Kabanata 24

44 3 0
                                    

"Salamat, ingat ka." Sabi ko sa kaniya bago bumaba sa sasakyan. Hinatid niya ako sa ospital nang hapong iyon.

Matagal itong tumitig sa'kin bago nag iwas ng tingin. "I won't see you tomorrow." Seryosong sabi nito na tila ba pinoproblema niya iyon.

Ganito na siya mula nang sabihin kong hindi ako papasok bukas dahil kailangan kong siguruhing maayos si Mama sa bahay. Ngayong hapon kasi ang labas nito sa ospital.

Maganda ang naging reaksyon ng katawan ni Mama sa operasyon. Hindi na masyadong hinihingal 'pag naglalakad at nagkakulay na rin ito.

Natawa ako. Minsan napapaisip ako kung talaga bang mas matanda siya sa'kin ng limang taon.

"Sige na, baka abutan ka pa ng dilim." Nakangiting sabi ko.

Bumuntong hininga ito, kalauna'y tumingin muli sa'kin at tumango.

Nginitian ko ito bago bumaba. Tinanaw ko muna ang pag alis ng sasakyan bago pumasok sa ospital.

Nang makarating sa tamang kwarto ay nakatawa ang mga magulang ko. Lalong hindi nawala ang ngiti sa labi ko.

Maaliwalas ang ulap sa araw na ito, kabaligtaran ng mga nagdaang araw. Tila ba ang mga tumulong luha ay ang ulan na kailangang bumagsak upang muling makita ang liwanag.

"Anak." Tawag ni Mama nang makita ako sa pinto.

Agad naman akong lumapit dito at yumakap. Ganoon rin ang ginawa sa ama.

"Kamusta ang pakiramdam mo, Ma?" Tanong ko nang muling lumapit rito.

"Malakas pa 'ko sa kalabaw. Kung ako lang ang masusunod ay kanina pa kami nakauwi ng Papa mo. Siya at ang doctor lang ang pumipigil dahil kailangan ko raw ubusin ang natitirang dextrose. Kung pwede nga lang inumin ay ininom ko na."

Natawa ako. "Ma, tama naman sila. Pa ano pa po palang dapat ayusin?" Tanong ko bago lumapit sa cabinet na wala nang laman.

Nagtataka akong tumingin sa ama. Seryoso naman itong tumingin kay Mama. Nang bumaling sa'kin ang ina ay naglahad ito ng kamay, senyales na gusto nitong lumapit ako.

Nang makalapit ay agad ako nitong hinawakan. Ang isang kamay ay nakahawak sa kamay ng ama.

Nakatingin sila sa isa't isa. Tila ba pasikreto muling nag-uusap roon.

"Bakit po?" Tanong ko nang hindi na nakatiis.

Tumingin sa akin ang ina at tipid na ngumiti. "May sasabihin ang Papa mo, Ysa."

Nakayukong bumuntong hininga si Papa bago tumingin sa akin. "Bukas ay pinapauwi tayo ng Lolo mo sa mansyon niya."

"Bukas po?" Gulat na tanong ko.

Tumango ang ama. " Naroon na ang mga gamit galing dito sa ospital, dinala na ng Tito Anton mo."

"Uh.. Doon po ba muna tayo titira? Hanggang kailan po?"

"Hindi ko pa alam anak, pero 'yon ang gusto ng Lolo mo. Isasara ko muna ang talyer para mabantayan ko ang mama mo..." Sabi nito bago seryosong tumingin sa ina. "Iyon rin ang gusto ng Lolo mo dahil gusto niyang ako ang humawak sa kompanya."

"Kompanya?"

Tumango ulit ito. "Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sayo ang lahat Ysa pero wala kang kailangang baguhin sa buhay mo. Lilipat lang tayo ng bahay at magkakaroon ka ng iba pang pamilya... iyon na lang ang isipin mo anak."

Tumango ako "Masaya 'yon... Di po ba?" Papahinang tanong ko dahil hindi ako makaramdam ng saya sa mga magulang.

Nang maramdaman ang pagtataka ko ay agad na ngumiti ang ina. "Oo anak, masaya 'yon."

SkyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon