw lamang. Gusto ko rin siyang makita, hindi lang dahil sa posibleng tatay ko siya, kundi magaan ang loob ko sa kanya. Pero natatakot din ako dahil baka pinaglalaruan lamang kami at hindi talaga siya ang tatay ko. Hindi ko alam kung paano ihahanda ang sarili ko kung sakaling negative pala ang result ng DNA test. Isa pa sa iniisip ko ngayon ay si Tita Thalia. Gusto ko sana siyang makita, pero ayaw kong dagdagan ang nararamdaman niya ngayon. Baka kapag nakita niya 'ko ay mas lalo siyang maging malungkot.

"Pero alam n'yo ba, may narinig akong tsismis," pagsingit ni Larry. Katatapos naming nagluto. Ang ibang chefs ay nagpapahinga habang nasa labas naman si Sir Colton.

"Ano 'yon?" tanong ni Nina.

Nagkumpulan sila para walang ibang makarinig. Nanatili akong nakasandal sa pader, pero naririnig ko pa rin dahil malakas bumulong si Larry.

"May anak daw sa labas si Sir Maximo!"

Lahat kami ay napanganga. Sino naman ang nagsabi?

"Seryosong bagay 'yan. Saan mo naman 'yan narinig?" seryosong tanong ni Billy kay Larry.

Mas lalo pa silang lumapit na parang mga sardinas na ilalagay na sa loob ng lata.

BLOOMTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon