Kabanata 16

39 4 0
                                    

Lutang ang isip ko buong tanghali. Nang bumalik ako sa kusina ay wala akong ibang ginawa kundi ang maghugas ng mga hugasin sa lababo. Marami iyon pero hindi ako magrereklamo dahil parang kailangan ko rin ng gagawin.

Andaming tumatakbo sa isip ko at hindi ko alam kung ano ang uunahing isipin. Andami ko ring nararamdaman ngunit parang mas nangingibabaw ang inis sa akin.

Hapon na nang umalis ang mga taga Maynila. Noon ko lang rin ginustong lumabas sa kusina. Nang masiguro kong wala nang ingay na nanggagaling sa pool ay napagpasyahan kong pumunta roon para maglinis.

Ngunit ang payapa ko sanang paglilinis ay naudlot nang makita ang dalawang tao na nasa sun lounger.

Mabilis na bumalik ang mga ala-ala nang makita kong ang halos nakapatong na na babae ay mahahalikan na si Kalix sa lapit ng mukha nito. Nakapikit naman ang huli.

Nanginig ang kamay ko kaya bumagsak ang isang baso na nasa tray. Sa taranta ko'y sinalo ko ito ng paa ngunit agad ring tumama sa lupa at nabasag.

Napapikit ako habang dinadama ang pagtama ng babasaging baso sa paang naka sandals. Nang dumilat ay agad na dumako ang mata ko sa dalawang taong nasa akin na ngayon ang atensyon.

Sa inis sa sarili at sa iba pang bagay ay hindi na ako nakapag isip pa. Ibinaba ko ang tray at agad na pinulot ang nabasag na baso. Kahit nakayuko ay nakita ko ang paggalaw niya, kaya naman lalo pa akong nataranta at kahit dumudugo na ang isang daliri ay ipinagpatuloy ang pagpulot matapos lang ang trabaho at makaalis na roon.

Kasabay ng pagtalungko niya sa akin ay ang pagtayo ko at dire diretsong lakad na tila ba walang nakikita kundi ang daan.

Nang makarating sa kusina ay saka lang ako natauhan. Mababaw lang ang sugat ngunit medyo may kahabaan at may tumutulo pa ring dugo mula roon kahit na sinipsip ko na ito, kaya naman hindi pumayag si Nana Pise na hindi lagyan ito ng gasa. Ang paa nama'y namula dahil sa pagtama ng baso at may pakiramdam ako na mangingitim ito maya maya kaya agad ko rin itong niyelo.

Nang matapos ay tumulong na ako sa dalawang nasa kusina na muling nagluluto para naman sa mga bisita ni Senyora. Dahil hindi pa gaanong maalam ay sa paghihiwa ako nakatoka.

Alasingko nang matapos kami. Naroon na ang mga bisita sa sala. Hindi ko sila nakikita ngunit naririnig ko sila mula rito sa dining area kung saan namin inaayos ang mga kubyertos.

Nang bumalik ako sa kusina ay natataranta ang mga naroon. Nang tingnan ko kung bakit ay hinimatay pala ang isa sa mga kasambahay. Sinusubukan na itong buhatin ng isa sa mga driver at inaalalayan naman ng isa pang kasambahay.

"Dalhin niyo na sa ospital at hindi lang ngayong beses nangyari ito. Kami na ang bahala rito." Si Nana Pise na halata ang pag-aalala sa mukha.

"Nana, gustuhin ko man hong tumulong pero may importanteng lalakarin ho sana ako ngayong hapon." Si Aling Tina na hawak na ang kaniyang gamit.

Tumango si Nana at agad na nilibot ang tingin. Apat na lang kaming naroon si Nana, si Aling Tina na paalis na, ako, at isa pang kasambahay.

"Ysa?" Agad silang tumingin sa akin nang magsalita si Nana Pise.

Kahit nagdadalawang isip ay tumango ako.

Agad namang naghabilin si Nana na importante ang mga bisita ng Senyora. At base sa mga bilin nito'y mararamdaman mo na agad na malalaking tao ang pagsisilbihan namin.

Nang matapos ay nagtungo si Nana sa sala para marahil tingnan kung kakain na ba ang mga bisita. Nang bumalik ito'y nagsimula na kami sa paglalagay ng unang putahe.

Agad akong kinabahan nang tumapak ako sa dining area hawak ang isang tray dahil ngayon lamang ako magsisilbi ng direkta sa mga Cojuanco. Palagi kasi'y nasa kusina lamang ako o kaya sa labas at nagwawalis.

