RHODODENDRON

143 15 48
                                    


"Kuya . . ."

Tulala lamang na nakaupo si Larry habang nakatingin kay Laarni. Nakatingin lamang si Laarni sa sahig habang yakap-yakap ang kanyang mga tuhod.

"Tama na, Kuya. Itigil na natin ang pagpapahirap kay Laarni."

Hindi pa rin sumasagot si Larry. Pinunasan ni Nina ang kanyang mga luha 'tsaka muling kinausap si Larry.

"Noon, gustong-gusto ko rin siyang managot dahil sa nangyari kay Mama, pero nang makasama natin siya sa Alfonso's Kitchen ay nagbago lahat ng pananaw ko dahil puro kabutihan ang ipinakita niya sa 'tin."

"Kaya ba, binalak mong tawagan si Lotus noon?" Hindi pa rin tinapunan ng tingin ni Larry ang kapatid niya.

"Oo, kuya. Pero dahil sa 'yo ay hindi ko tinuloy. Hindi kita kayang isumbong. Pero . . . please, tama na, Kuya! Buong buhay natin ay inikot mo na lang sa galit! Tatlong taon na nating kasama si Laarni, at sa tatlong taon na 'yon ay napakabuti niya sa 'tin lalo na sa 'yo!"

Nilingon ni Larry ang kapatid. "Hindi mo nasaksihan kung pa'nong sinira ng nanay niya at ng babaeng 'to ang buhay nating lahat! Paulit-ulit ko na lang bang ikukuwento sa 'yo ang mga nangyari?"

Nakaramdam ng takot si Nina dahil sa pasigaw na boses ni Larry. Kahit na mataas na ang boses ni Larry ay tulala pa rin si Laarni.

"K-Kuya, b-bata pa si Laarni noon. Hindi niya kasalanan ang kasalanan ng nanay niya. Tama na, Kuya! Hindi ko na kaya . . . lalo ngayon at alam na natin ang katotohanan na siya pala ang nakapatay kay Rondeletia. Parang wala ka na ring pinagkaiba sa taong kinamumuhian mo kung papatayin mo si Laarni!"

Matapos masabi ni Laarni ang tungkol sa nangyari no'ng araw na napatay niya ang kanyang ina ay bigla na lang siyang natulala. Kahit ano'ng gawin ni Nina na pagtawag sa kanyang pangalan ay hindi sumasagot si Laarni.

Napabuga ng hangin si Nina 'tsaka yumuko sa harapan ni Laarni.

"Laarni, Okay ka lang ba?"

Dahan-dahang inangat ni Laarni ang kanyang mukha at nakita niya sa kanyang harapan si Nina.

"N-Nina . . ." Nagawa niyang sambitin ang pangalan nito, ngunit muli na naman siyang napahagulgol.

Napatingin si Larry kay Laarni. Nagsisimulang mabuo ang mga luha sa kanyang mga mata dahil nakikita niya ngayon sa kanyang harapan ang batang si Rose. Nabaling ang paningin ni Larry sa binigay ni Nina na bulaklak . . . ang bulaklak na sumisimbolo ng pababago.

Unti-unting lumabas ang mga luha mula sa mga mata ni Larry. Pakiramdam niya ay nabasag ang sementong pinangharang niya sa kanyang puso. Sa loob ng ilang taon ay nabuo sa kanyang puso ang galit at pagkamuhi. Lumaki siyang ang tanging bumuo sa isipan niya ay ang maipaghiganti ang sinapit ng ina.

Pinunasan niya ang kanyang mga luha. Inilapag niya ang baril at bulaklak sa sahig. Muli siyang yumuko at maingat na hinawakan ang dalawang magkabilang pisngi ni Laarni. Dahan-dahan niyang itinaas ang mukha ni Laarni hanggang sa magpantay ang kanilang paningin.

"Laarni . . . iuuwi ka na namin." Muling tumulo ang mga maiinit na luha ni Larry. Durog na durog siya ngayon dahil sa muling pagbabalik ng pagmamahal niya kay Rose.

"Larry . . . patawad, patawad, Larry. I'm so sorry." Kahit na pagod na sa pag-iyak si Laarni ay nagsimula ulit siyang magpakawala ng mga bagong luha.

Parang binasag ang bungo ni Larry dahil sa kabila ng lahat ng kanilang nagawa sa kanya ay nagawa pa ring humingi ni Laarni ng tawad.

Hinawakan ni Larry ang ulo ni Laarni at isinandal sa kanyang dibdib.

Napatakip si Nina sa kanyang bibig. Mas nangibabaw sa puso ng kanyang kuya ang kabutihan at iyon ang hiling niya mula pa noon.

BLOOMTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon