Kabanata 8

51 4 2
                                    

Hindi ako makatulog ng gabi na 'yon. Ngayon ko lang nakitang ganoon kagalit si papa. Nang lumabas ako ng kwarto ay nakita kong bukas pa ang ilaw sa garahe.

Napagpasyahan kong puntahan si mama sa kwarto niya. Nakapikit na ito at mahimbing nang natutulog. Hinawakan ko ang payat nitong mga kamay.

Dilated Cardiomyopathy ang sakit ni mama. Matagal na raw niya itong sakit ngunit nagkaroon ng mga komplikasyon nang ipanganak niya ako. Heart transplant na lang ang tanging pag asa ni mama para gumaling ngunit bukod sa masyadong mahal ang gagastusin sa operasyon, wala pa rin kaming nakikitang donor para kay mama.

Naramdaman ko ang mahinang pagpisil ni mama sa kamay ko hudyat na gising pa ito. Nang tingnan ko si mama ay nakatingin ang malalamlam nitong mga mata sa akin at mahinang ngumiti ang maputla nitong mga labi.

"Hindi ka makatulog?" malamyos nitong tanong habang hinahaplos ang kamay ko.

Iling lang ang naging tugon ko. Napakaganda ni mama sa mga litrato niya, sa kaniya ko nakuha ang buhay na buhay kong buhok, ngunit manipis na ang sa kan'ya ngayon dahil sa paglalagas.

"Gusto mo bang tumabi kay mama?" tanong nito bago mabagal na umusog upang bigyan ako ng espasyo.

Tinulungan ko siya dahil nakita ko kung gaano siya nahihirapan sa simpleng galaw. Tumabi ako sa kaniya at magaang yumakap. Tila mahika naman ang presensya ni mama dahil parang bulang nawala ang lahat ng bumabagabag sa akin at mahimbing agad akong nakatulog.

Nang magising ay wala na si mama sa tabi ko. Lumabas ako at nakita ko sila ni Papa na nag aalmusal sa lamesa.

"Anak kain na." si Papa na tila naninimbang ang tingin.

Humalik muna ako sa kanilang dalawa bago naupo. Ilang subo ang ginawa ko bago magsalita si mama.

"Alex, panahon na siguro." si mama bago tumingin kay papa.

Hindi nagsalita si papa. Tumingin lang rin ito kay mama na tila ba nag uusap sila gamit ang kanilang mga mata.

"Ma, Pa, 'wag naman ganyan, isali niyo naman ako. Pa, may problema po ba?" direkta kong tanong kay Papa.

Humugot ng malalim na hininga si Papa bago tumango at tumingin ng diretso sa akin.

"Hindi ba dati parati mong tinatanong kung nasaan ang Lolo mo?"

Wala sa sarili akong tumango, nagtataka sa kaseryosohang pinapakita ng mga magulang.

"Sabi niyo po, nasa ibang lugar? Tama po ba? Hindi na rin naman natin napag usapan habang tumatanda ako e. Bakit po?"

"Nandito na sila Anak."

"Po? Saan po?" Naguguluhang tanong ko.

"Sa bayan natin."

"Talaga po? E bakit hindi pa po natin sila puntahan... bisitahin?" Excited kong tanong na agad ring nawala dahil sa pag iling ni Papa.

"Anak, hindi mo naiintindihan. There are things that we should discuss-"

Naputol ang sasabihin ni Papa ng tumunog ang cellphone niya, hudyat na may tumatawag. Nang tingnan niya ito ay agad na tumigas ang ekpresyon niya.

"I'll be there." mabilis nitong sagot sa kausap bago ibaba ang tawag.

"We will talk about this later. Take care of your Mama for me. Sandali lang ako." direktang sabi nito sakin bago ako hinalikan sa noo.

Ganoon din kay mama pagkatapos nitong bumulong na hindi ko na nakuha.

"Ma? Ano pong nangyayari? May problema ba Ma?" Agad kong tanong nang makalabas si Papa.

"Pagdating ni Papa, malalaman mo lahat Anak ha. Hindi kasi si mama ang dapat na magsabi sayo. Pero maaayos din ang lahat, huwag kang mag alala." Isang kalmadong ngiti ang ibinigay ni mama sa akin habang hinahaplos ang kamay ko. Ngunit hindi ako pinakalma nito.

SkyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon