Kabanata 2

78 7 0
                                    

"Uy sige na kasi sumama ka na, wala akong kasama roon. Tiyak na puro sila matatanda, kung may bata man e hindi ko pa kakilala, saka tiyak na hindi naman ako papansinin ng magpipinsang Cojuanco." pilit sakin ni Clodet na halos magkandarapa na sa kahahabol sakin habang nagjojogging ako sa tabing bukid.

Summer vacation ngayon bago ako mag kolehiyo. Nakaugalian ko nang tumakbo sa umaga dahil maaga pa rin akong nagigising kahit wala ng klase.

"Clodet, alam mo namang hindi papayag si papa sa outing outing na yan. Saka isa pa nakakahiya na isasama ka na nga lang ng nanay mo, e magsasama ka pa ng isa. "

"Pwede nga raw isama ang buong pamilya, kunwari na lang ano, kapatid kita, sige na. Si nanay pa nga ang nagsabi na isama ka. Kaysa naman dadalawa lang kami ni nanay samantalang buong pamilya ang kasama ng ibang kasambahay doon."

"Alam mo namang may sakit si mama, at walang mag aalaga kasi nagtatrabaho si Papa 'pag Linggo." sagot ko habang binubuksan ang gate ng talyer.

Araw ng Sabado ngayon kaya maraming tao tiyak ang magpapagawa. Maaga pa ngunit nabungaran ko na si Papa na kinukumpuni ang gulong ng isang tricycle na dinala rito kagabi.

"O anak, ang aga mong tumakbo a. Nag almusal ka na ba?" tanong ni Papa bago humigop ng kapeng nasa tabi niya.

"Opo, kumain ako bago ako lumabas. Kayo po? Si Mama?"

"Katatapos lang. Clodet andyan ka pala, anak pag almusalin mo si Clodet at mukang pagod na pagod o."

Natatawa kong tiningnan ang kaibigang naghahabol ng hininga. "Nako Pa, ubos nanaman ang bigas natin neto."

"Hoy Ysabella, sobra ka. Diet kaya ako ngayon. Nakita mong sinamahan pa kita sa pagjajogging. Teka bago ko makalimutan, Tito Alex ipagpapaalam ko sana si Ysa bukas."

Pinanlakihan ko ng mata si Clodet pero parang wala itong nakikita. Bruha talaga.

"Sige na po, may outing po kasi ang mga Cojuanco, kasama po ang mga kasambahay nila, e sasama po sana ako kay nanay at gusto rin po sana naming isama si Ysa. Promise po hindi ko po siya pababayaan. Please Tito."

"Wala namang problema sa'kin, sige anak sumama ka. Mag iingat lang kayo roon."

"Yeheyy!" Sigaw ni Clodet.

"Pero Pa, wala kang katulong bukas, Linggo pa naman. Saka walang mag aalaga kay mama."

"Isasara ko muna ang talyer ng makapagpahinga naman ako. Hala, sige na, kumain na kayo at mag impake ka na ng mga dadalhin mo para bukas."

"Yes! Thank you Tito! Ayan a Ysa, sasama ka sa'min, wala ka nang magagawa." tuwang tuwang sabi ni Clodet bago pumasok sa loob. Kita mo 'tong babaeng 'to, feel at home.

"Thank you Pa." sabi ko bago pumasok.

Hindi ko maitatanggi na excited rin ako dahil bihira lang naman akong makasama sa outing. Pero kinakabahan ako dahil naroon ang mga Cojuanco. Marami man ang nagsasabing mabubuti at tumatapak sa lupa ang mga ito, hindi ko pa rin maialis sa isip ko ang layo ng estado ng buhay nila sa buhay namin. Hindi naman sa hinuhusgahan ko sila, hindi lang rin talaga ako sanay na makihalubilo sa matataas na tao.

Kilala ang mga Cojuanco bilang isa sa pinakamayayamang angkan sa bayan namin. Sila kasi ang may ari ng ekta ektaryang sakahan, hindi lang dito kun'di pati na rin sa mga kalapit bayan kaya naman halos lahat ng inaangkat na bigas ay nanggagaling sa kanila. Kilala rin ang mga ito bilang matulungin at palakaibigan sa lahat, kaya naman kinagigiliwan sila ng mga tao. Lalo na ang Senyora na dito talaga naninirahan. Ang mga anak at apo raw kasi nito ay bumibisita na lang at nagbabakasyon dahil nagkaroon na ng sari-sariling pamilya. Hindi ko pa man nakikita ay usap-usapan rin ang mga papuri patungkol sa kanilang itsura.

"Ysa, uuwi na ako. Mag empake ka na ha! See you! Excited na ko." Pamamaalam ni Clodet habang naglalakad palabas ng gate namin.

Nang magdapit hapon ay lumabas ako sa bakuran. Bukid ang likod ng aming bahay. Lupa ito ng mga Cojuanco. Dito ako tumatambay tuwing hapon dahil napakagandang tingnan ng paglubog ng araw mula rito. Tila ba pinapawi ng kalmadong langit ang pagod mo sa maghapon. Huni ng mga ibon at kiskisan ng mga dahon lamang ang maririnig tuwing ganitong oras. Ngunit iba ata sa hapong ito.

Mumunting halinghing at ungol ng babae ang naririnig ko kasabay ng pagkaluskos ng mga palay. Kuryoso kong sinundan ang mga tunog hanggang sa makarating ako sa kumpol ng mga dayami. Sigurado akong banda rito iyon. Desidido akong umikot ngunit parang gusto kong umatras sa nakita ko.

Isang payat na babae ang nakapatong sa matipunong lalaki. Magkadikit ang mga labi, dibdib, at bago ko pa ibaba ang tingin ko'y mariin ko nang isinara ang mga ito.

"Who the hell are you?!" matinis na sigaw ng babae.

Isang pares ng malalalim na mga mata ang bumungad sa'kin nang dumilat ako. Nakangiti ngunit may panganib pa rin akong nararamdaman habang nakatingin ako rito. Madilim ang mga ito at mahirap basahin pero nakikita ko ngayon ang aliw sa mga ito. Sinuklay nito ang may kahabaang buhok pagkatapos magsuot ng t-shirt.

"O ba't nandito ka pa?! Lumayas ka nga sa harap ko!-"

"Stop it Stephanie." kalmadong awat ng lalaki habang nakatingin sa akin. Ang mga mata'y lalong dumilim dahil nawala ang ngiti.

"S-sorry." sabi ko bago kumaripas ng takbo. Ang tanga, bakit nga ba ako tumunganga pa roon.

Saka lang ako nakahinga ng maayos nang nakarating ako sa aking kwarto. Naupo ako sa likod ng pinto habang hawak ang tumataas-babang dibdib. Walang ibang naaalala kundi ang dilim sa mga mata ng estranghero. Parang malalim na balon. Nakakatakot ngunit nakakakuryoso, kaya't daraan sa isip mo ang pagtalon.

Napakabilis ng tibok ng puso ko. Dahil siguro sa pagtakbo.

SkyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon