Hindi na ako mapakali simula nang narinig ko ang sagot niya. Marami na ang pumuri sa'kin dahil sa itsura ko pero tila ba papasok lang iyon sa tenga at lalabas sa kabila, ngayon ko lang talaga inisip nang ganito ang isang papuri.
"Try this." Ang Senyora, hawak ang isang eleganteng dress na sa unang tingin pa lang ay alam mong mamahalin dahil sa tela nitong kumikislap sa tuwing tatamaan ng ilaw.
Nasa isang malaking boutique kami. Kokonti lang ang tao rito halos dalawa lang ang namimili, kasama na ang Senyora.
"Ho?" Takang tanong ko.
"Go on, just try it." Sabi nito sa'kin pagkatapos iabot sa sales lady dahil hindi ko ito kinuha nang sa akin iniabot.
"This way Ma'am." Paggiya naman sa akin ng babae.
Wala na akong nagawa kundi sumunod sa kaniya. Marahil ay gusto lang makita ng Senyora ang kabuuan nito. Baka ipanreregalo sa apo?
Ngunit parang ayaw ko nang lumabas nang makita ang sarili sa salamin. Kita ang strap ng bra ko dahil sa napakanipis na terante nito. Nang tingnan ko ang likod ay kita rin ang kawit ng bra dahil bukas ito hanggang gitna ng bewang at dalawang manipis na tali lang ang magkaekis na tumatakip rito. Mabuti nalang at hapit ang disenyo nito, kung hindi ay tiyak na hindi magiging komportable ang magsusuot.
Nang lumabas ako ay agad akong pinigilan ng sales lady at sinabing tanggalin ko raw ang bra ko dahil hindi raw magandang tingnan, may sarili naman itong foam ngunit nagdalawang isip pa rin ako. Sa huli ay napagpasyahan ko nang sundin ang sales lady dahil baka magsisi ang Senyora na ako ang isinama niya.
Inilugay ko nalang ang nakabun na buhok para hindi masyadong exposed ang katawan, at nakatulong naman ito nang malaki sapagkat lalong kumapal ang kulot nito dahil sa pagkakapusod.
Nanlaki ang mata ng sales lady at pumalakpak nang lumabas ako.
Nang makita naman ako ng Senyora ay agad itong nangiti. "Beautiful" Sabi nito.
Seryoso ang mukha ni Kalix nang balingan ko ito. Kalauna'y dahan dahang bumaba ang tingin sa katawan ko, bago itaas muli sa mata.
Napalunok ako at ibinaling sa iba ang atensyon.
"Black looks good on you. Sit here, please." Ang Senyora bago may iminuwestra sa isa pang sales lady.
Nang maupo ako ay agad namang naglapag ang babae ng itim na sandals na may takong. Dalawang tali lang ang meron ito. Isa malapit sa mga daliri at isa paikot sa bukong bukong.
Tutulungan ko sana ang sales lady sa pagkakabit ngunit hindi ako komportableng yumuko.
Nang matapos ay pinatayo ako ng Senyora. Nahirapan pa akong kuhanin ang balanse dahil sa taas ng takong. Agad namang inalalayan ni Kalix ang kamay ko nang mapansin ito, na binawi ko rin agad nang makuha na ang balanse.
"O-okay lang ako. Salamat." Nahihiyang sabi ko rito. Nanatili lang itong seryosong nakatingin. Hindi ko man siya tingnan ay nararamdaman kong hindi nito inaalis ang titig sa akin.
Nang diretsong makatayo ay lumapit sa akin ang Senyora. Hinawi nito ang mahaba kong buhok at inilagay sa likod. Matapos ako nitong pagmasdam ay ngumiti ito at tumango. "I'll get it both."
Nang marinig iyon ay agad naman akong bumalik sa fitting room para magpalit. Medyo mabagal pa ang naging lakad ko dahil nakalimutan kong alisin ang sandals sa kagustuhan na makaalis na roon.
Nagyaya ang Senyorang kumain matapos mamili. Sa isang malaking restaurant kami huminto. Nang makita ang loob ay medyo nag alangan pa ako sa suot kong maong na pantalon at itim na t-shirt. Mabuti na lang at naisipan kong mag itim na doll shoes ngayon, imbis na ang gamit na gamit na sandals ang isuot.
Nang pumasok ay nanatili ako sa likod ni Kalix, tinatakpan ang sarili sa atensyong pwedeng makuha dahil sa kaibahan. Sana pala ay itinaas ko nalang ulit ang buhok ko para hindi masyadong agaw pansin.
