Agad akong nag impake nang dumating sa mansyon. Hindi ko na yata kakayanin pa kung magtatagal ako rito.
Tatlong katok ang narinig ko bago ko pa maisara ang maleta.
"Tito." Salubong ko kay Tito Anton na sa gamit ko agad natuon ang pansin.
"Ysa, just... stay here." Seryosong sabi nito.
"No Tito, uuwi na po kami ni Papa."
"Hindi pa maayos si Kuya. Let me help you."
Agad akong umiling kahit na alam kong may punto siya.
"I also need to distract Mom. I need more people here." Mahinang sabi nito.
Tahimik akong nag-antay sa sasabihin nito.
"I need you to be strong. I have a plan."
Nang marinig ko nang buo ang plano ni Tito ay hindi ako makapaniwala. Balak nitong maghanap ng ebidensya laban sa ina.
"Tito... nanay mo pa rin siya. Sa tingin mo ba maniniwala ako sa binabalak mo?"
"Ysa, may konsensya rin ako. Hindi lang isang tao ang namatay dahil sa Mama. Hindi ko rin alam kung paano ko nagawang manahimik. At ngayong alam mo na. Hindi pwedeng hayaan kitang mabuhay... sa mali."
Matagal nang natapos ang usapan namin ni Tito Anton pero hindi ko pa rin iyon maialis sa isip. Sinabi rin nito sa'kin ang plano niyang dalhin sa Psychiatrist si Papa. Maging ang pagpasok ko sa kolehiyo ay inaalala nito.
Hindi ko maitatangging kailangan ko ang tulong ni Tito Anton ngayon.
Ipinasok ako ni Tito sa PATS, dito lang sa katabing bayan para kumuha ng Aeronautics. Iyon lang rin kasi ang naisip kong kurso dahil bukod sa mahilig sa eroplano ay nahilig rin ako sa pagbutingting ng mga sasakyan dahil sa maliit na talyer ni Papa.
Ang gusto nga ni Tito ay paluwasin ako sa Maynila pero hindi ko ata kayang iwan ang ama sa sitwasyon nito.
Nag suhestyon rin itong business course ang kuhanin ko dahil malamang raw na ipapasok ako sa kompanya. Pero agad akong tumanggi. Ayokong pasukin ang magulo at maruming mundo nila.
"Ysa, may chika ako sayo." Si Clodet habang nakatingin sa fishball na kinakain nito.
Nandito kami ngayon sa linya ng mga streetfood sa tabi ng palengke. Galing akong school at nagplano kaming magkita ngayon. Tumigil si Clodet sa pag-aaral at tumulong nalang kay Aling Tina sa mansyon.
"Ba't parang hindi ka masigla, may chika ka pala." Biro ko naman dito dahil muka talaga itong matamlay.
Naninimbang na tingin ang ibinigay nito sa'kin. "Si... Papa Kalix mo... umalis papuntang America."
Ilang segundo akong natahimik. Pagkaraa'y kumurap-kurap at nag-iwas ng tingin. "Ade... buti naman." Labas sa ilong na sabi ko.
"Kasama raw si... Niana, mabuti pa rin?"
Parang hinampas ang dibdib ko sa narinig. Akala ko ba hindi mo kayang lumayo Kalix. Akala ko ba ibibigay mo lahat, puwera 'yon.
Agad akong napailing sa sarili. Tandaan mo na ikaw ang nagtaboy, Ysabella. Akala mo ba hindi ka niya kayang kalimutan?
Hindi na ako umimik. Hindi na rin muling nagsalita si Clodet tungkol roon.
Parang hangin lang ang pagdaan ng mga araw. Masyadong mabilis na hindi ko na halos masundan ang mga pangyayari. Para lang rin akong hangin na nagpapatangay sa agos na gusto ng mundo.
May dalawang police car sa harap ng gate isang araw na umuwi ako. Naabutan ko ang pamilya sa sala, kaharap ang tatlong pulis.
"Ano 'to?! Antonio!" Sigaw ni Ursula kasabay nang pagpiglas nang akmang poposasan.