Maraming tao sa hapag at halos mapuno na ito. Nasa Kabisera ang Senyora. Sa kanan nito ang mga bisita, isang lalaking nasa mid 40's na katabi ang isang babae na sa paraan nang pagkakatingin ng una'y masasabi kong asawa ito. Ang girlfriend ni Kalix ang sumunod rito na sa wangis ng mukha ay malamang na anak ito ng dalawang nauna.

Sa kaliwa naman ng Senyora ay si Gael katabi ang panganay na babae niyang kapatid na minsan ko lang makita rito sa mansyon. Sinundan ni Kalix katabi ng Ate niyang si Sunny at si Rain.

Talagang magkatapat pa, ba't hindi nalang kayo nagtabi?

Naunang pumasok si Nana kaya ang dala niyang para sa tatlong tao ay para sa Senyora, kay Gael, at sa kapatid nito. Ang isa pa naming kasama ay agad na dumiretso sa tatlong bisita kaya naman wala akong ibang choice kung hindi ibigay sa tatlong huli ang dala ko.

Nang tumapat na kay Kalix ay pinilit kong huwag manginig pero kahit na hindi naman halata ay parang naramdaman rin niya ang kaba ko dahil sinalubong na niya ang pinggan bago ko pa ito maibaba. Dumampi ang sugat na may benda sa kamay niya at tila ba ngayon lang siya nakakita noon dahil napako na roon ang buong atensyon niya hanggang sa makalabas ako sa kusina.

Agad naming inihanda ang pangalawang putahe o main course kung tawagin ni Nana Pise nang makabalik kami sa kusina. Doon ko lang rin napansin na may bahid na ng dugo ang gasa napwersa marahil sa paghihiwa ng mga rekados. Nang makita kung gaano kaabala ang dalawang kasama at ipinagsawalang bahala ko nalang ang sugat.

Masayang nag uusap ang mga nasa hapag nang bumalik kami. Sa kanila pa rin ako natapat.

Nanlaki ang mata ko nang halos tumayo na si Kalix maabot lang agad ang dala ko. Siya na rin ang kumuha ng para sa ate niya at kay Rain. Nang tingnan ko ang mga nasa hapag ay halos sinalamin lang rin nila ang ekpresyon ko, maliban kay Gael na nakangising nakatingin sa pinsan at kay Sunny na nakataas ang kilay kay Kalix.

"Such a gentleman, right Niana?" Ang babaeng bisita bago bumaling sa girlfriend ni Kalix.

Nang tingnan ko si Niana ay ngumiti lamang ito at matiim na tumitig sa kaharap. Si Kalix naman ay parang walang narinig at nagsimula nang kumain.

Naiwan kami malapit sa hapag habang inasikaso naman ni Nana Pise ang pang himagas.

Si Senyora at ang dalawang bisita lang ang madalas na magsalita habang ang iba'y bumubuka lang ang bibig kapag tinatanong. Si Kalix at si Gael ang karaniwang binabato ng tanong habang napakadalang naman sa dalawang babae. Ngunit habang tumatagal ay halos si Kalix na lang rin ang kinakausap ng mga ito bukod kay Senyora.

Naputol lang ang pag uusap nang biglang nasamid ang girlfriend ni Kalix. Gagalaw na sana ako para salinan ang baso nito nang tubig pero naunahan na ako ni Kalix.

Nang makainom na ay agad na nagpasalamat ito na akala mo nama'y napunta siya sa bingit ng kamatayan.

"I see." Ang lalaking bisita habang tumatango. "You're very concerned with my daughter young man. Thank you for that." Matigas na pag iingles nito.

Ngumiti lamang si Kalix at nagpatuloy na sa pagkain ngunit hindi ang lalaking bisita.

"What do you think Leticia? Let's push the engagement!" Malakas na pagkakasabi nito. Tila ba hindi humihingi ng opinyon kundi nag dedeklara.

Parang may tumusok sa dibdib ko. Nang tingnan ko si Kalix ay patuloy lang ito sa pagkain. Tila ba hindi tututol kung sakaling ipakasal siya ngayon.

Agad namang tumawa ang Senyora. "Isn't it a bit early for that? They're still young, just on their early twenties."

"They'll be there sooner or later. Right, sweetheart?" Baling nito sa anak na ngumiti lang muli bilang sagot. "Right, young man?" baling naman nito kay Kalix.

Hindi ko na inantay ang isasagot nito at agad na akong nagpaalam sa kasama ko na magpupunta sa cr.

Naninikip ang dibdib ko at tila ba may batong nakadagan dito. Imbis na sa cr ay napagpasyahan kong lumabas para kumuha ng hangin.

Nang tumingala ako ay tumulo ang luhang hindi ko alam kung saan nanggaling. Madilim na ang langit at napakaganda ng mga bituin roon. Mga bituin na parang napakahirap abutin para sa mga kagaya kong walang pakpak.

SkyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon