"Drystan?" bulalas ko nang mapansing nakatitig lang si Drystan sa akin, namimilog ang mga mata habang ang kamay ay nakalapat pa rin sa pisngi ko.
"Drystan!" Lumuluha man, kusa nang umaangat ang labi ko sa isang ngiti. "Drystan! Narinig mo ba ang sinabi ko? Drystan, malaya ka na!"
Mariin siyang napalunok, nanunubig na ang mga matang punong-puno na ng gulat at kalituhan.
"Drystan ano ba!" Para na akong baliw, lumuluha habang tumatawa.
Nanginginig man ang mga kamay at paa, pilit akong tumayo. Hinawakan ko ang kamay niyang nakadampi pa rin sa pisngi ko. Saka ko lang napansin na sobrang lamig nito.
"D-Drystan, tingnan mo, oh?" Pinisil ko ang kamay niya, ngunit nanatili lang na nakayuko ang kanyang ulo. Mukhang hindi pa rin siya makapaniwala sa mga nangyayari.
Gamit ang kabila kong kamay, marahan ko siyang hinawakan sa pisngi. Dahan-dahan kong iniangat ang ulo niya hanggang sa magtama muli ang mga mata naming kapwa na lumuluha.
Marahan kong hinaplos ang pisngi niyang ubod nang lamig, gamit ang kamay at mga daliri kong nanginginig pa rin. "Drystan, nararamdaman mo ba 'to? Nararamdaman mo ba ako? Totoo ito, Drystan. . . Totoo ako. Totoo ang lahat nang ito. Drystan, hindi ito isang ilusyon. Malaya ka na."
Uminat ang kanyang labi sa isang ngiti kasabay nang lalo niyang pagluha. Hinawakan niya ang ibabaw ng kamay kong nakadampi sa kanyang pisngi, pumikit siya at bahagyang yumuko, pahigpit nang pahigpit ang hawak sa kamay ko.
Pinutol ko ang distansya sa pagitan namin sa isang hakbang. Bahagya rin akong yumuko at sinandal ko ang noo ibabaw ng ulo niya, ang mga kamay namin ay nakapatong sa bawat pisngi at kamay nang isa't isa.
Sa bawat sandaling hawak namin ang isa't isa, palamig nang palamig ang nararamdaman ko. Nagsisimula akong makaramdam ng kirot na tila ba nanunuot sa mga kalamnan ko, pero ayaw ko siyang bitiwan.
Gusto kong iparamdam sa kanya na ang katotohanan. Na malaya na siya. Na hindi na siya nag-iisa. Na nakalaya na siya mula sa impyerno.
"Naniniwala ka na ba?" Marahang lumabas ang mga salita mula sa labi ko.
"M-Malaya na ako. . ." Halos bulong niya namang sambit, mahigpit pa rin ang hawak sa akin.
Lalo akong napangiti sa kanyang sinabi. Dahan-dahan kong inangat ulit ang mukha niya. Banayad kong pinaglandas ang hinlalaki ko patungo sa pisngi niya at pinunasan ang mga luha niya.
"Salamat. . ." Tumitig siya pabalik sa mga mata ko at ginaya ang paraan ng pagpunas ko sa mga luha niya. Muli akong napapikit nang mariin dahil sa sobrang lamig ng kanyang haplos.
Umiling na lamang ako at muling dumilat. "Hindi ka sa akin dapat magpasalamat. Ni hindi ko alam paano ka nakawala roon. Ikaw, alam mo ba anong nangyari? Paano ka nakawala sa salamin?"
BINABASA MO ANG
The Boy in the Mirror
RomanceFeeling trapped in the cold town of La Bianco, all Helga wanted was to start a new life in a city where no one knows her name. Forcefully trapped in a mystical mirror for decades, all Drystan wanted was to break free and live again. When they meet...