Kabanata 13

43 4 0
                                    

"Tulong! Tulong!" Sigaw ko habang tumatakbo.

Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Wala akong nakikita kun'di dilim. Maaabutan na niya ako.

"Tulong! Parang awa niyo na, tulungan niyo ako!" Sigaw ko sa pagitan ng mga hikbi.

Pagod na ako ngunit kailangan kong tumakbo para makaligtas. Hindi ko na halos maramdaman ang mga binti ko sa pagod. Alam kong hindi magtatagal ay bibigay na ang mga ito.

Dahil hindi ko nakikita ang daan ay halos malagot ang hininga ko nang wala na akong maapakan. Bangin ang babagsakan ko. Wala akong nakapitan kaya naman dire diretso ang pagkahulog ko ngunit kasabay nang pagtama ko sa lupa ay siyang pagmulat ng mga mata ko.

Si Kalix ang una kong nakita. Alalang alala ang itsura nito. Mahigpit ang hawak sa dalawang balikat ko na tila ba kanina pa niya ito niyuyugyog para magising ako.

"Ysa-"

Naputol ang sasabihin niya nang wala sa sarili ko siyang niyakap. Oo. Niyakap ko siya nang mahigpit. Tila ba kumakapit ako sa buhay para hindi ako mahulog sa bangin.

"S-salamat... Salamat dumating ka." Mahinang sabi ko.

Naramdaman ko ang magaang paglapat ng mga kamay niya sa likod ko at ang marahang pagtapik rito.

Ilang sandali pa bago ako natauhan. Dahan-dahan akong kumalas sa yakap. Nakayuko at hiyang hiya sa ginawa.

Marahan niyang inangat ang ulo ko gamit ang isang daliri niya. Nang magtama ang tingin nami'y nagulat ako sa napakaraming emosyong nakita ko sa mga mata nito. Sa dami'y wala akong mapangalanan kahit isa. Pinunasan niya ang mga luhang hindi ko namalayang nalaglag. Puno ng pag iingat ang bawat dampi ng daliri niya sa mukha ko.

Nakatingin lamang ako sa kaniya. Payapa. Walang takot.

"Palagi, Ysabella... Palagi akong darating." Seryoso niyang sabi. Diretsong nakatingin sa mga mata ko. Kinakausap ang kaluluwa ko.

Ang tunog ng gate ang nagpabalik sa akin sa katinuan.

Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto ang sitwasyon. "Si Papa." Mahina at kinakabahang sabi ko. "Uhm... Magtago ka? Magtago ka bilis!" Natatarantang sabi ko habang naghahanap ng pwede niyang pagtaguan sa kwarto.

"Bakit ako magtatago? Wala tayong ginagawang masama. Haharap ako sa kaniya at sasabihin ang totoo."

"P-pero-"

"Ysa! Anak!" Si Papa habang kumakatok sa kwarto ko.

Sa kaba ko'y hindi ako nakasagot.

"Ysabella!"

Akmang gagalaw si Kalix ngunit agad ko siyang pinigilan. Kunot ang noo nitong bumaling sa akin. Sunod sunod na iling naman ang isinagot ko rito. Dalawang mabagal na iling lang ang isinagot niya sa akin bago buksan ang pinto.

"Tanghali-" Hindi natapos ni Papa ang sasabihin nang makita ang nagbukas ng pinto. Agad na dumilim ang itsura nito. "Sino ka?! At bakit ka nasa kwarto ng anak ko?!" Parang kulog na tanong ni Papa.

"Maria Ysabella!" Sigaw nito nang bumaling sa akin.

"P-pa, makinig ka muna-"

"Lumabas kayong dalawa sa sala." Mahina at puno ng pagtitimping sabi ni Papa.

Naupo si Papa sa pang isahang sofa, si Kalix sa tapat nito. Kabang kaba akong naupo sa pangtatluhang sofa sa gitna nila.

"Hindi ba kayo magsasalitang dalawa?" Hindi ko alam kung bakit pero mas nakakatakot si Papa kapag malumanay.

Kahit kabado ay sinabi ko ang mga dapat kong sabihin kay Papa. Hindi man nagsasalita kitang kita ko sa mukha niya kung gaano siya kagalit sa nangyari.

"Nasaan... ang hayop na 'yon." Mahina at madiing sabi ni Papa matapos kong magkwento.

"He's already in jail, Sir." Seryosong sabi ni Kalix.

Nagulat ako roon. Nakakulong na raw? Sino ang umasikaso? Siya?