Nagulat kaming lahat ng tumayo si Lolo mula sa wheel chair nito. Nang tingnan ko si Ursula ay takot ang nakita ko sa mga mata niya.
"Gulat na gulat ka, Ursula. Akala mo ba hindi ko malalaman?" Malumanay ngunit may diing tanong ni Lolo. "Nakita ko ang lalagyan ng gamot na ipinapainom mo sa'kin, tonta!" Parang kulog na sabi nito.
Napatakip ako ng bibig sa narinig. Hindi ako makapaniwala na may taong ganito kasama.
"Mabubulok ka sa kulungan. Pagbabayaran mo lahat ng buhay na kinuha mo." Dagdag pa ni Lolo.
Halos mamula sa galit si Ursula. "Wala kang ebidensya para roon!" Parang baliw na sigaw nito.
Nanginig ang labi nito nang ipakita ni Lolo ang isang lumang recorder. Iniabot nito iyon sa pulis.
"Naka record d'yan ang pag-amin niya sa pagpapasabog ng limang lupain ng mga Cojuanco, kung saan namatay si Senyor Miguel at ang mga tauhan nito."
Tuloy-tuloy ang sigaw ni Ursula habang kinukuha ng mga pulis. Agad namang nanghina si Lolo nang makalabas ang mga ito. Dinaluhan agad siya ni Tito Anton na mukang nabigla rin sa mga nangyari.
"P-pa, nilalason..." Hirap na hirap na sabi ni Tito Anton. Hindi rin makapaniwala sa nagawa ng ina.
"I'm so sorry for taking your mother away Anton but she really needs to pay. Tama si Ysa, wala tayong kaluluwa kung mananatili tayong tahimik." Si Lolo habang malungkot na nakatingin sa'kin.
Kahit gulat ay unti-unti akong lumapit dito. Agad nitong inabot ang kamay ko nang makaupo sa tabi. "Patawad apo, ngayon lang natauhan ang Lolo."
Mahigpit akong yumakap rito. Alam ko kung gaano kahirap ang mga naging desisyon ni Lolo. Alam ko rin kung gaano kasakit na pagtaksilan ng mahal mo.
Sa lumipas na dalawang taon, marami akong natutunan. Mahirap pero masasabi kong mas matatag na ako ngayon.
Naging maayos na ang lagay ni Papa. Bumalik kami sa bahay namin at muling binuksan ni Papa ang talyer. Pero minsa'y umuuwi rin kami kila Lolo, lalo na 'pag may kailangang asikasuhin si Papa sa kompanya. Ayaw kasing pumayag ng Lolo at ng Tito Anton na hindi ito bigyan ng posisyon.
Naging maayos na rin ang samahan ni Papa at ng Lolo. Napagtanto kong iyon lang rin naman ang gusto ni Papa, ang maitama ni Lolo ang pagkakamali nito.
Nakatapos ako sa two-year course na kinuha. Ang gusto sana ni Tito ay ituloy ko pa ang pag-aaral pero ako na mismo ang umayaw. Hindi rin kasi mapalagay ang loob ko 'pag iniiwang mag-isa si Papa sa bahay, kahit na lagi naman nitong ipinapakitang maayos na siya. Sa ngayo'y tinutulungan ko si Papa sa talyer pero tiyak na hindi rin papayag ang Lolo na hindi ako magtrabaho sa kompanya. Lagi nga na iyon ang bukambibig.
Gaya ng pangako sa Lolo ay pinuntahan ko ito kinabukasan. Gamit ko ang sasakyang regalo ni Tito para sa graduation ko. Medyo nagsasanay pa pero gamay ko naman na ang pagmamaniobra nito.
Kaya lang, nang makasalubong ang itim na hummer ay agad na nanginig ang kamay kong nakahawak sa manibela.
Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba o talagang bumagal ang takbo nito bago lumagpas sa akin.
BINABASA MO ANG
Sky
RomanceKulang. Hindi sapat ang pagmamahal lang. Hindi iyon pwedeng maging sandata. Dahil puso ang ginagamit na espada ng pag-ibig. At sa bawat hiwa na matatamo nito, darating ang araw na hihinto ang tibok. Mauubos. Kaya hindi ako lalaban, hindi dahil tako...