Agad kaming sinalubong ng isang crew at iginiya sa lamesa ngunit bago pa kami makarating roon ay isang maputing ginang ang humarang sa Senyora. Marahil ay kasing edad o mas matanda ito ng konti rito. Agad naman silang nagbeso at nagkumustahan. Nang medyo tumagal ay tiningnan kami ng Senyora at agad nang sumenyas na mauna na kami.
"Oh, wait, is this Kalix?" Agad naman itong ngumiti bilang sagot.
"Time flies so fast." Nakangiting pagkikibit balikat naman ng Senyora.
Ang pagtatago ko sa gilid ni Kalix ay tila ba hindi epektibo dahil napansin pa rin ako ng ginang.
"And this is?" Nagtagal ang tingin sa mukha ngunit agad ring umakyat baba na tila ba ineenspeksyon kung bagay ba ako rito o hindi.
Agad naman akong yumuko ngunit naagaw rin ng Senyora ang atensyon ko ng ipakilala ako nito bilang family friend.
Tumaas naman ang kilay ng ginang at ipinagsawalang bahala na lang ang nakakapagtakang sagot ng Senyora.
Iginiya naman ako ni Kalix sa lamesa namin at agad na itong umorder. Tinanong ako nito kung ano ang sa'kin. Nang makita kung gaano kamahal ang pagkain ay sinabi kong siya na ang bahala.
Habang nag aantay sa pagkain ay hindi ko maiwasang tumingin sa paligid. Pakiramdam ko'y palaging may nagmamasid sa'kin, na kahit na hindi naman nila ako kilala'y tila ba may nakasulat sa damit ko na mahirap lang ako at hindi ako bagay sa ganitong lugar.
"Is anything wrong?" Tanong ng kaharap ko.
Nang bumaling ako kay Kalix ay saka lang ako napalagay.
"Are you okay?" Nag aalalang tanong nito.
Nagtagal ang tingin ko. Pinuno ang utak ng kapayapaang galing sa kaniya bago tumango at ngumiti. Kumunot naman ang noo nito ngunit hindi na nagsalita pa dahil dumating na ang pagkain.
Marami ang inorder ni Kalix, kasya marahil sa limang tao. Kumuha lang ako ng kaya kong ubusin bago magsimulang kumain. Nang maubos ko ang isang putahe ay nilagyan muli ni Kalix ang plato ko nito. Nagtataka naman akong tumingin sa kanya.
"Eat more, you're very skinny, specially in that dress. Don't wear that." Sabi nito sakin habang patuloy na ginagalaw ang pagkain niya.
"Ha?" Naguguluhang tanong ko.
Muli naman itong tumingin sa akin na tila ba may naalala. "And you're very pale, just eat." Sabi nito, inilagay muli sa plato ko ang hiniwang karne.
Hindi na ako nagkomento pa at kumain na lang nang makita kung gaano siya kaseryoso. Tila ba namomroblema talaga siya dahil payat ako at maputla. Bumaba lang muli ang mata niya sa pagkain nang makitang kinain ko ang inilagay niya.
Nang matapos kumain ay nagpaalam ako para mag cr. Sa salamin ay agad kong napansin kung gaano ako kapayat at kaputi. Gaya nga ng sabi nila parang papel. Marami ang humahanga rito ngunit tila ba hinihiling ko ngayon na magkakulay naman kahit papano.
"Ysabella."
Sa labas ng cr ay isang nakapolong lalaki ang bumanggit sa pangalan ko. Nakataas ang manggas nito hanggang siko. Nakahilig ito sa pader at tila ba inaantay talaga akong lumabas. Pamilyar ang mukha nito. Tama, siya yung lalaking naabutan kong kausap ni Papa sa bahay dati.
Ngumiti ito. Marahil ay nakita sa itsura kong namukaan ko siya.
"S-sino ka?"
Lumapit ito nang mapansing lumayo ako.
"Don't be scared, honey."
Lalo akong lumayo.
"S-sino ka ba? Bakit mo 'ko kilala?"
Ngumiti ito ngunit walang biro sa ngiting iyon.
"I'm your uncle."
BINABASA MO ANG
Sky
RomanceKulang. Hindi sapat ang pagmamahal lang. Hindi iyon pwedeng maging sandata. Dahil puso ang ginagamit na espada ng pag-ibig. At sa bawat hiwa na matatamo nito, darating ang araw na hihinto ang tibok. Mauubos. Kaya hindi ako lalaban, hindi dahil tako...