Napatingin si Papa sa nagsalita. Blangko ang nakikita ko sa pareho nilang mga mata pero tila ba may sarili silang pag uusap doon.

Si Papa ang unang bumitiw at tumayo.

"Maghahanda ako ng agahan, kumain muna kayo at samahan mo 'ko sa presinto." Sabi nito habang direktang nakatingin kay Kalix.

Nang tumayo si Papa ay agad akong nagtanong kay Kalix.

"Nakakulong na?"

Hindi ko man nabuo ang pangungusap ay tumango siya bilang sagot. "Don't worry." Sabi nito bago tumayo at sumunod kay Papa.

Tahimik ang agahan hanggang matapos. Nang tumayo si Papa ay ganoon rin ang ginawa ni Kalix.

"U-uhm... Hindi po ba ako pwedeng-"

"Dito ka lang. Magpahinga ka, babalik ako agad." Si Papa.

"S-si Mama po?"

"Ibinilin ko na siya. 'Wag mo munang alalahanin ang mama mo. Kailangan mong magpahinga." Seryosong sabi nito ngunit hindi rin nagtagal ay lumamlam ang mga mata at marahan akong hinalikan sa noo.

Nang lumakad si Papa ay binalingan ko si Kalix. Tahimik lang itong nakatingin sa akin.

"U-uhm... Salamat ulit Si-... Kalix."

Dalawang beses siyang kumurap bago kumunot ang noo at ibinaling sa iba ang tingin.

"Stay here and rest." Hindi nakatinging sabi nito bago sumunod kay Papa.

Hindi rin ako nakapagpahinga nang sandaling iyon. Nakahiga ako sa kama ngunit ang isip ko'y nasa iba't ibang lugar. Sa ospital, sa mansyon, sa presinto. Mabuti na lang at tumawag si Clodet sa akin kaya naman may nakausap ako. Agad ako nitong kinamusta. May pakpak talaga ang balita at agad na kumalat ang nangyari sa buong barangay.

"Gurl, mag iingat ka naman. Hindi ko na 'to dapat sinasabi sayo kasi dapat alam mo na 'to pero ilang beses ka nang napapahamak at hindi ko na kinakaya ang nangyayari. Ito ang pinakamalala sa lahat Ysa. Hindi sa pinapalaki ko ang ulo mo pero itatak mo sa isip mo na maganda ka, may mga advantages ang itsura pero marami ring disadvantages 'yan. Hay, gurl nastress ako."

"Oo na, sorry na Clodet. Mag iingat na sa susunod. Talagang nagmamadali lang ako kahapon kaya hindi ko na napansin yung driver. Saka okay naman ako-"

"Pasalamat ka talaga at okay ka, kasi kung hindi ka naging okay, lalo kang hindi magiging okay dahil sa pangaral na matatanggap mo sa'kin sinasabi ko sayo. Buti na lang talaga dumating si Papa Kalix."

"Isa nga 'yon sa iniisip ko. Paano kaya niya nalaman?"

"Malamang sinundan ka Gurl. Sana kasi nagpahatid ka na e, nasstress talaga ko sayo ha."

"Bakit naman niya ko susundan?"

"Maria Ysabellang reyna ng mga manhid, type ka niya okay. Kaloka, hindi ko inexpect na sasabihin ko pa 'yon sayo. Seryoso ka ba talagang hindi mo alam?"

"Type?"

"Gurl alam mo kung pwede lang talaga akong sumugod diyan sa inyo ngayon, talagang kukurutin kita nang magising ka sa katotohanan. Type. Gusto, bet, crush? Ay, I doubt. Hindi ko susundan ang crush ko kapag umuulan at gabi na no. Love na 'yan gurl. Mahal ka na no'n."

"Hoy, anong mahal mahal ka diyan. Malabo pa 'yan sa sabaw ng adobong pusit no."

"Ewan ko sayo. O siya, tatakas ako mamaya para puntahan ka. Magpahinga ka muna at bibilisan kong tapusin 'tong ginagawa ko."

"Sige. Ingat ka oy."

"Talagang mag iingat ako, hindi ako sasakay kung kani kanino lang kagaya nung iba diyan. Ang ganda ko kaya."

"Ewan ko sayo, sige na." Sabi ko habang natatawa.

Nang matapos ang tawag ay nalugmok nanaman ako sa pag iisip.

Malabo. Napakalabo. Mahal? Hindi siguro. Hindi. Masyado kaming malayo sa isa't isa para sa salitang mahal.

SkyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon